Part 12

27.1K 644 13
                                    

GINUGOL nila ang buong araw sa pag-iikot sa malapit na historical sites. Ang una nilang napuntahan ay ang city hall, pagkatapos ay ang War Memorial Park.

"Ginawa ang park na ito bilang pag-alala sa mga namatay na Singaporean noong World War Two at Japanese Occupation," imporma ni Ryan kay Jesilyn.

Sunod nilang pinuntahan ang Suntec City na medyo malayong lakaran mula sa memorial park. Kung ang una nilang pinuntahan ay nagpapakita ng history ng Singapore, ang Suntec City naman ay isa sa mga simbolo ng pagiging progresibo ng bansa. It was a modern place and a very huge mall.

"I will show you something." Nakangiting lumingon si Ryan kay Jesilyn habang naglalakad sila, pagkatapos ay inabot ng binata ang kamay niya at hinatak siya patungo sa kung saan.

Namangha si Jesilyn nang makita kung saan siya balak dalhin ng binata. Nang mapatingin kasi siya sa glass wall ng mga kainang nadaanan nila ay natanaw niya ang ubod ng laking water fountain sa gitna.

"That is the world's biggest fountain. Para daw 'yan sa good luck base sa feng shui," sabi ni Ryan. "Lumapit tayo." Hinatak siya ng binata hanggang naglalakad na sila sa daan na ang magkabilang gilid ay bumubugang mga tubig. Huminto sila sa gitna kung saan mayroon ding tubig na bumubuga paitaas.

Itinuro ni Ryan ang nakadikit na plaque sa gitna niyon. "You can make a wish at the Fountain Of Wealth," nakangiti pang sabi nito at binitawan ang kanyang kamay.

Umawang ang mga labi ni Jesilyn at binasa ang nakasulat doon. Totoo nga na puwedeng humiling! Bumilis ang tibok ng kanyang puso sa antisipasyon at nakangiting bumaling kay Ryan na nakangiti ring nakamasid sa kanya. "I'm going to try this."

"Alam ko na magugustuhan mo ito," sagot ng binata at umatras palayo nang kaunti upang bigyan siya ng espasyo. Ginawaran niya ito ng nagpapasalamat na ngiti at bahagya lamang itong tumango at gumanti ng ngiti. Pagkatapos ay ibinalik niya ang atensiyon sa Fountain of Wealth. Gaya ng nakasulat na direksiyon ay inilahad niya ang kaliwang kamay sa tubig mula sa fountain at taimtim na humiling. Pagkatapos, gaya ng nakasulat sa plaque, nagsimula siyang maglakad paikot sa fountain nang tatlong beses. Nang matapos umikot ay muli niyang inilahad ang kamay sa tubig. Dumukot siya ng coins sa kanyang bulsa, inihagis iyon sa gitna, muling pumikit at binanggit uli ang kanyang mga kahilingan.

Hindi financial wealth ang hiniling ni Jesilyn kundi wealth of experience. She also wished the she could finally find what was lacking in her seemingly perfect and blessed life. Hindi niya alam kung applicable ba iyon doon pero wala namang masamang humiling.

Nang imulat ang mga mata, ang una niyang nakita ay si Ryan na nakatayo na pala sa kabilang panig ng fountain at nakatitig sa kanya. Sumikdo ang kanyang puso at parang may pumana sa dibdib niya. May naramdaman siyang realisasyon. But she denied it even before it formed into words. Dahil alam niyang hindi puwede.

Ipinilig ni Jesilyn ang ulo at hinamig ang sarili. "Ikaw, hindi ka ba hihiling?"

Namulsa si Ryan at bahagyang nakangiti nang umiling. "Kung ano man ang hiling ko, mas gusto kong pagsikapan na makamit iyon sa sarili ko."

"Eh, di humiling ka ng bagay na alam mong hindi mo kayang makuha sa sarili mo lang na kakayahan."

Sandaling tila nag-isip si Ryan, pagkatapos ay may sumilay na ngiti sa mga labi at itinapat ang kaliwang kamay sa tubig ng fountain. Mukhang may hiniling nga ang binata dahil umikot din ito nang tatlong beses bago naghagis ng coins. Nang lumapit ito sa kanya ay nakangiti na.

"Shall we go?"

Nakaramdam ng kuryosidad si Jesilyn kung ano ang hiniling ni Ryan sa fountain at ganoon ito makangiti. Subalit dagli na rin iyong nawala nang muling hawakan ng binata ang kanyang kamay at higitin na siya palayo. Nag-ikot sila at nang may mahanap na makakainan ay doon na rin nagdesisyong maghapunan.

Gabi na nang magdesisyon silang bumalik na sa hotel. Nasa train station na sila kung saan napakaraming tao nang biglang maisip ni Jesilyn na magandang gawin doon ang isa pang isinulat niya sa listahan. At dahil nakapagdesisyon na siyang i-enjoy ang bawat sandali sa bansang iyon kasama si Ryan ay mas lumakas ang kanyang loob. Kaya bigla siyang huminto sa paglalakad sa halip na tuluyang lumapit sa platform kung saan naghihintay ang mga tao ng paparating na train.

"Bakit ka huminto?" nagtatakang tanong ni Ryan at bumaling sa kanya.

Sinalubong niya ang tingin nito at pilyang ngumiti. "Gusto kong kumanta," sagot niya.

Ilang sandaling napatitig lang sa kanya ang binata bago bumakas ang pag-unawa sa mukha. Hindi na siya nabigla na tanda nito ang lahat ng nakasulat sa listahan niya. May isinulat kasi siya roon na sing in front of many people I don't know.

Bahagya pang natawa si Ryan at napailing, pagkatapos ay bantulot na binitiwan ang kamay niya. "Fine. Go on."

Naglakad muna si Jesilyn upang humanap ng puwesto. Sumandal siya sa isa sa malalaking poste para hindi naman siya makaharang sa mga dumaraang tao. Hinanap muna ng kanyang tingin si Ryan at napangiti nang makitang ilang hakbang lamang ang layo nito sa kanya. He smiled at her. Napahugot siya ng malalim na hininga at ibinalik ang tingin sa mga taong dumaraan. Huminga uli siya nang malalim at nagsimulang kumanta nang malakas.

"Somewhere, over the rainbow, way up high. There's a land that I heard of, once in a lullaby..."

Unti-unti ay may napapasulyap na mga tao sa kanya. Nanlamig ang kanyang mga kamay at muntik nang huminto at huwag nang ituloy ang pag-awit. Subalit bahagya siyang kumalma nang mapasulyap uli kay Ryan na nakangiti na habang nakatingin sa kanya. Nang alisin niya ang tingin sa binata ay nilakasan pa niya ang boses at nakangiting nagpatuloy sa pag-awit.

"Someday I wish upon a star. And wake up where the clouds are far behind me. Where troubles melt like lemon drops away above the chimney tops. That's where you'll find me..."

Dumami ang tumigil upang panoorin si Jesilyn. At bago matapos ang kanta ay nabigla pa siya nang may isang may-edad na babae ang lumapit sa kanya at nakangiting inabutan siya ng pera. Nang matapos siyang umawit ay pinalakpakan pa siya at may ilang gumaya sa may-edad na babae na inabutan siya ng barya.

Kahit namamangha pa rin ay nagpasalamat si Jesilyn. Napatingin siya kay Ryan na tumatawa sa isang tabi. Natawa na rin tuloy siya.

Hanggang may marinig siyang tunog ng pito. Napalingon siya at namilog ang mga mata nang makita ang dalawang security na tumatakbo at mukhang palapit sa kanya. Huhulihin pa yata siya!

"Let's go, Jesi," bulong ni Ryan na hindi niya namalayang nakalapit na pala.

May init na humaplos sa kanyang puso dahil tinawag siya nito sa kanyang palayaw. Mukhang nakuha nito iyon kay Kenneth kanina na ilang beses siyang tinawag ng ganoon.

Hinawakan ni Ryan ang braso niya at hinatak. Walang pagdadalawang-isip na sumunod siya sa binata. Tumakbo sila palapit sa train na ang ruta ay pabalik sa istasyon kung saan sila bababa at plano naman talaga nilang sakyan. Tiyempo na pasara na ang mga pinto. Binilisan nila ang pagtakbo at nagawa nilang makapasok sa train bago tuluyang magsara.

Bachelor's Pad book 5: Mr Hotshot (Ryan Decena)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon