CHAPTER TWO

7.5K 131 9
                                    


"BOSS Ivan, wala pang sampung porsiyento ang pakikinabangan sa mga hollow blocks," imporma ni Goryo, ang katiwala at runner niya sa kanyang pagawaan  ng hollow blocks at concrete pipes.

Marahas na napabuga ng hangin si Ivan. Nagdududa na siya sa mga nangyayari. Hindi iyon ang unang beses na may nangyaring pananabotahe sa loob ng pagawaan.

Noong nakaraang linggo lang ay nagreklamo ang isang kliyente dahil marurupok daw ang mga ipina-deliver nilang concrete pipes. Pinapalitan niya ang mga iyon para huwag lang masira ang kanyang pangalan at kredibilidad sa mga kliyente. Ngayon naman, nagkabasag-basag ang mga pinatitigas nilang hollow blocks. Ayon sa tauhan niya, mistulang domino raw iyon na bumagsak o sadyang "pinabagsak."

May sumasabotahe ba sa kanyang negosyo?

Ang tanong ay sino?

Isang tao lang ang mabilis na lumutang sa isip ni Ivan—ang negosyanteng si Ernesto Yap. Ito lang naman ang may motibong gawin ang ganoong panggugulo sa kanya dahil matagal na nitong gustong bilhin ang lupa niya.

Ganunpaman, mahirap mag-akusa kung walang sapat na katibayan. Isa pa, ang alam niya ay naospital si Ernesto at na-confine nang mahigit dalawang linggo. Kaya malamang sa hindi ay nagpapahinga pa ito. Imposibleng mapakilos nito ang mga tauhan  para mapilitan siyang ibenta rito ang kanyang property. Lalo pa't alam niya ang estado ng proyekto nito.

Pilit siyang nagpakahinahon. Hindi mareresolba ang problema kung paiiralin ang init ng ulo. Kailangan na niyang simulan ang pag-iimbestiga. At kung sakaling totoo ang kanyang hinala, mananagot sa kanya ang may pakana ng lahat.

"Ano'ng sabi ni Manong Titong?" tukoy niya sa namamahala ng paggawa ng mga hollow blocks. Iba rin ang nakatoka sa paggawa ng mga concrete pipes.

"Labis ngang nagtataka. Wala naman daw siyang binago sa halo kaya sigurado siyang matibay ang mga iyon," sagot ni Goryo.

Nag-isip siya. Kilala na ang Arcanghel Construction Builders. Marami na siyang kliyente hindi lang sa San Bartolo kundi maging sa mga karatig-pook at malalayong bayan. Hindi siya makakapayag na mauwi sa wala ang mga pinaghirapan niya.

"At ang sabi pa ni Manong, hindi guguho ang salansan ng mga hollow blocks kung hindi raw sinadyang pabagsakin ang patas niyon."

"Papuntahin mo sa akin si Manong Titong ngayon din," maawtoridad nang utos niya rito.

"Yes, Bossing."

Pagtalikod ni Goryo ay pumasok na siya sa loob ng kanyang opisina. Wala pang alas-otso ng umaga kaya wala pa ang sekretarya niyang si Julie. Siya na muna ang nagtimpla ng kape para sa sarili.

"Shit!" nasambit niya nang matantong walang laman ang mga canisters. May hangover pa siya—dahil nakainom siya nang nagdaang gabi sa pinuntahan niyang birthday party—kaya nagke-crave ang kanyang sikmura  sa mainit na likido.

Nagtiyaga na lang siya sa black coffee na walang asukal. He made a mental note na bigyan ng budget si Goryo para bumili ng office supplies, kasama na roon ang kape at asukal.

Hawak ang tasa ng umuusok na kape ay naupo siya sa antigong upuan. Lahat ng makikitang gamit sa opisinang iyon—kasama na ang matibay na mesang gawa sa narra—ay minana pa niya sa yumaong amang si Miguel Arcanghel.

Nang pamahalaan niya ang negosyo ng ama, kahit isa ay wala siyang binago sa ayos ng dating opisina nito. Hanggang maaari ay nais niyang i-preserve ang alaala ng kanyang magiting na ama. Sentimental siyang tao kaya ganoon na lang ang pagpapahalaga niya sa lahat ng memento ng kanyang mga magulang.

THE STORY OF US 3: CHARLYN AND IVAN (published under PHR1863)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon