Chapter 2.

18.2K 263 19
                                    




LORENZO...


              Ang layo na nang nalakbay ko bilang tao, bilang mortal. Mahigit anim na oras nang bumabyahe ang sinakyan kong malaking sasakyan. Maayos naman ang pakiramdam ko hanggang sa huminto kami sa lungsod ng Legaspi. Nakadungaw ako at nanunuod sa takbo ng lungsod nang mahagip ko nang tingin ang isang babaeng mukhang nagpapaalam sa kanyang mga kasama.

Masayahin at nakikita ko sa kanyang mukha ang sayang nararamdaman niya. Pero nang magtama ang mga mata namin sa unang pagkakataon ay biglang sumakit ang ulo ko. Agad kong tiningnan ang paligid, lumipat ako sa pandalawahang upuan. Mula nang sumakay ako'y wala na masyadong tumatagal dito dahil sa sira nitong upuan at sa tinatawag nilang "aircon".

Napayuko ako at napapakapit sa ulo ko. Meyrong kakaiba sa babaeng 'yun na hindi naaabot ng aking isipan. Pumikit ako habang nakayuko pa rin at sinubukan kong tignan ang kanyang pagkatao. Nakikita ko ang isang aksidente, dalawang bata at kinuha ng isang babae. Marami pa akong nakita hanggang sa malinaw na lumitaw ang mukha niya.

Naririnig ko na siya, nakikipag-usap sa lalaki.

"Hanggang Cubao lang 'to, ano sasakay ka ba... aalis na kami!" sabi ng lalaki at naramdaman ko na ring gumalaw nang bahagya ang malaking sasakyan. Lalo akong napayuko at tila isang pagsabog ang narinig ko nang unang lumapag ang paa niya sa sinasakyan ko. Alam kong tinitignan niya ang buong pasahero hanggang sa nakita nila ang bakanteng upuan sa tabi ko. Napakuyom ako ng mga kamao, sana hindi na lang ako lumipat. "Magtiis ka na lang 'dun, sira ang upuan pero ok pa naman... kung may bababa eh lumipat ka na lang." turo ng lalaki sa upuang katabi ko.

Nag-iisip na ako kung paano siya mahadlangan at nang maramdaman kong pinigilan siya ng lalaki ay bahagya ko siyang sinilip.

"Bayad mo muna..." nakalahad na ang kamay nito nang lumingon ang mahiwagang babae.

Nakita kong kumuha siya ng pera sa bulsa ng kanyang bag at ibinigay ang isang pirasong papel na pera. Patuloy ko pa rin siyang sinisilip dahil gusto kong makita nang buong-buo ang kanyang mukha.

Kakaiba siya, alam ko. Karaniwan sa mga mortal na may itinatago ang kanyang pagkatao ay gumagawa ito ng hadlang para hindi agad nababasa pero sa kanya, hindi. Lalo siyang nalalapit sa akin ay lalo kong nakikita ang buo niyang pagkatao.

Nang muli siyang magsalita at tumingin sa kinauupuan ko'y agad akong nagkubli at nakiramdam. 'Di nga nagtagal ay naramdaman kong papunta na siya sa tabi ko. Napapikit na naman ako nang lumala ang sakit na nararamdaman ko at napaliyad pa ako nang may sumundot sa tagiliran ko.

May itinatago talaga ang babaeng ito!

Napasandal ako nang maayos at hindi ko na alintana na baka pinagmamasdan niya ako. Hindi ko alam ang nangyayari sa akin, parang hindi ako makahinga kaya napabaling ako sa kanya. Naaaninag ko ang mukha niyang nakatingin nga sa akin. Mukha ng isang inosenteng babae pero napapaligiran naman ng dilim.

Tumingin siya sa labas.

Sa pagkakataong 'yun ay ako naman ang nagmasid sa kanya. Tila hindi niya alam na nagtataglay siya ng kakaibang kapangyarihan o nagbabalat-kayo lamang. Iisa lang pala ang aming pupuntahan, ako bilang sumusunod sa mahal ko at siya bilang ahhh...

Hindi ko na naman mabasa ang pagkatao niya.

Basta kailangan ko rin siyang bantayan...

Busaw 2: LORENZO, Ang PagdayoTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon