--3--

5.4K 290 18
                                    


"SABIHIN mo sa akin, bakit ang saklap ng buhay ko? Bakit ang pait ng kapalaran ko? Kulang pa ba? Kulang pa ba ang mga pangaral at pagsisikap ko? Tingnan mo ang mga kamay ko, hawakan mo, ganito ba ang kamay ng babae? Nagka-kalyo-kalyo na ako, nagkasugat-sugat at hindi na ako tumangkad dahil sa kakakayod. Para may maipangkain sa kanila--sa mga kapatid kong makasarili! Ang alam lang nila, magpakasarap, humingi nang humingi. Ni minsan, hindi ko sila pinagkaitan. Ultimo pambili ko ng salawal ibinibigay ko para sa projects nila sa school. Iyang si Gizelle, binilhan ko ng computer dahil kailangan daw sa thesis. Pinangutangan ko pa sa bombay 'yon! Hanggang ngayon, di pa rin ako tapos magbayad. Tapos ano? Malalaman kong buntis? Punyetang buhay 'to!" Pinahid ni Charlie ang mga luha, tinungga ang bote ng Empedor na hawak at muling tiningnan ang kainuman. Si Inggo, ang Inigo Pascual daw ng Kalye Sacsacan. Kababata niya ito, isang tricycle driver na problemado rin dahil iniwan ng jowang bakla. Yukyok na ang ulo ni Inggo, may laway nang tumutulo sa gilid ng bibig. "'Go, uy! Huwag mo naman akong tulugan, pare. Hindi pa ako tapos maglabas ng sama ng loob."

"Eh anong oras ba matatapos 'yan, Charlie? Alas onse na ng gabi. Ako'y antok na. Maaga pa ako sa simbahan bukas." Nalingunan niya ang may ari ng sari-sari store na pinili nila ni Inggo na pag-inuman. Si Mang Tonyo na kababata naman ng Tatay Simon niya. Mula sa likod ni Mang Tonyo, may sumilip.

"Te, uwi na tayo," sabi ni Gio, may dalang flashlight. "Si Nanay, gising pa rin. Hinihintay kang umuwi."

"Umalis ka sa harap ko. Ayokong makita ni isa sa inyo!" taboy niya sa kapatid. "Mang Tonyo, pumasok na ho kayo. Ako na ang bahala rito."

"Eh kung makursunadahan ka rito, paano ka ipagtatanggol niyang kasama mo? Sumama ka na sa kapatid mo. Magtatawag na lang ng tanod at ipapahatid 'yang si Inggo. Hala, sige na."

Umiling si Charlie, niyakap ang bote ng alak. "Ayokong umuwi. Mas nasasaktan lang ako kapag nakikita ko si Gizelle. Ikaw, Gio, kayo ni Gracia at Gizelle, marami akong pangarap sa inyo pero kayo mismo ang sumisira no'n. Gusto kong makaahon kayo sa ganitong buhay hindi dahil para makatikim ako ng karangyaan o makapagpahinga na ako sa pagkayod. Dahil hindi habangbuhay, nandito ako sa tabi n'yo. Hindi habangbuhay, buhay ako at malakas. Gusto ko na maging handa kayo anu't anuman ang mangyari sa akin." Umagos na ang mga luha niya. "Pero makasarili kayo, eh. Inuuna n'yo ang magpakasarap. Wala kayong pakialam sa kinabukasan ninyo. Wala kayong pakialam sa akin!"

"Ate, pati ako hinusgahan mo na. Nag-aaral naman po ako nang mabuti. Hindi po ako magpapabuntis gaya nina Ate."

Sinamaan niya ng tingin ang bunso nila. "Hindi ito ang oras para sa mga hirit mong hindi nakakatawa, Giovano."

Nakangiwing nagkamot ito sa ulo, umupo sa tabi niya at kinuha ang bote ng Empe sa kaniya. "Pero ikaw, 'te, oras na para umuwi. Nag-aalala na talaga si Nanay sa'yo, pramis. Halika na."

Tatlong araw na mula nang malaman niya ang sitwasyon ni Gizelle. Tatlong araw na rin siyang hindi napipirmi sa bahay nila. Umuuwi lang siya para kumuha ng damit. Nakikiligo siya sa parlor ni Dominica, ang baklang ka-tsokaran niya na nasa kabilang kanto ang parlor. Kung saan-saang karinderya siya kumakain. Dapat, naghahanap siya ng trabaho pero wala siyang gana. Masamang-masama ang loob niya sa nangyari kay Gizelle. Pakiramdam niya, sinaksak siya sa likod ng kapatid. Hindi pa nga naghihilom ang sugat na nilikha ng isang taong malapit sa kaniya, may panibago na naman.

Shet lang. Ang sarap magwala.

"Sige na, Charlie, sumama ka na sa kapatid mo," singit ni mang Tonyo. "Ako na ang bahala kay Inggo."

"Hindi. Hindi ako uuwi." Binawi niya kay Gio ang bote ng alak at naglakad palayo. Tumawid siya ng kalsada. At dahil nagmamadali at lasing na, hindi niya agad nakita ang kotse na paparating. Umalingawngaw sa paligid ang tunog ng busina niyon na sinundan ng sagitsitan ng gulong. Ilang pulgada na lang ang layo ng nguso ng kotse sa katawan niya nang huminto iyon.

"Hoy! Gung-gong ka ba, ha?" sigaw ni Charlie nang makabawi sa shock, hinampas ng parehong palad ang hood ng sasakyan. Saka niya napagtantong wala na ang bote ng alak sa kamay niya. Nasa daan na iyon, hindi na mapapakinabangan. Ang natitirang kaba niya ay nilamon ng galit. "Anak ka ng kagaw! Sinayang mo pa ang Empe ko! Bumaba ka diyan! Baba!" Sunod-sunod niyang binayo ang hood ng sasakyan. Hindi pa nakuntento, sinipa niya ang isa sa headlights. "Bababa ka ba o iihian ko ang gulong mo?" Itinaas niya ang suot na T-shirt, dumapo ang mga kamay sa butones ng pantalon niya.

"Ate, ano ka ba? Tama na 'yan, 'uy. Magkakalat ka pa dito." Si Gio, dumapo ang kamay sa siko niya.

"Muntik akong isagasa ng walanghiya, eh!" Nang manatiling nakapinid ang pinto ng driver's side, lumapit na siya sa bintana at sunod-sunod na kinatok iyon.

"Kasalanan mo naman, ate."

Naniningkit ang mga mata na hinarap niya si Gio, tinulak ito sa balikat. "Ako ang may kasalanan, ha? Ha? Ako ang dapat mong kampihan dito! Ako na nga ang muntik nang--aray ko, nanay ko!" hiyaw ni Charlie, may malakas na puwersang tumulak sa kaniya mula sa likod. Napasubsob siya sa dibdib ni Gio. At dahil payatot ang kapatid niya, hindi nito kinaya ang kanyang bigat. Pareho silang lumagapak sa aspaltadong daan. Lahat ng murang alam ni Charlie, sunod-sunod na lumabas sa bibig niya.

"Geez. You still hasn't change. The words coming out of your mouth still stink like a dumpster."

Napahinto sa pagratrat ang bibig ni Charlie, nanigas ang kanyang likod. Kilala niya ang boses na 'yon. Buong puwersa siyang lumingon, unang nakita ang pares ng paang may suot na combat boots. Umakyat ang tingin niya at kahit nadodoble na ang paningin, hindi niya maaaring ipagkamali ang mukhang tumambad sa kaniya. Awtomatikong kumulo ang dugo niya, nangati ang kaliwang kamao na minsan nang naipatama sa panga nito.

"Ikaw."

Umarko pataas ang isang sulok ng labi nito. Nang magsalita, nag-uumapaw ang sarkasmo sa tinig nito. "It's good to see you again, Little Devil."

"Buhay ka pa pala, Mestisong Orangutan."

Nabura ang ngisi sa mukha nito. "Tumayo ka diyan. Kailangan nating mag-usap."

"Ah, gano'n? Ito ang kausapin mo." Tumayo siya't pinalipad ang kaliwang kamao patungo sa mukha nito. At dahil lasing na, nagmintis siya. And ending, plakda siya sa lupa na parang butiking nahulog mula sa kisame. Ang kaibahan, iyong butiki, nagawa pang makatakbo at makapagtago. Si Charlie, hindi na nakakilos, hindi na nakabangon. Unti-unti nang nagdilim ang paningin niya. Bago tuluyang mawalan ng ulirat, nadinig niya ang mataginting na tawa ng lalaki sa likuran niya.

Hintayin mong magising ako. Pagdadamputin kita ng gilagid sa lupa.

If you like this chapter, please don't forget to vote or comment. It will be highly appreciated. :)

--MM--

My Bride, My Enemy: CHARLIE (SOON TO BE PUBLISHED UNDER SWEETHEARTS ROMANCES)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon