10. Frog No More

10.1K 238 56
                                    


“Ipinabibigay po ni Kuya Nathan, Ate Charisse.”

Inabot niya ang maliit na shopping bag na hawak ng kasambahay nina Nathan. Cellphone at charger ang laman niyon nang tingnan niya. Iyon ang cellphone niya at charger. Itinago pala iyon ng unggoy kaya hindi niya nakita sa mga gamit niya. Lalong naging malinaw sa kanya na ayaw talaga nito na manumbalik ang lahat ng memorya niya noong magkasama pa sila.

Ini-on niya ang cellphone. May mga Missed calls doon sina Pal, Lirio, ang kompanyang in-apply-an niya ng trabaho sa Parañaque, at ang mommy niya. Mayroon ding mga text messages na hindi pa nabubuksan.

Kung ibinigay lang sa kanya iyon noon ni Nathan baka bumalik kaagad ang memorya niya. At ang trabahong pinakahihintay-hintay niya, nakalampas na pala sa mga palad niya.

Napatiim-bagang siya. Dahil iyon sa kagagawan ni Nathan.

Nakaalis na ang kawaksi nananatili pa rinng nakatayo roon si Charisse
.
Matagal na niyang naa-anticipate noon na may gagawin sa kanya ang kababata na pinakamalaking kalokohan. Ang sa palagay niyang greatest of all mischief. At sa kanyang pagkakaaksidente, parang inihain dito ng kapalaran ang pagkakataon sa isang platong pilak.

Nagmukha siyang tanga sa paniniwala rito noong habang may amnesia pa siya. She couldn’t believe that she had been gullible.

Natinag lang siya sa pagkakatayo roon nang tumunog ang kanyang cellphone. Si Lirio ang tumatawag. Humakbang na siyang papasok sa loob ng bahay.

“Hi, napatawag ka?” aniya sa pinsan.

“Ang tagal ko na ngang tumatawag sa 'yo. Bakit hindi mo sinasagot ang mga tawag at text ko?”

“Nagbakasyon ako sa Quezon, 'di ba?”

“May cell site naman doon, ah. Akala ko tuloy, nagtatampo ka na sa akin.”

“Mahabang kuwento, Lirio.”

“Puwes, kuwentuhan mo ako. Kay Tita Maya ako tumawag kanina kaya ko nalaman na nandito ka na. Totoo ba ang sinabi niyang nagka-amnesia ka?”

“Oo.” ikinuwento niya rito ang mga nangyari. Tawa naman ito nang tawa tuwing ang mga ginawa sa kanya ni Nathan ang nababanggit niya. “Bakit ba parang tuwang-tuwa ka pa diyan? Ganito na nga ang nangyari sa akin nang dahil sa unggoy na 'yon.”

“Kasi po, talaga palang may tama sa 'yo ang isang 'yon. Imagine, naisip niyang gawin sa 'yo ang mga 'yon. 'Di ba, napaka-romantic naman niya?”

“Romantic?!” Nanlalaki ang mga mata niya kahit hindi niya ito kaharap. “Romantic bang matatawag 'yong sinamantala niya ang pagkakaroon ko ng amnesia para lokohin ako?”

“Bakit, hindi ka ba nag-enjoy sa pag-aasikaso at pag-aalaga niya sa 'yo? Didn’t you enjoy his kisses?”

Hindi kaagad siya nakasagot. Nang makaisip naman siya ng isasagot ay inunahan na siya nito sa pagsasalita.

“Sayang talaga, Charisse. Ima-match pa naman sana kita sa Kuya Oliver ko. Kaya lang sa tingin ko, talagang si Nathan na ang kapalaran mo.”

“Puwede ba, huwag mo ngang sabihin 'yan. Hindi na magpapakita sa akin ang unggoy na 'yon. Pinagsabihan ko siya na ayaw ko na siyang makita kahit kailan.”

“I bet magpapakita pa rin 'yon sa 'yo. Kahit naman ganoon 'yon katinding mang-alaska, mahal ka naman talaga niya.”

“Ipinagtatanggol mo pa ang unggoy na 'yon pagkatapos ng mga perhuwisyong ginawa niya sa akin?”

“Charisse, maaaring niloko ka ni Nathan at pinapaniwala sa ilang kasinungalingan. Pero in-analyze mo na ba kung ano ang nagtulak sa kanya para gawin iyon? Isipin mo nga, ikaw na rin naman ang nagkuwento, inalagaan ka niya. Nagpanggap siyang asawa mo. Pero hindi naman siya lumampas sa dapat. Hindi siya nagsamantala sa sitwasyon. Ang sabi mo pa, hindi naman kayo lumampas sa halik. Iisa lang ang ibig sabihin kung bakit niya nagawang ibigay sa 'yo ang ganoong respeto. Kung hindi mo pa rin makuha kung ano 'yon at bakit, idilat mo pa ang mga mata mo.”

Braveheart Series 14 Nathan Evangelista (Chief Of Mischief) COMPLETEDTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon