3. Kilig O Nginig

7K 192 18
                                    

Nang buksan ni Charisse ang front door nila ay nakita niya roon sina Nathan at Tito Lauro, ang ama nito. Nagbatian sila at pagkatapos ay pinapasok niya ang mga ito.

“Napasyal kayo?” kausap niya kay Tito Lauro. Hindi niya pinapansin si Nathan. Sariwa pa sa isip niya ang pang-aasar nito noong isang araw na pumasyal ito roon kasama si Pal. “May kailangan po ba kayo?”

“Oo, hija. Magpapasama sana kami sa 'yo sa Tito Roman mo, kung puwede ka. Ipaa-assemble ko na 'yong jeep na gusto ko.”

“Ngayon na po ba?”

“Oo sana.”

Nagpaalam siya sa mga ito na magbibihis muna sandali. Maluwag na T-shirt at pantalong maong lang ang isinuot niya. Wala siyang ganang magpaganda kung si Nathan lang naman ang makakakita sa kanya.

Sumakay sila sa SUV ng ama ni Nathan. Sa likod kaagad naupo ang ama nito kaya napilitan siyang tumabi sa nagmamanehong kababata.

“Sabi ko rito kay Nathan, yayain kang pumasyal sa palaisdaan namin sa Bulacan, hija,” kausap sa kanya ng ama nito nang nasa daan na sila.

Inunahan siya ni Nathan sa pagsagot. “Tatanggihan lang naman ako nitong si Charisse kapag niyaya ko siya, 'Pa.”

Napasulyap siya sa katabi. Parang himig-nagsusumbong ito, parang nagtatampo.

“Paano naman, hijo, wala ka nang nakitang inisin kundi itong si Charisse. Kundangan namang gustung-gusto mo siyang buskahin. Sa akin mo man gawin ang mga ginagawa mo sa kanya, gano’n din ang magiging reaksiyon ko.” Siya naman ang binalingan ni Tito Lauro. “Sa susunod na Sabado, maaga kaming pupunta roon ng asawa ko. Sumama ka sa amin, hija. Naiinip din doon ang Tita Delma mo dahil wala siyang makausap na babae. Palibhasa, pulos lalaki ang tauhan namin sa palaisdaan.”

“Ah, eh...”

“Huwag kang mag-alala, hindi naman kasama si Nathan. Kami lang ng misis ko ang makakasama mo.”

Sinulyapan uli niya si Nathan. Pormal ang mukha na nakatingin lang ito sa kanilang unahan. Maano ba kung malaman nitong gusto niyang sumama sa mga magulang nito kung hindi ito kasama. Hindi naman lihim kay Nathan na inis siya rito. Mga bata pa sila alam na nito iyon. “Sige po, Tito.”

Nang dumating sila sa talyer ng tiyuhin niya sa Pasong Tamo ay naabutan nilang nagmamando ito sa isang mekaniko roon. Lumapit kaagad ito sa kanila nang makita siya.

Humalik siya rito. “Tito Roman, dinalhan kita ng customer. Natatandaan mo pa ba si Tito Lauro?” aniyang ang tinutukoy ay ang ama ni Nathan.

Ngumiti ito. “Oo naman.” Iniabot nito ang kanang kamay sa mag-ama. “Kumusta, pare? Ito na ba ang binata mo?”

“Mabuti, pare. Oo, 'yan na ang kababata nitong si Charisse. Si Nathan, bunso ko.”

Tumingin sa kanya si Tito Roman, pagkatapos ay kay Nathan.

“Tito Roman, let’s get down to business,” maagap na sabi niya. May pagka-matchmaker ang tiyuhin niyang ito at wala siyang balak na pabiktima.

Habang nakikipag-usap sina Tito Lauro at Nathan sa kanyang tiyuhin ay naglibut-libot muna siya sa talyer. Mas gugustuhin niyang makipag-chika-han sa mga mekaniko roon kaysa makiharap sa usapan na kasama si Nathan.

“Tapos na ba ang isang ito?” tanong niya sa isang mekaniko na pinarerebolusyon ang makina ng isang bagung-bagong pickup truck na may malalaking gulong.

“Opo, Ma’am. Ipapa-test-drive na lang ni Bossing ito.”

“Ang ganda. Pero bakit ang lalaki naman yata ng gulong? Parang mahihirapan yatang sumampa ang sasakay dito.”

Braveheart Series 14 Nathan Evangelista (Chief Of Mischief) COMPLETEDTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon