Invisible Girl

10K 112 2
                                    


NGITING-NGITI si Lutgarda matapos makita ang Tupperware na pinaglagyan niya ng cookies para kay Robin. Green iyon na pinuluputan niya ng orange na laso. Dinikitan niya ng sangkatutak na smileys ang takip. Ang katawan naman ay dinikitan niya ng mga maliliit na pulang beads na pinorma niyang puso.

"Ano 'yan, parol?" biglang pumasok ang Lola niya sa kusina.

Hapit na sleeveless blouse ang suot ng lola niya, kulay magenta. Mahihiya ang nag-imbento ng mini-skirt sa iksi ng shorts nito. Parang coloring book ng three-year old na bata ang mukha nito, ang daming kulay na hindi naman mag-combine.

"Lalagyan po 'to ng cookies na ibibigay ko kay Robin." sabi niya, kapag may "s" ang sasabihin ay bahagyang lumalawit ang dila, speech defect na hindi na pinag-abalahang alamin ang dahilan.

"Pupunta ka sa mga Robles, anak?"

Ang nanay naman niya ang pumasok sa kusina. Laging mabagal magsalita. Parang hindi pa lutong tulya sa pagiging demure. Pareho ito ng lola niya na maagang nabuntis at nabiyuda pero magkaibang-magkaiba ang mga personality ng mga ito.

"Hayaan mo nga iyang anak mo."

"Baka ho kasi pagtsismisan tayo ng mga kapitbahay. Lagi siyang naro'n."

"Gano'n talaga ang purpose ng kapitbahay. Tsismis."

Bukod pa sa sila talaga ang pinaka-paboritong pagtsismisan sa barangay nila. Palibhasa unang araw pa lang, rumampa na ang Lola niya sa nakakaeskandalo nitong mga damit, lumakad na parang sasagala. Kinawayan lahat ng lalaking makasalubong.

Ang katotohanan na best friend niya si Jed, ang bunsong anak ni Toto Robles (Ang TOTOo ay ipaglalaban ni Toto! Iboto nating muli bilang konsehal) ay tinaasan na ng kilay ng mga kapitbahay nila, dahil siguro heartthrob si Jed. At isa pa, ang pinaka-dahilan kaya sila naging outcast sa barangay, ipinagkalat ng Lola niya na may alam daw ito sa pangungulam at kung anu-ano pang hocus-pocus. Hindi niya alam kung totoo iyon. Hindi rin siya naniniwalang totoo. Baka creative lang ang Lola niya.

"Pero kung pupunta ka naman sa crush mo apo," tawag pansin sa kanya ng Lola Lorna niya. "'Wag namang ganyan ang isuot mo." tinitigan siya ng nito mula ulo hanggang paa pagkatapos ay ngumiwi ito.

"Wala namang problema sa suot niya, Inay." ang Mama naman niya.

"Gaga. Hindi pagnanasaan iyan ni Robin kung ganyan ang suot niyan."

"Santisima." Napa-antanda ang Nanay niya. "Inay, baka magaya naman sana siya sa 'tin na nabuntis ng maaga."

Hindi ito pinansin ng lola niya. "Basta ayaw ng mga lalaki sa mga ganyang get-up ng babae. Sabi sa 'kin 'yan ng mga ka-text ko."

"Mabait naman po si Robin." sabi niya.

"Kahit mabait iyang lalaki, gusto pa rin niyan makakita ng legs. Eh tingnan mo iyang suot mo." itinuro nito ang palda niyang itim na aabot na hanggang sakong. Naka-blouse siyang kulay puti, may ruffles sa manggas. Malabo na ang mga mata niya kaya gigantic ang salamin niya sa mata. Her "s" problem in speech was worsen by her bulky braises.

"'Wag mong pansinin ang Lola mo. Kung gusto ka ni Robin, magugustuhan ka no'n kahit ganyan ang suot mo. Gano'n ang love. Unconditional." Ngumiti pa ng ubod ng tamis ang nanay niya.

Bigla siyang kinilig.

Pinandilatan ng Lola niya ang Nanay niya, sabay baling sa kanya. "Pero kung ayaw talaga niya apo, magsabi ka lang. Gayumahin natin."

Nawala ang ngiti ni Lutgarda, sabay iling. "Hindi po ako naniniwala sa gayuma."

Hindi na umapela ang Lola niya. Binigyan lang siya nito ng alanganing tango. Parang naawa ito sa kanya. Tinapik naman siya ng Nanay niya at tinanguhan.

Invisible Man's Spellbound Heart (COMPLETE)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon