--7--

5K 178 0
                                    


"PUT down your feet. And stop making that annoying noise."

Napatigil si Charlie sa pagtapik-tapik ng mga palad sa hita, nilingon ang katabi. Nakapaling sa unahan ang mukha ni Timothy pero ang eyeballs ng mga mata, nakatutok sa kanya. Sakay sila ng eroplano papuntang Palawan. Nanggaling na sila sa Naga at Legazpi, kina Lola Soleng at Uncle Ricardo pero wala doon ang hinahanap nila. Hindi si Lola Soleng ang nakaharap nila kundi ang auntie ni Janine, si Tiya Lolita na tinalakan sila matapos malamang hinahanap nila si Janine. Galit na galit si Tiya Lolita kay Janine, ang huli ang sinisisi sa pagkakaospital ng matanda dalawang buwan na ang nakarararan. Nanggaling daw ro'n si Janine pero hindi nagtagal. Nagkaroon umano ng alitan ang mag-lola. Hindi pumayag si Tiya Lolita na harapin nila si Lola Soleng kahit pa sinabi niyang nobyo ni Janine si Timothy. Napilitan silang umalis ni Timothy nang magbanta si Tiya Lolita na sasabuyan sila ng tubig mula sa kanal.

Tandang-tanda pa ni Charlie ang pagkabigla sa anyo ni Timothy nang madinig ang banta ni Tiya Lolita.

"That's not the kind of welcome I'm expecting from Janine's family," naalala niyang wika ni Timothy nang naglalakad na sila palayo. Nahimigan ni Charlie ang dismaya sa boses nito. Medyo nakaramdam siya ng simpatiya. Hindi nito alam ang tungkol sa mga kamag-anak ni Janine sa Naga at nang makaharap nito ang isa sa mga iyon, ganoon pa ang nangyari.

"Huwag mong pansinin si Tiya Lolita. Taklesa talaga 'yon, mahilig mang-away. Kahit nga ako na ilang beses nang nagbalik-balik dito, hindi siya makasundo."

"Dakilang saydbit"nga ang tawag ng babae sa kanya.

Dumiretso sila bahay ni Uncle Ricardo. Wala rin doon si Janine. Ang huling dalaw raw doon nito ay noong kasama si Charlie. Katatapos lang ng Bagong Taon noon. Hindi na sila nagtagal doon. Pumunta sila sa airport ng Naga at isang oras na naghintay sa coffee shop na nasa labas ng airport habang pinapaasikaso ni Timothy sa assistant nito ang plane tickets nila. Hindi muna umano ito nagpa-book ng ticket dahil hindi tiyak kung ilang araw sila magtatagal sa Naga o Legazpi.

Bumuga ng hangin si Charlie at humalukipkip. "Lahat na lang ba pupunahin mo?"

Kanina, ang porma niya ang pinansin nito. Sa coffee shop na pinuntahan nila sa Naga, pinuna nito ang paghahalo niya ng kape. Maingay raw. Nang nasa bus na sila pa-Legazpi at kumakain siya ng itlog ng pugo, pinansin nito ang mga balat ng itlog na nasa sahig ng bus. Eh hindi naman siya ang nagkalat no'n.

"I need to think so stop that. At hindi lang ikaw ang pasahero dito."

"Nababagot ako." Mahigit tatlong oras ang biyahe mula Legazpi hanggang Palawan. Kalahating oras pa lang silang nakaupo roon. Hindi sanay si Charlie na nakaupo lang nang matagal at walang ginagawa. Kapag wala siyang trabaho at nakapirmi siya sa bahay, kadalasan ay kumukutingting siya ng panindang souvenirs.

"Makinig ka ng music."

"Wala akong earphones. Walang music ang cellphone ko."

"Kumain ka." Ibinagsak nito sa kandungan niya ang dalawang pakete ng mani.

"Busog ako."

"Matulog ka."

Pinaikot niya ang mga mata saka pumikit. Pero ilang minuto pa lang ang lumipas nang magsalita si Timothy.

"The beach property. Kailan pa nabili ni Janine?"
"Nakaraang taon. Mga March."

"At hawak mo ang duplicate ng susi no'n."

"Ibinigay niya. Nakalimutan kong ibalik."

"And if she's not there. Saan natin siya puwedeng hanapin?"

"Wala na akong alam na posibleng puntahan ni Janine." Sumingasing si Timothy. Nang balingan, nakita niya ang pagdududa sa mga mata nito. "Totoo na 'to. Isa pa, napapagod na rin ako sa kakabuntot mo sa akin at nagsasawa na akong magtaboy sa'yo. Baka kung ano na naman ang mangyari sa'yo at madagdagan na naman ang utang na loob ko." May kasamang parunggit ang sinabi niya. "Kung wala siya sa Palawan, hindi ko na alam kung saan nagsuot si Janine. Tutal, mayaman ka naman. Bakit hindi ka na lang umupa ng private na imbestigador?"

"'Already did that. Wala pa siyang nabibigay na konkretong sagot except that Janine might still be in the Philippines. Hindi siya lumabas ng bansa." Natahimik ito nang ilang sandali. "Ang sabi mo, anim na buwan na noong huli kayong magkita. He never mentioned that your friendship was over."

Paano, guilty.

Nararamdaman niya na pinagmamasdan siya ni Timothy. Alam niyang gusto nitong mag-usisa sa kung bakit nagkasira sila ni Janine. Nasabi na niyang ayaw niyang pag-usapan iyon. Pumikit siya at nagpanggap na tulog para makaiwas dito. Pero naging totoo ang tulog-tulugan niya. Hindi niya alam kung gaano na siya katagal na nahihimbing nang may maramdamang yumuyugyog sa balikat niya.

"Get ready. Nandito na tayo," si Timothy, kinakalas na ang safety belt. Nauna itong tumayo at kinuha ang mga bag overhead bin.

Akma siyang kakalasin na rin ang safety belt nang matigilan. May dumulas mula sa dibdib niya. Itim na jacket. Hindi sa kanya iyon. Napatingin siya kay Timothy na naglalakad na sa aisle kasunod ang ibang pasahero. Umaalingasaw mula sa jacket ang pabango nito. Kinumutan siya nito gamit iyon habang tulog siya. Hindi alam ni Charlie kung bakit may init na parang humaplos sa dibdib niya. Hambog si Timothy pero may itinatago rin palang kabutihan sa katawan.

"Gentleman din pa--ay butiking kalansay!" hiyaw ni Charlie nang may malakas na tumapik sa likod ng kinauupuan niya.

"Bilisan mo diyan. And I'll take that back. Umuulan na sa labas." Basta na lang hinablot sa kanya ni Timothy ang jacket at umalis.

Napabusangot si Charlie, inambaan ng suntok ang papalayong pigura ni Timothy. "Ugali mo talaga, eh." Padaskol siyang tumayo at sumunod sa lalaki matapos kunin ang sariling bag. Malakas nga ang ulan sa labas nang bumaba siya ng eroplano. Wala sa paligid si Timothy, malamang na nauna nang sumilong. Ipinatong niya sa ulo ang backpack, handa nang suungin ang ulan nang may humawak sa likuran ng T-shirt niya.

"Hindi ka waterproof." Boses ni Timothy. Tumabi ito sa kanya, may hawak na itim na payong. Hindi niya alam kung saan nito nakuha iyon. "At hindi ka puwedeng magkasakit." Muli, may mainit-init na sensasyong humaplos sa puso niya. Na instant ding naglaho nang madinig ang sunod nitong sinabi. "Saka na. Kapag tapos na ang misyon natin."

Hindi na niya napigilang sikuhin ito sa tagiliran. Napa-igik ito. "Ang bait mo, ano? 'Buti hindi ka pa kinukuha ni Lord."

Mapakla itong tumawa at inudyukan siyang maglakad na. "Malapit na nga yata, eh. I can feel the timebomb ticking inside me."

"T-Timebomb? May bomba sa loob ng katawan mo?" Pinasadahan niya ito ng tingin. "Nasaan banda nakalagay ang switch? Nang mapindot ko na."

"Walang switch pero may timer. There's still forty seven days left."

Nangunot ang noo niya. "Seryoso ka ba?"

sa halip na tumugon, tipid lang itong ngumiti saka siya iniwan. Narating na nila ang pinto ng arrival area. Nilapitan nito ang isa sa ground personnel ng airlines na sinakyan nila at iniabot doon ang payong. May timebomb daw ito sa loob ng katawan? Imposibleng literal na bomba iyon. Sinasabi ba nito na...may taning na ang buhay nito? May nakakamatay itong sakit?

Imposible. Larawan si Timothy ng taong hindi pinapabayaan ang sariling kalusugan. Wala rin sa hitsura na may sakit ang lalaki. Ang lusog-lusog nitong tingnan.

Bigla niyang naalala ang yumaong siSenator Miriam Defensor-Santiago. Wala ring nakapagsabi noon na may iniindang sakit ang senador. Nalaman lang ng publiko nang ito mismo ang nag-anunsiyo niyon. Posible ba na ganoon din ang kaso ni Timothy? Hindi kaya iyon ang dahilan kaya iniwan ito ni Janine?

Napatitig siya sa lalaki nang senyasan siya na sumunod na dito papunta sa exit. Paano kung totoo ngang mamamatay na ito? Dapat na ba siyang maging mabait kay Timothy at patawarin na sa ginawa nito sa kanya dati?

My Bride, My Enemy: CHARLIE (SOON TO BE PUBLISHED UNDER SWEETHEARTS ROMANCES)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon