--4--

4.9K 277 24
                                    

PAGBALIK ng kamalayan ni Charlie, samu't saring sakit ang agad na umatake sa kanya--sakit ng ulo, ng sikmura, pati labi at ilong niya masakit. May nakapa siyang sugat sa ibabang labi. Saan niya nakuha iyon? Nakipag-away ba siya kagabi? May gasgas din siya sa pisngi. Bumangon si Charlie at napauklo nang maramdaman ang paghilab ng kanyang tiyan. Nasusuka siya.

"Agh!" ungol niya, tinakbo ang pinto at dumiretso sa nag-iisang banyo na nasa kusina nila. May mga tao sa mesa, hindi niya pinansin dahil sa pagmamadali. saktong nakatapat na siya sa toilet nang sumambulat doon ang laman ng tiyan niya.

"Walwal pa kasi," wika ng boses sa labas. Si Gio iyon.

"Manahimik k--" Muli siyang sumuka. Nang matapos, latang-lata ang pakiramdam niya. Hindi naman kasi talaga siya tomador. Tumitikim lang siya ng alak kapag may okasyon--o may problema. Ang natatandaan niyang huling laklak niya, anim na buwan na ang nakalilipas, dahil din sa sama ng loob. "Tubig. Pahinging tubig!"

Ilang sandali lang, may dumampi na malamig sa siko niya. May nag-abot sa kaniya ng isang pitsel na malamig na tubig. Hindi na siya humingi ng baso, tinungga niya nang direkta mula sa pitsel ang tubig. Napangiwi pa nang masagi ang sugat niya sa labi.

"Sino bang walanghiya ang bumugbog sa akin?" tanong niya matapos sairin ang laman ng pitsel at basta na lang iyon ipatong sa ibabaw ng drum. Naghilamos at nagmumog siya kapagkuwan. "Gio, nakilala mo ba ang sumapak sa akin?" Ang malinaw niyang natatandaan, umiinom siya kasama ni Inggo at sinundo ni Gio. Imposible naman na si Inggo ang sumapak sa kaniya. Knock out na ng alak kagabi ang kaibigan.

Pumitik ang sentido ni Charlie, may naalala. "Muntik akong mabundol kagabi. Iyong gagong driver ng kotse, siya ang gumawa nito, tama? Sasakalin ko ang hinayupak na 'yon, eh."

"Wrong," sagot ng malagom na boses sa likod niya. "Iyong gagong driver na tinutukoy mo ang nagmagandang-loob sa'yo na buhatin ka at iuwi sa bahay mo. Instead of cussing and threatening me, you should be thanking me, Charlaine."

Hindi agad lumingon si Charlie. Kasabay ng paghigpit ng kapit niya sa tabo ay ang pag-asim din ng sikmura niya dahil narinig na naman ang kinaiinisan niyang pangalan. Hindi na siya nagtaka na nalaman nito ang totoo niyang pangalan. Malamang na nakita nito sa diploma na nakasabit sa dingding nila.

Nanumbalik sa alaala ni Charlie ang iba pang naganap kagabi. Nakaharap at nakita niya ang mukha ng driver ng kotse. At kilalang-kilala niya ang tinamaan ng kulog.

"Timotheo Del Castillo," puno ng pakla niyang sambit, humarap dito. "Totoo palang nagkaharap nga tayo kagabi. Akala ko bangungot lang 'yon."

Nakatayo sa pinto ng banyo ang bangungot, nakahalukipkip, nakangisi. Lantaran niyang ipinadaan ang tingin sa kabuuan nito. Gaano na ba katagal mula nang huli niyang makaharap ang lalaki? Isang taon na rin yata. Noong kaarawan ni Janine. Halos walang nagbago sa anyo nito--maliban sa estilo ng buhok, lumapad nang kaunti ang mga balikat at may manipis nang balbas sa panga. Marami ang haling na haling sa kaguwapuhan ng kumag, pero para kay Charlie, mukha pa rin itong mestisong orangutan.

Ngumiti si Timothy. "I'm a beautiful nightmare," anito.

"Hambog ka pa rin. Ano'ng ginagawa mo rito? Bumalik ka ba dito para hintayin na pasalamatan kita? Puwes, maghintay ka na magunaw ang mundo. Wala kang pasasalamat na makukuha sa akin."

"That was expected. With a manner like yours, I doubt if you ever thank someone in your life."

"Huwag mo akong insultuhin sa pamamahay ko, Del Castillo. Baka lumabas ka dito na may lubid sa leeg." Tinabig niya ito kapagkuwan at lumabas ng banyo. Nadatnan niya sa mesa si Gio, ang nanay niya at si Gracia. Walang Chinky, walang Gizelle. Napansin niya na nanlaki ang mga mata ng pamilya niya nang makita siya.

"May kailangan akong itanong sa'yo," wika ni Timothy, pumuwesto sa harap niya. Namilog ang mga mata niya nang bigla itong yumukod sa kaniya at may ipinulupot sa kanyang beywang. Ang coat nito. "But get yourself decent first and grab some pants."

"A-Anong...?" Napatingin sa ibaba si Charlie, nakitang nakalitaw ang mga binti niya. Ipinihit niya ang katawan upang tingnan ang likuran niya. Malutong siyang nagmura nang makitang nakakindat sa kanya si Tweety Bird. Iyon ang print ng suot niyang panloob. At may malaking butas sa nguso ang buwisit na ibon!

"So, you like birds, huh?" si Timothy, kukinang sa tuwa ang mga mata. "Feed it next time, para hindi nakanganga ng gano'n." Ang ngisi nito ay nauwi sa halakhak. Sa pagkagimbal niya, nakitawa rin ang pamilya niya.

Mga traydor!

"Tahi-tahi rin kasi ng salawal, 'pag may time, 'te," pang-aalaska pa ni Gio.

"Mga buwisit!" singhal niya saka paatras na tumakbo pabalik sa silid at ibinagsak ang pinto. Gusto niyang maglupasay dahil sa inis at kahihiyan. Anong klaseng shunga siya at humarap siya kay Timotheo na nakasalawal lang. Salawal na butas!

If you like this chapter, please don't forget to Vote or leave a Comment. It will be highly appreciated. :)

--MM--

My Bride, My Enemy: CHARLIE (SOON TO BE PUBLISHED UNDER SWEETHEARTS ROMANCES)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon