Diclaimer: Wala akong background sa lenggwaheng Intsik. Ang napapaloob dito ay mula lamang sa Google Translate.
Credits din po kay IanneDyeyd para sa cover sa itaas ^_^
~*~
Mabilis kong tinawid ang kalsada.
Panay ang busina ng mga tsuper na napatigil dahil sa basta-basta kong pagdaan.
Wala akong pakialam.
Sa halip, kumaripas ako patuloy sa kabilang dako ng lansangan—kung saan naroon ang animal na 'yon.
Kung akala niya'y matatakasan niya 'ko, pwes nagkakamali siya.
Saktong paglingon niya, nadambahan ko siya sa likod.
Sumubsob kami sa lapag. Hindi ko na hinayaang makawala pa siya at kaagad pinulupot ang payat kong mga braso sa katawan niya.
Lalaki siya pero magkasing-katawan lang kami, at mas tarantado ako kaya sorry siya.
"Tatakas ka pang hayop ka," singhal ko habang nagpupumiglas siya. "Bayaran mo utang mo kay Tiyang kung ayaw mong baliin ko 'tong braso mo!"
"Oo na!" bulalas niya.
Kumalas ako at tumayo, pero hindi naaalis ang matalas kong tingin sa kaniya.
Inayos niya ang sombrero niyang pang-hypebeast. Akala mo pogi ang gago e.
"Magbabayad din pala, pinahirapan mo pa 'ko," asik ko.
Naglabas siya ng pitaka mula sa pantalon niyang doble pa yata ng patpatin niyang mga binti ang laki. Lakas maka-jejemon.
"'Wag ka nang magpapakita sa 'kin, Amazona," aniya. Ibinagsak pa niya ang ilang libo sa lapag.
Ngiting aso siya nang pulutin ko iyon. Kaagad iyong nawala nang makilala ng pangit niyang pagmumukha ang kamao ko.
"Aasahan ko 'yan," huling sabi ko bago siya talikuran at umalis.
Bumalik ako sa pasugalan ni Tiyang nang dala ang pera. Kagaya ng pangako, binigyan niya ako ng porsyento roon.
Sideline niya ang pagpapautang. Hindi na 'ko nagtataka kung bakit may mga tumatakas dahil sa laki ng interes na pinapatong niya.
Ang nakakatawa lang, panay pa rin naman sila ng hiram ng pera. Naghukay lang sila ng sariling libingan.
Pumunta ako kaagad sa botika para bumili ng gamot. Iyong natira, ibinili ko ng malunggay pan de sal—paborito ng kambal.
Pagdating ko sa bahay naming pinagtagpi-tagpi ng kariton at plywood ay napa-buntong hininga ako. Nakakalungkot na ito lang ang uwi ko.
Nang buksan ko ang pinto, halos pader ulit ang bumungad sa 'kin. Gano'n ito kaliit, parang isang metro lang yata.
Umangal pa 'ko e libre na nga kaming nakakatira rito. Squatters' area kasi.
"Ate!" sabay na bungad ng kambal.
Nag-bear hug ako sa apat na taong gulang kong mga kapatid at binugbog sila ng halik.
Kaninang umaga ko lang sila huling nakita pero laging ganito. Ang cu-cute kasi, hirap hindi ma-miss.
"Yak! Baho!" sabi ko. "Sino 'yon?"
"Si Jay-jay!" "Jay-ar!" Natawa na lang ako nang nagbintangan pa sila.
"Paliguan kayo ni ate mamaya. Pasalubong o."

BINABASA MO ANG
Genie and I
FantasíaSi Juliet, o mas kilala bilang JD, ay isang simpleng babaeng laki sa hirap na patuloy sa pagkayod sa buhay. Hindi man madali ay nagagawa niyang sumabay sa agos ng kahirapan. Hanggang sa magkasabay-sabay ang kaniyang mga problema; ang lumalalang sak...