"ANO PA ba'ng pag-uusapan natin? Naipaliwanag na sa akin lahat ni Attorney Sacramento," walang kaemo-emosyong wika ni Charlyn nang ipatawag siyang muli ng kanyang ama kinagabihan. Nasa loob sila ng study room nito.
Sinadya niyang hindi sumalo sa hapunan. May dumating na mga bisita ang kanyang papa bandang alas-kuwatro ng hapon. Marahil ay nais nitong ipakilala siya sa mga iyon.
Nang katukin siya ng mayordoma sa kuwartong inookupa niya, sinabi niya rito na dalhan na lang siya ng pagkain. Hindi siya nito napilit na bumaba sa komedor.
"Maupo ka, a-anak," anitong iniikot paharap sa kanya ang kinauupuang easy chair.
"Hindi na kailangan. Kung may sasabihin ka, sabihin mo na," aniyang sadyang ipinahalata rito ang pagkabagot.
Tinitigan siya ni Ernesto. "Gusto kong humingi ng tawad sa iyo... a-anak."
Bumakas sa mga mata niya ang sarisaring emosyon habang nakikipagtitigan dito. "Patawad?" Napailing siya. "Ginawa mong miserable ang buhay namin ni Mama. Nagpakasal ka sa ibang babae. Sinamantala mo ang kabaitan ni Mama. Niloko mo siya. Pinaasa. At kaya pala hindi mo siya nagawang pakasalan ay dahil alam mong hindi siya ang tipo ng babaeng makakatulong sa 'yo para umasenso."
Bigla ay nag-iwas ito ng tingin.
"Masyado mong minaliit ang kakayahan ng mama ko por que high school lang ang natapos niya," patuloy na sumbat niya.
Muling tumingin ito sa kanya. "Alam kong nagkamali ako. Nakaraan na iyon at pinagsisisihan ko na ang mga nagawa ko, anak. Patawarin m-mo ako. Bigyan mo sana ako ng pagkakataon na mapunuan ko ang mga naging pagkukulang ko sa 'yo. Sana m-matanggap mo ako bilang ama."
Namait ang kanyang panlasa. Pinilit niyang huwag magpaapekto sa ipinakikitang pagsusumamo nito. Anuman ang nangyayari dito—kung nahihirapan man ito sa kalagayan nito—malamang na karma na nito iyon. Tiyak niyang sa kabila ng katayuan nito sa buhay ay hindi ito masaya. At hindi ang kayamanan nito ang nakapagbibigay rito ng peace of mind.
"Huwag mo nang asahang magbabago pa ang pagtingin ko sa 'yo, Mr. Yap," tahasang sabi niya. "Hindi por que tinanggap ko ang ibinigay mo sa aking posisyon sa iyong kompanya ay magiging maayos na ang lahat sa atin. Isa pa, ayokong may maisumbat sa akin ang dalawa mong anak na basta na lang ako magpapasasa sa kayamanan ng kanilang ama nang walang kahirap-hirap. Pagtatrabahuhan ko iyon."
Nagyuko ito ng ulo, bahagyang yumugyog ang mga balikat indikasyon ng tahimik na pagluha nito.
"Gusto ko nang magpahinga." Pagkasabi niyon ay iniwan na niya ito. Kahit paano, hindi niya naiwasang maapektuhan sa nasaksihang paghihirap ng kalooban nito. Naaawa siya rito dahil sa kalusugan nito. Inisip na lang niya iyong mga paghihirap nilang mag-ina noon upang bumalik sa pagiging manhid ang kanyang puso.
DI-NAGTAGAL ay narating din ni Charlyn ang San Bartolo. Lulan ng minamanehong kotseng pag-aari ng ama, nakarating siya sa pakay na lugar. Sumagi sa kanyang isip kung ano ang naging reaksiyon nito nang tanggihan niya ang itinokang driver nito para sa kanya.
Itinatanong pa ba iyon? De siyempre, nasaktan! anang maliit na tinig sa loob ng kanyang isip.
Ang hindi lang niya maintindihan ay kung bakit may naramdaman din siyang tila kurot sa kanyang puso. Napahugot siya ng malalim na hininga at ibinaling na lang ang atensiyon sa tinutugpang kalsada. Naghanap siya ng taong mapagtatanungan kung saan matatagpuan ang Arcanghel Builders.
Kagagaling lang niya sa opisina ng kanyang ama. Naipakilala na siya ni Martin, ang kanang-kamay ni Ernesto sa lahat ng empleyado roon. Ipinaalam ni Martin sa lahat na siya na ang bagong mamamahala sa Yap Property Holdings. Marami ang nabigla nang malamang anak siya ng presidente ng YPH. Nakita pa niya ang pagbubulungan ng ilan sa mga ito.
BINABASA MO ANG
THE STORY OF US 3: CHARLYN AND IVAN (published under PHR1863)
RomanceIsang pangyayari ang nag-udyok kay Charlyn na puntahan si Ernesto Yap, ang taong matagal na niyang binura sa kanyang buhay. Panahon na upang ibalik niya ang sakit na idinulot nito sa kanilang mag-ina. At si Engr. Ivan Arcanghel, ang kalaban sa negos...