Prologue

15.9K 242 20
                                    


http://www.phr.com.ph/

https://www.preciousshop.com.ph/home/

http://www.booklat.com.ph/


Natuwa si Charisse nang tumunog ang buzzer na naghuhudyat na recess na. Nagkaingay ang mga kaklase niya.

Kanina pa siya nakakaramdam ng gutom. Hindi kasi siya gaanong nakakain ng almusal dahil sa pagmamadali. Hindi pa siya tapos mag-almusal nang tumapat ang school bus sa bahay nila.

Kinuha niya ang pink na Hello Kitty lunch box sa ilalim ng desk niya. Nang buksan niya ang lunch box ay sandwich na lang ang naroon. Wala na ang thermo jar na naglalaman ng orange juice na ipinabaon ng mommy niya.

Tumingin uli siya sa ilalim ng desk. Wala talagang naliligaw na thermo jar  doon. Tumingin siya sa paligid. Ngunit walang ganoong jar sa mga kaklase niya. Paano kaya nawala iyon samantalang ang mommy pa niya ang naglagay doon?

“Teacher, nawawala po ang juice ko,” sumbong niya sa guro nila.  

Hindi niya alam kung narinig siya ng teacher o nilunod lang ng ingay sa paligid ang boses niya. Tumalikod na kasi ito at lumabas ng classroom.

“'Eto na lang baon kong juice ang inumin mo, Charisse.”

Ang kapitbahay at kaklase niyang si Nathan Evangelista ang nagsalita. Nang tingnan niya ito ay isang red tumbler na puno ng juice ang iniaabot sa kanya.

Nagtaka si Charisse kung bakit bumait yata bigla ito. Dati-rati alaga siyang buskahin at inisin nito. Pang-iinis na kung minsan ay pinapatulan niya. Sa katunayan, kinder pa lang sila noon nang maipatawag sila sa office ng administrator ng preschool na pinasukan nila. Sinapak kasi niya ito sa mukha at nagdugo ang loob ng bibig nito. Hanggang ngayong grade two na sila ay alaskador pa rin ito sa kanya.

Kaya naman parang nagdadalawang-isip siya na kunin ang iniaalok nito. Kaya lang ay wala siyang ipanunulak sa sandwich na baon niya, kaya tinanggap na rin niya ang juice. “Pa’no ka?” sabi niya rito.

“Meron pa 'ko. Nandito sa bag. Sige, inumin mo na 'yan.”

“Salamat.”

Ngumiti ito sa kanya na para bang ito pa ang may utang-na-loob dahil tinanggap niya ang ibinibigay nito. Bumait na nga yata ang kababata niya.

Wala pang dalawampung minuto mula nang magsimulang muli ang kanilang klase nang makaramdam siya ng kakaiba. Nadudumi siya.

Bakit kaya? Samantalang dumumi naman siya kaninang pagkagising niya. At hindi siya basta nadudumi lang. Parang kahit anong oras ay lalabas na iyon.

Tumayo siya at lumapit sa kanilang teacher. Nagtaka naman siya kung bakit biglang nagkaingay ang klase. Ngunit talagang iba na ang nararamdaman niya kaya hindi na niya pinansin ang mga iyon. “Ma’am, may I go to the toilet?” Iyon kaagad ang sinabi niya para hindi na siya tanungin pa nito kung sasabihin niyang “May I go out.”

“Quiet, class!” saway ng teacher nila sa mga kaklase niya bago siya muling tingnan. “Okay, Charisse, you may go.”

Isang kaklase nila ang biglang tumayo at tinawag siya. “Basahin mo ang nakalagay sa likod mo.”

Hinatak niya ang blouse ng uniporme niya habang nakalingon sa kanyang likod. May nakapa nga siyang papel doon. Tinanggal niya ang papel na nakadikit sa damit niya. Mabuti na lang at madali namang naalis. Binasa niya ang nakasulat doon: “Natatae ako.”

Pahiyang-pahiya si Charisse. Kaya pala nagkakaingay ang mga kaklase niya kahit naroon ang teacher nila. Natuon ang pansin niya sa nakangising si Nathan. Alam niyang ito ang may gawa niyon. Nakaupo ito sa likod ng desk niya.

Hindi na niya inisip na naroon ang teacher nila. Bumuwelta siya at sinugod si Nathan. “Napaka-salbahe mo talaga! Napakasalbahe mo!” Pinagbabayo niya ito ng mga kamao niya. Wala na siyang pakialam kahit saan ito tamaan. Galit na galit siya. Nahinto lang siya nang may mga pumigil sa kanya.

“Charisse! Nathan! Go to the guidance office!” dinig niyang galit na sabi ng teacher nila.

Sukat doon ay bumalik na naman ang paghilab ng tiyan niya. At sa pagkakataong iyon hindi na niya napigil ang sarili. Isang impit na tunog ang kumawala sa pang-upo niya, kasabay ang pag-alingasaw ng mabahong amoy.

“Ay, tumae nga!”

Nahiling niya na sana ay nananaginip lang siya, o kaya ay nasa isang malayong lugar siya at wala isa man sa mga kaklase niya ang naroon.

....................

Braveheart Series 14 Nathan Evangelista (Chief Of Mischief) COMPLETEDTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon