Part 13

26.6K 608 5
                                    


Habol ni Jesilyn ang paghinga.

"Are you okay?" nag-aalalang tanong ni Ryan.

"I'm fine," usal niya nang kumalma ang tibok ng kanyang puso. Nagsimulang umandar ang train kaya napakapit siya sa braso ng binata. Pagkatapos ay napatingin siya sa platform. Nakita niyang nakatayo roon ang dalawang security at kunot-noong nakasunod ang tingin sa kanila. Napalingon din sa mga iyon si Ryan na nakahawak na sa railing para hindi sila matumba. Sandaling inabot lang nila ng tanaw ang dalawang security hanggang makaalis sa istasyon ang train na sinasakyan nila. Pagkatapos ay nagkatinginan silang dalawa at sabay na natawa.

Halos hysterical ang tawa ni Jesilyn na napapatingin na sa kanila ang mga tao sa train. Mabilis tuloy niyang inakay si Ryan paupo sa bakanteng espasyo na malapit sa kanila.

"Hindi ako makapaniwala. Nagkapera pa ako," natatawa pa ring sabi niya at inilahad ang kamay na may hawak ng perang ibinigay sa kanya ng mga nakinig sa pag-awit niya.

Napailing si Ryan pero nakangiti pa rin. "Iyon ay dahil maganda ang boses mo. Akala siguro nila, struggling artist ka. You surprised me when I heard you sing."

Ngumisi si Jesilyn. "Mahilig kaming mag-karaoke kapag family time," proud na sagot niya.

Naging masuyo ang tingin sa kanya ng binata at hinaplos ang ulo niya. "Kaya pala. You should sing more often."

Ngumiti siya at sinalubong ang tingin ni Ryan bago mahinang nagsalita, "Hindi ko alam kung kakayanin ko uli 'yon. It took me so much courage just to do that, you know."

"Karamihan naman ng mga tao, kailangan ng lakas ng loob para biglang kumanta sa lugar na maraming tao. Ikaw nga, sa isang banyagang bansa pa."

Ngumiti si Jesilyn at sandaling nagdalawang-isip bago muling nagsalita, "Hindi lang dahil mahirap kumanta sa harap ng maraming tao kaya sinabi kong labis na lakas ng loob ang kinailangan ko. Iba ang dahilan kung bakit inilagay ko 'yon sa listahan ko."

Bahagyang umangat ang mga kilay ni Ryan. "Ano ang dahilan?"

Nagkibit-balikat siya. "Hindi ba sinabi ko na sa iyo na noon pa mang bata ako, school at bahay lang ang ruta ko? Na masyadong mahigpit ang mga magulang ko at kahit field trip o event lang sa school ay hindi ako pinapayagan? Dahil doon, hindi ako masyadong nasanay makisalamuha sa maraming tao. At dahil palagi akong hindi pinapayagan, noong high school ay naging mahirap para sa akin ang magkaroon ng mga kaibigan. Killjoy daw kasi ako kaya hindi na nila ako niyayaya kapag may bonding moment sila.

"Lalo na noong college na mas may sariling mundo at personalidad ang mga tao. Kapag nalalaman nila na hatid-sundo pa rin ako at tuwing tumatanggi ako kapag nagyayaya sila, nagpapasama sa pakiramdam ko ang mga tingin na ipinupukol nila sa akin. Nagkaroon ako ng takot sa tingin ng mga tao. Kapag tinitingnan ako ng mga hindi ko kilala, pakiramdam ko ay may mali sa akin. Sometimes I get anxiety attacks because of it," pag-amin ni Jesilyn.

Napatitig sa kanya si Ryan. "At kanina habang kumakanta ka at nakatingin ang mga tao sa iyo, naramdaman mo rin ba na magkakaroon ka ng anxiety attack?" maingat na tanong nito.

Sinalubong niya ang tingin ng binata at ngumiti. "Noong una. Pero nang masulyapan kong nasa malapit ka lang ay umayos ang pakiramdam ko. I was able to sing well until the end, right?"

May kumislap na emosyon sa mga mata ni Ryan at naramdaman ni Jesilyn ang katawan ng binata na bahagyang kumilos at ang mukha nito ay tila akmang lalapit sa kanyang mukha. Napaigtad tuloy siya at tila may nagliparang mga paruparo sa kanyang sikmura. Ilang pulgada na lamang ang layo ng mga mukha nila sa isa't isa nang mapahinto ang binata na para bang napigilan ang sariling gawin ang kung ano mang gagawin nito. Nagkatitigan sila, sabay na umayos ng upo, at kapwa nag-iwas ng tingin.

Bachelor's Pad book 5: Mr Hotshot (Ryan Decena)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon