--5--

5.6K 256 3
                                    



DISENTE na nang lumabas si Charlie ng silid at tumungo sa salas kung saan naghihintay raw si Timothy. Ayaw niyang harapin pa ang lalaki pero nagbilin daw ito sa nanay niya na hindi aalis hanggat hindi siya nakakausap. May lakad siya sa araw na iyon kaya kahit gusto niyang pagtaguan si Timothy, hindi maari.

Naabutan niya ang lalaki na nakaupo sa pang-isahang sofa, nagka-kape. Palaisipan sa kanya ang biglang pagsulpot nito. Hindi nagkataon lang na nagkita sila kagabi. Malamang na sinadya talaga siya.

Bumaling ito sa kaniya nang maramdaman ang kanyang presensiya, pinagmasdan ang kabuuan niya.

"Pinakain mo na ba si Tweety?"

"Tumigil ka na," nandidilat na saway niya. "Oh." Iniitsa niya rito ang coat at pasalampak na inokupa ang silya sa harap nito. "Ano'ng kailangan mo sa akin? Dalian mo, may pupuntahan ako."

"Si Janine. I need to know where she is."

Awtomatikong umasim ang mukha niya nang madinig ang pangalang binanggit nito. "At bakit sa akin mo siya hahanapin? Ikaw ang boyfriend niya, 'di ba?"

"And you're her best friend--"

"Ex best friend," pagtatama niya. Gumuhit ang kabiglaan sa mukha ni Timothy. "Nagsaulian na kami ng kandila ni Janine. Kung 'yon lang ang itatanong mo, lalayas na ako." Tumayo siya at tinalunton ang pinto. Sa labas, nakita niya si Gracia at ang nanay niya, kinukutingting ang plastic na hanging plants sa dingding. Sumingasing si Charlie. Style bulok. Alam naman niyang pasimpleng nakikinig ang mga ito sa usapan nila.

"Alis na ako, 'Nay," pamamaalam niya kahit may kaunti pa siyang tampo sa ina. Hindi kasi niya mapigilang hindi ito sisihin sa nangyari kay Gizelle. Ito ang nagbigay ng blessing kay Gizelle na mag-nobyo na. Hindi naman daw masama ang magkaroon ng kaunting inspirasyon.

Inspirasyon. Naniniwala si Charlie na hindi lang pag-ibig ang may kakayahang magbigay ng inspirasyon sa isang tao. At hindi inspirasyon ang kailangan ni Gizelle. Hiya sa kaniya na nagpapakuba para mapaaral at mapakain ito.

"'Nak, mag-usap naman kayo ni Gizelle. Gustong humingi ng tawad ng kapatid mo."

Bumuntong-hininga siya. "Saka na, 'Nay. Masama pa ang loob ko ngayon. Baka may masabi lang akong hindi maganda sa kanya." Dumukot siya ng pera sa bag at iniabot sa ina. "Ibili n'yo ng vitamins at kung anong kailangan niya. Baka kailangang magpa-check-up o ano. Kung kulang, sabihan n'yo lang ako."

Oo, masama ang loob niya sa kapatid pero sa huli, ang tanging magagawa niya ay tanggapin ang sitwasyon ni Gizelle gaya ng ginawa niya kay Gracia.

Hindi na niya hinintay na tumugon ang ina, luamabas na siya ng bakuran. Walang gasolina ang scooter niya kaya napilitan siyang maglakad at mag-commute na naman. Pupunta siya sa bar ni Sammy, nag-text kanina, kailangan daw ng drummer para sa live band mamaya dahil nasa ospital si Jackson, na-diarrhea daw. Malayo-layo na ang nalalakad niya nang may bumusina sa likod niya.

"I don't believe you," sulpot ng boses ni Timothy nang tumapat sa kanya ang kotse nito. Nakababa ang binata sa side nito. "Hindi ako naniniwalang nagkasira kayo ni Janine. You two are inseparable. Sinasabi mo lang ito dahil itinatago mo siya sa akin."

"Bahala ka sa kung anong gusto mong paniwalaan."

"Fine, let's say I believe you. Surely, you still know where I can find her. Kailan ba ang huling pagkikita n'yo?"

"Matagal na. At hindi ko alam kung nasaan siya. Wala na rin akong pakialam kung saan siya magsuot. Kaya tigilan mo na ako dahil ayokong pinag-uusapan siya."

Isang paparating na tricycle ang namataan niya. Ipinasok niya sa bibig ang hinlalaki at hintuturo at gamit ang mga iyon, sinipulan niya ang sasakyan. Mula sa sulok ng mga mata niya, nakita niyang napanganga si Timothy. Nang ibaling niya ang tingin sa lalaki, pailing-iling ito, halata ang pagkasuya sa mga mata. Umarko pataas ang sulok ng mga labi ni Charlie. Allergic si Timothy sa mga kilos, asal at paraan niya ng pagsasalita. Minsan na niyang narinig ang lalaki na kinuwestiyon si Janine kung paano sila naging matalik na magkaibigan. Para umano silang liwanag at dilim. At oo, siya ang dilim. Magkaibang-magkaiba sila ng katauhan ni Janine. Babaeng-babae ito--sa kilos, sa salita, sa ayos. Habang siya--sa maiksi niyang buhok, bruskong kilos at klase ng pananamit--madalas na mapagkamalang tibo o totoy na bago pa lang nagbibinata.

My Bride, My Enemy: CHARLIE (SOON TO BE PUBLISHED UNDER SWEETHEARTS ROMANCES)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon