7. Asawa?

6.5K 181 29
                                    


NAGISING si Charisse na masakit ang ulo niya at buong katawan. Kinapa niya ang ulong kumikirot. Napangibit siya sa sakit. Nakabenda iyon.

"Huwag ka munang magkikilos, Charisse. May sugat ka sa ulo kaya huwag mo munang hawakan ang benda mo."

Napadilat siya sa nagsalita. Isang lalaki iyon na parang pamilyar ang mukha ngunit hindi niya kilala. Guwapo ito, sa palagay niya ay nasa mid-twenties pa lang.

"Marami kang pasa at may mga sugat din ang hita at binti mo. Pero sabi ng doktor, wala kang malalang injury. Lumabas na ang X-ray results mo."

"Sino ka?" Medyo malat ang boses na lumabas sa lalamunan niya.

Nagulat ito. "Hindi mo ako kilala?" parang hindi makapaniwala na tanong nito.

Pumikit siya sandali. Sino nga ba ito? Bakit hindi niya ito maalala? Alam naman niya batay sa pamilyar na anyo nito na kakilala niya ito. Kahit anong pilit ang gawin niya ay wala siyang makapang pangalan nito sa utak niya.

Dumilat uli siya. "S-sorry, pero hindi talaga kita maalala."

Huminga ito. Magkahalong takot at lungkot ang bumakas sa mukha nito. "Oh, no! Nagka-amnesia ka na yata."

Amnesia? Nabagok nga pala ang ulo niya. Ang huli niyang naaalala ay nabundol siya ng jeepney at pagkatapos ay tumama pa ang ulo niya sa kung saan.
Tumingin uli siya sa lalaki. "Sino ka ba? Ano ba kita?"

Sumagap uli ito ng hangin na para bang mahirap para ditong magpakilala sa kanya. "Ako si Nathan, ang... a-ang asawa mo."

Nanlaki ang mga mata niya. "Asawa kita? Pero bakit hindi ko matandaan?"

"Baka nga nagka-amnesia ka dahil sa pagkakabagok ng ulo mo." Ginagap nito ang isang kamay niya at marahang hinalikan ang kanyang mga daliri. "Hayaan mo, sweetheart, ipasusuri kita sa doktor."

"Nathan... 'Nathan' ang pangalan ng kapitbahay namin noong nasa grade school pa lang ako. Ikaw ba 'yon?"

"Oo, magkababata tayo. N-natatandaan mo na ako?"

Sinikap niyang mag-concentrate sa pag-alala. "Hindi, eh. Pero medyo kahawig ka nga ng kapitbahay naming 'yon."

"Natatandaan mo ba kung sino ang mga magulang ko at ang mga magulang mo?"

Sinikap niyang mag-concentrate sa pag-alala. "Ang parents mo ba ay sina Tito Lauro at Tita Delma?"

"Oo, sila nga."

"'Maya' ang pangalan ng mommy ko. At ang daddy ko... ang daddy ko..." Nanlulumong napatingin siya rito. "Nathan, hindi ko maalala ang pangalan ng daddy ko."

"It's okay, sweetheart. Huwag mo munang pilitin ang sarili mong makaalala. Ang importante, gumaling muna ang mga sugat mo para makalabas na tayo rito sa ospital."

Nang suriin siya ng manggagamot ay kinumpirma nito ang sinabi ni Nathan. May amnesia nga siya.

Marami itong itinanong sa kanya. Ang ilan ay natatandaan niya. Ang ilan naman ay hindi na, tulad na lang ng unibersidad na pinasukan niya. Ngunit ang pangalan ng preschool na pinasukan niya noon ay natatandaan pa niya.

Ayon sa manggagamot ay retrograde amnesia raw ang tawag sa pagkawala ng ilan niyang memorya. Malaki raw ang posibilidad na bumalik uli ang alaala niya sa mga bagay na kanyang nakalimutan. Ngunit posible rin daw na hindi na bumalik ang iba pa. Wala naman itong sinabing tiyak na araw kung kailan iyon babalik.

Hindi niya napigilan ang sariling mapaluha sa mga inihayag ng manggagamot. Inalo naman kaagad siya ni Nathan. "Huwag ka nang malungkot. Ang importante, buhay ka at hindi malala ang mga pinsala mo."

Braveheart Series 14 Nathan Evangelista (Chief Of Mischief) COMPLETEDTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon