8. Of Questions And Doubts

6.3K 171 13
                                    


“Sino’ng kausap mo sa cellphone?”

Napalingon si Nathan sa likod niya. Nakalapit na pala sa kanya si Charisse. Minsan may mga aktuwasyon ito na pakiramdam niya para itong nagdududa kung totoo ang mga ikinukuwento niya rito. Nagsimula lang naman iyon noong isang araw na pinagpahinga niya ito at sabay silang naidlip nang magkatabi sa kama.

Hindi niya alam kung ano ang ikakatwiran dito kapag nadiskubre nito ang pagsisinungaling niya sa tunay nilang relasyon. Naisip lang naman niyang sabihin dito na mag-asawa sila para maalagaan niya ito sa paraang gusto niya.

Iyon lang ang nakita niyang chance para magawa niya rito ang pag-aalaga at pag-aasikasong dapat lang na maranasan nito. Pagkaraan ng napakarami niyang kasalanan dito mula pa noong mga bata sila, kahit paano mababawasan ang guilt niya sa pagsisilbi rito.

Isa pa, gusto niya na bago man lang manumbalik ang alaala nito ay magawa na niyang pagsilbihan ito, ang maging malambing dito. Lambing na hindi nito pagdududahang may niluluto na naman siyang kalokohan na ikabubuwisit nito. Sa pagkakataong iyon gusto niyang iparanas dito ang pag-iingat at pagsisilbing kaya niyang gawin. Bagay na kailanman hindi nito paniniwalaang kaya nga niyang gawin.

Ngunit nangangamba rin si Nathan. Natatakot siya na kapag bumalik na ang kompletong alaala nito ay kamuhian siyang lalo. Posibleng isumpa siya nito at hindi na kibuin kahit kailan. Ngunit dahil wala siyang mapagpilian kundi ang sumugal ay itinuloy pa rin niya ang panlilinlang kay Charisse.

Kung hindi naman niya gagawin ang magpakilalang asawa nito kahit hindi totoo ay malabo pa sa pinagkiskisan ng bigas ang kanyang chance na mahalin ng kababata. Basang-basa at luray-luray na ang papel niya rito. Alam niyang siya ang huli sa listahan ng mga taong pagkakatiwalaan nito. Bata pa lang sila ay nadalâ na ito sa mga kalokohang pinaggagawa niya na palaging ito ang biktima. Bahala na

Ibinulsa niya ang hawak na cellphone at nilapitan ito. Inakbayan niya ito, dinampian ng halik ang ulo. “'Yong isang staff ko sa office. May ibinigay lang akong instructions.”

“Lucban ito, hindi ba?”

“Oo. Bakit mo naman naitanong?”

“Kasi, naalala ko, dito nga pala sa Lucban ang bahay ng Lola Awit ko. Malapit lang 'yon dito. Wala pang twenty minutes ang biyahe.”

Alam niya ang tinutumbok ng pagkukuwento nito. Gusto nitong puntahan ang matanda. At hindi niya dapat hayaang mangyari iyon. Tiyak na mahihirapan siyang sagutin ang magiging mga tanong ng lola ni Charisse. Nag-aalala siyang baka mabisto ang drama niya. Ngayon pa lang dapat na siyang maghanda ng paiwas na mga sagot.

“Puntahan natin siya. Sige na. Kahit isang araw lang tayong mag-stay doon.”

Napilitan nang mangako si Nathan huwag lang magduda sa kanya si Charisse. “Hayaan mo, kapag magaling na magaling ka na, dadalaw tayo sa mga lola mo.”

“Magaling naman na ang mga sugat ko, ah.”

“Sa binti lang. 'Yong nasa ulo mo, hindi pa talaga.” Kanina ipina-dress iyon ng doktor sa isang nurse sa ospital nang dalhin niya si Charisse para sa checkup nito.

“Naiinip na ako rito sa bahay.”

“Kahit kasama mo naman ako?”

Naglalambing na yumakap ito sa tiyan niya. Ang mga ganoong paglalambing nito ang tiyak na hahanap-hanapin niya kapag natuklasan na nito ang pagpapanggap niya.

Disimuladong napabuga siya. Hindi na yata siya makokompleto kapag lumayo sa kanya si Charisse.

“Ibang pagkainip naman ang sinasabi ko. Gusto ko na ganito tayo. Masaya ako. Masaya akong tayo lang dito. At napakamaasikaso mo kaya nag-e-enjoy ako. Ang ikinaiinip ko lang, ayaw mo akong pagawain dito sa bahay. Lagi lang akong nakaupo o nakahiga.”

Braveheart Series 14 Nathan Evangelista (Chief Of Mischief) COMPLETEDTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon