CHAPTER SEVEN

6K 132 1
                                    


"ALAM mo ba'ng sinasabi mo?" bulalas ni Ivan pagkatapos na ihayag ni Charlyn ang kanyang proposal.

Kunwari ay sarkastiko siyang natawa. Ang totoo ay gusto lang niyang pagtakpan ang totoong nararamdaman. Kinakabahan siya. Alam niyang maraming komplikasyon ang inilahad niyang proposisyon dito.

"'Pakakasal tayo pero fake lang?" anito. "At paano mo naman nasisigurong hindi na pag-iinteresan ng father mo ang property ko?"

"Alam niyang ako ang makakalaban niya kapag ginawa niya iyon. Besides, may karapatan akong magdesisyon. Binigyan niya ako ng karapatan sa kanyang kayamanan bilang pambawi sa malaking kasalanan niya sa akin."

Tumaas ang sulok ng labi ni Ivan. "Ibang klase ka ring gumanti sa tatay mo. Kunsabagay, masakit nga naman ang ginawa sa inyong mag-ina ni Mr. Yap. Nagkataong isa rin sa biktima ng pangyayaring iyon ang aking ama. Pero hindi ba, dapat kalimutan mo na lang 'yon at patawarin siya?"

Naningkit ang kanyang mga mata. "Nasasabi mo 'yan dahil hindi ikaw ang nasa sitwasyon ko. Don't be a hypocrite, Mr. Arcanghel. Kasasabi mo pa lang ng dahilan kung bakit gusto mo akong makausap. Don't tell me, kalilimutan mo na lang at patatawarin ang atraso niya sa 'yo?"

Nagpakawala ito ng malalim na hininga. "Pinalayas ko na ang tauhan kong 'yon," sabi nito. "Para sa akin, sapat nang parusang nawalan siya ng pagkakakitaan at karapatang manirahan sa lupa ko."

Natawa siya. "Pinalayas mo ang tauhang binayaran ni Mr. Yap para gumawa ng pananabotahe sa negosyo mo. Pero paano ang may pakana? Hindi ba dapat papanagutin mo rin ang utak sa ganoong kasamaan?"

"At ang paraang naisip mo ay magpapanggap tayong magkasintahan, gano'n ba? At magpapakasal tayo kunwari?"

"Gano'n na nga," aniyang pinilit gawing kaswal ang boses. "Sigurado akong mabibigla siya."

"Paano kung may mangyaring masama sa kanya? Alam mong kalalabas lang ng papa mo ng ospital."

"Ang tingin ko'y nagdadrama na lang siya. Alam mo na, para maawa ako," aniyang nagkibit-balikat.

"Sigurado ka, hindi siya mai-stroke kapag nalaman niyang magkasintahan na tayo?"

"Palihim kong tinanong ang doktor niya. Ang sabi sa akin, therapy na lang ang kailangan para manumbalik ang lakas niya at maayos na pagsasalita."

"This is insane," napapailing na bulalas ni Ivan.

Hindi niya pinansin ang parunggit ng binata. "Parang nai-imagine ko na ang magiging reaksiyon niya. Mabibigla siya dahil hindi niya akalain na basta na lang akong dumampot ng kung sino lang na lalaki para pakasalan. At bibigyan ko pa ng karapatang magdesisyon sa kompanya niya."

Ito naman ang natawa. "Sino lang pala, huh?" ungol nito, malakas lang nang bahagya sa bulong.

"Ano'ng sinabi mo?"

"Wala."

"Hindi. Narinig kong may sinabi ka," giit niyang bakas ang iritasyon sa mukha.

"Ang sabi ko, maganda ka."

"Matagal ko nang alam."

"Hindi ikaw ang sinasabi kong maganda. Maganda ang ideya mo," salubong ang mga kilay na wika ni Ivan. "Sige, papayag na ako. Siguruhin mo lang na hindi ito isang dirty tactic. Mabait ako kung sa mabait. Pero marunong din akong magalit. At ibang klase akong gumanti at magparusa sa mga taong luko-luko."

Kumunot ang kanyang noo. "Pakiesplika nga, anong dirty tactic ang pinagsasasabi mo riyan?"

"Alam mo na, baka sa kagustuhan ninyong mag-ama na matuloy ang project n'yo, wala kayong hindi gagawin para lang makuha ang property ko."

THE STORY OF US 3: CHARLYN AND IVAN (published under PHR1863)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon