Nag-init ang mga mata ni Jesilyn at napahigpit na lamang ang yakap sa kanyang pinsan. Pagkatapos nilang magkalas ay nagbilin pa si Kenneth na tawagan niya ito bago siya bumalik sa Pilipinas. Binigyan siya nito ng calling card at ibinigay naman niya rito ang pangalan ng hotel na tinutuluyan at maging ang room number niya bago ito nagpaalam at tuluyang umalis.
"She's a nice girl," komento ni Ryan mayamaya.
Napangiti si Jesilyn pero hindi bumaling sa binata. "Oo. Worth it ang pagbisita ko sa kanya." Pagkatapos ay bumuga siya ng hangin. "Tara na." Bago pa ito sumagot ay nagpatiuna na siya sa paglalakad. Kailangan kasi niya ng kaunting sandali upang hamigin ang sarili. Tila nag-e-echo pa rin kasi ang mga huling sinabi ni Kenneth.
"Follow your heart. It will make you happy..." Ipinilig niya ang ulo at sandaling pumikit nang mariin. I will pretend I didn't hear that. Kailangan.
"Jesilyn," untag ni Ryan mula sa likuran niya nang nasa kalsada na sila.
"Yes?" sagot niya at muling dumilat. Subalit hindi pa rin niya nilingon ang binata. Nagkunwari siyang iginagala ang tingin sa paligid kahit pa nagtataasang gusali lang naman ang kanyang nakikita. Napasinghap siya nang biglang hawakan ni Ryan ang kanyang braso at pigilan sa paglalakad. Pagkatapos ay marahan siya nitong ipinihit paharap.
Napilitan siyang tingnan ang mukha ni Ryan. Matiim ang titig nito sa kanya. "What's wrong?" mahinang tanong nito.
"Ha?"
Kumunot ang noo ng binata. "Mula nang may ibulong sa iyo si Kenneth ay hindi mo na ako tinitingnan."
Umawang ang mga labi ni Jesilyn. Bakit kaya ang talas ng pakiramdam ng lalaking ito?
"Akala mo ba hindi ko alam na sinakyan niya kanina ang pagsasabi mo na magaling ka na? Hindi na lang ako nagtanong dahil ayokong ubusin ang sandaling oras na makakapag-usap kayong dalawa. But it has been bothering me. Are you really sick? Sabihin mo naman sa akin." Nasa tinig nito ang pakiusap.
Parang may lumamutak sa puso ni Jesilyn dahil nakikita niya sa mukha ng binata ang pag-aalala. Malambot din ang ekspresyon sa mga mata nito, na para bang napakaimportante ng isasagot niya. Na-overwhelm siya sa mga emosyong nakikita sa mukha ni Ryan. Tila repleksiyon iyon ng mga nararamdaman din niya para sa binata. Napagtanto rin niya na hindi sila aalis sa pagkakatayo roon hangga't hindi niya sinasagot ang tanong nito. Huminga siya nang malalim at sinalubong ang mga mata nito.
"Totoo na okay na ako ngayon. But I was very sick when I was young. Overprotective lang ang pamilya ko hanggang ngayon at feeling nila, ako pa rin ang batang sakitin noon," malumanay na paliwanag niya.
"Ano nga ang sakit mo?"
Inilapat ni Jesilyn ang isang kamay sa tapat ng kanyang puso. "Dito."
Bumaba ang tingin ni Ryan sa dibdib niya bago ibinalik ang tingin sa kanyang mukha. "You have a heart disease?" dahan-dahang tanong nito. Ang kamay nito na nakahawak pa rin sa braso niya ay dumausdos pababa hanggang mahawakan ang kanyang kamay.
Tumango siya. Nang makitang namutla ang binata ay bahagya siyang ngumiti at pinisil ang kamay nito. "Bakit hindi tayo magsimulang maglakad na?" Nasa gitna kasi sila ng daan at may ilang taong napapatingin na sa kanila. Naglakad siya at narinig niya ang paghugot ni Ryan ng malalim na hininga bago umagapay sa kanya.
"Ipinanganak ako na may congenital heart disease," simula ni Jesilyn pagkalipas nang ilang sandali dahil alam niyang hinihintay ni Ryan ang sasabihin niya. Sa katunayan ay hindi binitiwan ng binata ang kamay niya. Kaya sinabi niya rito ang lahat ng narinig lang din niya sa kanyang mga magulang. Maging ang naging karanasan niya noong bata pa at ang regular nang pakikipagkita sa cardiologist upang siguruhin na malusog siya.
BINABASA MO ANG
Bachelor's Pad book 5: Mr Hotshot (Ryan Decena)
Romance"Higit sa takot na masaktan at mahirapan, mas takot akong mabuhay na wala ka." Buong buhay ni Jesilyn ay naging overprotective ang kanyang mga magulang. Sila ang nagdedesisyon para sa kanya, maging ang kasintahan niya ay ang kanyang papa at mama ang...