HINDI napigilan ni Jesilyn ang matawa nang makita ang ekspresyon sa mukha ng kanyang pinsan na si Kenneth nang bumaba ito sa ground floor lobby ng residential tower kung saan ito nakatira at makita siya. Nasira kasi ang sopistikada at magandang hitsura ng pinsan dahil halos lumuwa ang mga mata nito at nakaawang ang mga labi habang nakatingin sa kanya.
Salamat kay Ryan na alam kung paano pumunta roon ay naabutan pa niya ang kanyang pinsan na mukhang papasok sa trabaho. Sinamahan pa siya ng binata na lumapit sa reception area at gamit ang intercom ay nakausap niya si Kenneth na tiyempong paalis na pala. Malayo pa lamang ay hindi na maipagkakamali ang pagkakahawig nila. Mas matangkad lang sa kanya ang babae at mukhang beauty queen ang aura.
"Jesilyn? As in ang anak nina Tito Jesilito at Tita Marilyn?" manghang bulalas ng babae nang sa wakas ay makalapit sa kanya.
"Oo. Ako nga," nakangisi pa ring sagot niya.
Natawa na rin si Kenneth at bigla siyang niyakap. "Oh, my God! Hindi mo sinabi sa akin na pupunta ka rito. Magka-chat lang tayo noong nakaraan, ah?"
Gumanti siya ng yakap. "Surprise."
Kumalas ito ng yakap at pinasadahan siya ng tingin mula ulo hanggang paa. "Grabe, more than twenty years at ngayon lang tayo nagkita nang personal. Kasama mo sina Tito?"
Bahagyang naging ngiwi ang kanyang ngiti. "Ah, hindi ko sila kasama." Pagkatapos ay wala sa loob na napasulyap siya sa revolving glass doors ng residential tower kung saan nakatayo si Ryan. Tiyempo namang napatingin din sa direksiyon nila ang binata kaya nagtama ang kanilang mga mata. Nginitian siya nito.
"Oh," usal ni Kenneth dahilan kaya bumalik dito ang atensiyon ni Jesilyn. Nakatingin din ang pinsan niya sa direksiyon ni Ryan at nanunukso na ang kislap sa mga mata nang muling bumaling sa kanya. "Iba pala ang kasama mo. Boyfriend mo?" tanong nito.
Nag-init ang kanyang mukha. "Hindi. Kaibigan ko," mabilis na sagot niya. Nang tila hindi naniwala ang pinsan niya sa kanyang sinabi ay pabuntong-hiningang sinenyasan niya si Ryan na lumapit upang maipakilala ang dalawa sa isa't isa. Lumapit naman sa kanila ang binata at nakita niya nang halos matulala si Kenneth sa pagtitig kay Ryan.
"Ryan, siya ang pinsan ko na sinasabi ko sa iyo, si Kenneth. Panlalaki ang pangalan niya pero nakita mo naman, babae siya. Kenneth, si Ryan," pakilala ni Jesilyn sa dalawa.
"Hi," nakangiting sabi ng binata at inilahad ang kamay sa pinsan niya.
Tinanggap ng babae ang pakikipagkamay ni Ryan pero hindi pa rin inalis ang tingin sa mukha ng binata. "I know you. Ryan Decena, right? Of RD Publishing. Guest speaker ka sa isang publishing related conference last year at nagkataon na isa ako sa attendees. Mayroon kasi akong column sa isang design magazine dito sa Singapore."
Natigilan si Ryan. Si Jesilyn naman ay nabigla at napatingin na rin sa mukha ng binata. Nakita niya tuloy nang ngumiti ito at tumango.
"Yes. It was a good event last year."
"Sabi ko na nga ba. Kaya pamilyar ka sa akin. Wait, may oras pa bago ang appointment ko. Pumunta tayo sa coffee shop at doon tayo mag-usap, okay?" masiglang suhestiyon ni Kenneth sa kanilang dalawa.
Nagkatinginan sina Jesilyn at Ryan. He smiled encouragingly. Na para bang inuudyukan nitong pumayag si Jesilyn. Kaya iyon nga ang ginawa niya.
Saglit pa ay nasa loob na sila ng coffee shop na malapit lamang sa tinitirhan ng pinsan niya. Habang naglalakad sila papunta roon ay halos si Ryan ang kinakausap ni Kenneth. Halata ang interes ng pinsan sa binata.
May naramdamang pagbigat ng pakiramdam si Jesilyn. Parang may kumukutkot sa kanyang dibdib na hindi niya mawari. At nang nasa loob na sila ng coffee shop ay tinapik pa ni Kenneth ang braso ni Ryan habang may sinasabi. Nang mga sandaling iyon ay parang gusto niyang higitin ang braso ni Ryan at ilayo sa pinsan niya. Parang gusto niyang magsisi na nagpunta siya roon at isinama ang binata. It was a feeling of possessiveness she never felt before. Medyo nakaramdam tuloy siya ng guilt dahil sa pagkakaroon ng munting iritasyon para kay Kenneth na maayos naman siyang hinarap kahit walang pasabi ang pagpapakita niya rito.
BINABASA MO ANG
Bachelor's Pad book 5: Mr Hotshot (Ryan Decena)
Romance"Higit sa takot na masaktan at mahirapan, mas takot akong mabuhay na wala ka." Buong buhay ni Jesilyn ay naging overprotective ang kanyang mga magulang. Sila ang nagdedesisyon para sa kanya, maging ang kasintahan niya ay ang kanyang papa at mama ang...