Part 4

31.9K 679 14
                                    

Napakurap siya nang gagapin ni Apolinario ang isa niyang kamay at pisilin. Nilingon niya ang kasintahan at nakitang nakatingin ito sa kanilang mga magulang.

"Papa, Tito, Tita, don't pressure her. Pumayag akong bigyan siya ng panahon para mag-isip. Kaya kong maghintay." Pagkatapos ay nilingon siya nito at masuyong ngumiti. "Huwag kang mag-alala. You can think as long as you need to. I will always wait for you."

Nag-init ang mga mata ni Jesilyn dahil nabagbag ang damdamin niya sa sinabi ng nobyo. Kinutkot din siya ng guilt na binibigyan niya ng ganoong alalahanin ang isang katulad ni Apolinario na kung tutuusin ay maituturing na perpektong lalaki para mapangasawa. Alam niya na hindi karapat-dapat para sa binata ang isang tulad niya; magulo na nga ang utak at parang palaging nangangati ang talampakan na gustong kumawala sa sariling hawla, may time bomb pa sa loob ng katawan na walang nakakaalam kung kailan made-detonate—which happened to be her weak heart.

Iyon ang dahilan kung bakit overprotective ang kanyang mga magulang. Ipinanganak siya na may congenital heart disease. Namana raw niya iyon sa side ng kanyang ina. Ang kuwento ng mga magulang niya ay ilang beses daw siyang sumailalim sa surgery noon para maisaayos ang mga blood vessel sa kanyang puso. Nagkabaligtad ang development ng large artery connections kaya naghahalo ang dugo mula sa kaliwa at kanang bahagi ng kanyang puso na kung hindi naagapan ay maaaring mag-leak sa kanyang baga at maging dahilan ng kanyang pagkamatay. Noong sanggol pa lamang siya ay marami raw ang nagsabing hindi siya magsu-survive.

Subalit hindi sinukuan si Jesilyn ng kanyang mga magulang. Naging matagumpay ang mga operasyon at nagawa niyang mabuhay nang normal; kung normal mang matatawag ang regular na checkup sa kanyang cardiologist at mga gamot at vitamins. Kahit kasi naayos ang major problem sa kanyang puso, hindi raw ibig sabihin niyon ay tuluyan na siyang magaling. Her heart defect will forever be a part of her life. Na kapag hindi nabantayang mabuti ay maaari pa ring kumitil sa kanyang buhay.

Katulad na lamang noong nasa elementarya siya. Kahit sinabihan na siyang huwag magpapagod ay hindi siya nakinig. Ang nangyari ay naging abnormal ang bilis ng tibok ng kanyang puso at kinailangan siyang itakbo sa ospital upang mapawi iyon. Mula noon ay naging doble ang paghihigpit sa kanya ng mga magulang.

Kaya nga siguro nabagbag ang damdamin niya nang ligawan ni Apolinario isang taon na ang nakararaan kahit pa siguradong nakumbinsi lamang ito ng kanilang mga magulang. Ang ama ni Apolinario ang cardiologist niya mula pa noon kaya alam ng binata ang kalagayan niya. He knew the risk of being with her. Ngunit kahit ganoon ay nagdesisyon pa rin si Apolinario na makipagrelasyon sa kanya.

Subalit ibang kaso na ang pagpapakasal. Once they got married, there was no turning back. Ayaw niyang itali sa ganoong relasyon ang binata. Lalo na at sa mga nakaraang buwan ay may nararamdaman siyang kakaiba sa katawan niya. Pakiramdam niya, ang time bomb na inakala nilang lahat na matagal nang tumigil ay nagsimulang gumana uli. Nagkukunwari lamang siya na hindi iyon napapansin at umaaktong masayahin dahil alam niyang iyon ang makakapagpanatag sa mga tao sa kanyang paligid.

Huminga nang malalim si Jesilyn at pinisil din ang kamay ng kasintahan. Masuyo niya itong nginitian. "Salamat."

"Pero Jesi, hija, huwag mong tagalang mag-isip, ha? Gusto ka na naming makitang nakasuot ng wedding gown," sabi ng kanyang ina.

Pilit na lamang siyang ngumiti. "Opo."

Natuon na sa ibang paksa ang usapan. Nang matapos ang hapunan, kahit sa iisang bahay lang naman sila uuwi ay iginiit ng mga magulang ni Jesilyn na magpahatid siya kay Apolinario sa halip na sumabay sa kotse ng kanyang papa. Sa buong biyahe nila ay wala nang binanggit ang binata tungkol sa kasal. At nang makarating sa bahay nila ay magaan pa siyang hinalikan ni Apolinario sa mga labi. Hanggang doon lang naman kasi ang intimacy sa pagitan nila sa loob ng isang taong relasyon.

Bachelor's Pad book 5: Mr Hotshot (Ryan Decena)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon