Nakakainis kasi eh. Gusto ko na talagang bumaba. Ang sikip-sikip pa at umuulan nang mga oras na 'yon. Nagmimistulang sardinas ang mga pasahero. Kahit kalansay nga yata, hindi na kasiya eh. Pero syempre, mautak ang mga drayber. Magpepreno para magkasiya yung mga sakay niya. Syempre, magugulo nga naman ang upo. Sana naman may bumaba na sa may kanto.
"Ate. Paabot naman ng bayad ko oh." sabi ng isang pasahero. "Eto na sukli, makikisuyo na." sabi naman ng drayber. "Paabot ulit ng bayad." utos ng isang pasahero. Susmaryosep! Ako lang ba ang may kamay dito?!
Limang tao ang bumaba na sa may kanto. Kamalas-malasan, galing sila sa tapat ko at wala naman yatang balak lumipat ang mga katabi ko sa katapat. Lahat sila ay sitting pretty. Maya-maya pa'y "Makalipat nga sa tapat!" Sabi ng isang matandang may patpat sabay irap. Bakit daw hindi paupuin ang matandang gaya niya. Bakit kaya hindi niya 'yon naisip kanina? "Paabot po ng bayad!" sigaw ng isang bading at iniabot ang kaniyang bayad sa katabi niya sabay hawak sa kamay nito nang medyo matagal. "Sir, yung kamay niya. Ano po yan? Chansing?" Sabi ko kay kuyang bading. Binitawan niya ang kamay ng katabi niya sabay tingin sa malayo. "Ate, paabot naman 'to kay manong at nalalaglag ang mga nabili kong talong" Sabi sa akin ng maggugulay na sa dulo nakaupo.
"Ate bayad p...." Hindi na ako nakapagpigil at medyo napagtaasan ko ng boses ang isang pasahero. "Ilan bang nakasakay dito?! Aba't kaliwa at kanan ang abutan ng bayad niyo ah! Ano ba ko dito? Kundoktor?!" Pero parang wala silang narinig. "Manong sukli ko ha! Paabot naman sa drayber." Aba, eto may kakapalan din ang mukha. Hindi pa nga nakararating sa drayber ang bayad, sukli agad ang hinihingi. Ang upo pa man din niya eh nakataas ang isang binti. Hindi na yata luluwag ang aking sinasakyan.
BINABASA MO ANG
Biyaheng Pinas (Kwentong Jeepney)
HumorSa pang-araw araw na buhay ko o natin, marami tayong mga experience sa jeep na minsan nakakainis, nakakatuwa, nakakatakot, at kung anu-ano pa.