Sa Ilalim ng mga Tala

307 23 6
                                    

Wala naman talagang kaso kung makasalubong mo isang gabi ang isang dating kaibigan. Siguro, matutuwa ka pa nga dahil sa pambihirang pagkakataon ay nakiayon ang mundo para pagtagpuin kayo.

Pwede kayong magkwentuhan, magvideoke o mag-inuman. Pero iba ang kaso namin ni Nathan. Para bang may espesyal na kasunduan na dapat ay hindi na kami lumagpas pa sa kung ano kami ngayon.

Pero ano nga ba kami noon para baguhin kami ng ngayon?

Palalim nang palalim ang gabi. Naantala ang ulan dahil may mangilan-ngilan ng mga bituin ang sumisilip sa langit. Buhay na buhay talaga ang Cubao kahit nasa kalagitnaan na nang pamamahinga ang siyudad. Siguro ito ang buhay sa maynila na wala sa probinsya.

Patuloy pa rin ang pagbuga ng malamig na hangin sa aming balat. Idagdag pa ng inumin na dala namin. Dapat pala ay kape na lang ang binili ko.

Malayo-layo na ang nalakad namin mula sa fast-food chain na pinanggalingan. Hindi ko alam kung saan kami pupunta o kung siya rin ba ay may plano. Hinahayaang ang mga paa namin ang kusang magdala sa lugar kung saan kami lang ang may alam.

Hindi naman importante kung may patutunguhan ito o wala. Ang gusto ko lang ay ang makasama siya sa maikling sandaling ito.

Tahimik kaming parehas, bilang ang bawat paghakbang. Hindi ako kumikibo. Nananantsya. Habang abala naman siya sa fries na kinakain.

Minsan ay napapansin ko ang pagtingin niya sa akin tapos ibabalik sa harap ang tingin. Ilang beses ko siyang nahuli. Hindi ko na lamang pinansin pa.

Nagkakilala kami ni Nathan dahil sa isang mutual friend namin, si Alice. Nagplano kasi sila ng isang charity event para sa mga bata na nasa ampunan. Nagkataon na free ako that time at nakasama, doon ko unang nakita si Nathan.


Hanggang sa mapadalas ang mga events. Nagkaroon ng group chats at naging close ang bawat isa. Nasobrahan nga lang siguro kami ni Nathan dahil naging sobrang lapit namin.

"Mahirap pala ang kolehiyo, kuya" aniya. Lumingon siya sa akin saka hinagod ang takas na buhok sa kaniyang noo. Nakaramdam ako ng kakaibang boltahe habang pinagmamasdan ang mga malilit na kilos niya. Agad ko naman itong iniwala dahil hindi maaari.

Huminto kami sa isang footbridge. Nakatitig lang ako sa kaniya habang nakasandal kami sa pasimano ng footbridge kung nasaan kami ngayon.

"Bakit wala kang kibo diyan?" saka niya pinatong ang siko niya sa balikat ko. Hindi ako sumagot. Umakyat siya sa pasimano at doon umupo.

"Bumaba ka nga riyan, gusto mo bang mahulog!?" asik ko sa kaniya.

"Gaya nang pagkahulog mo noon sa'kin?" pang-aalaska niya. Agad akong pinamulahan ng mukha.

"Biro lang! Saka ang laki ko na kaya. Hindi na ako bata, paps." bawi naman agad niya. Isang buntong-hininga ang pinakawalan ko.

Napailing na lang, alam ko kasing hindi naman siya makikinig sa akin. Hinayaan ko na lang siya.

Hinayaan ko kung saan siya sasaya.

Napatingin ako sa aking relo, masyado na palang gabi. "Hindi ka pa ba uuwi?" tanong ko na siyang sinamaan lang ng tingin ang ibinigay sa akin.

"Sasamahan kita..." nagkibit-balikat na lamang ako, "...hanggang sa may masasakyan ka na para makauwi."

"Okay, sabi mo, eh."

Hindi ko alam kung ilang oras kaming nakatunghay habang nakatingin sa ibaba ng footbridge.

Parehas na namamangha sa mabilis na paggalaw ng ilaw ng mg sasakyan na dumaraan. Binabantayan pa rin kami ng mga tala sa itaas, saksi ang mga ito kung paanong hindi lang isang pantasya ang nangyayari ngayong gabi.

Habang paparoo't paparito ang mga sasakyan sa maluwang na kalsada ng Cubao, gusto kong magpasalamat sa mga ito dahil para kaming nanonood ng mga maliliit na bulalakaw na mabilis na bumabagsak sa ibat-ibang direksyon ng Cubao.

At sa mga oras na 'yon, gusto kong sisihin ang konduktor o drayber ng mga bus kung bakit hindi sila umaabot ng hating-gabi sa pag-biyahe.

Pwede rin yung boss ko na pinag-over time ako sa pagkumpuni ng mga computer sa office.

E 'di sana, hindi ko siya kasama ngayon at walang emosyon na kasalukuyang nagkakaroon ng digmaan sa loob ko.

Siguro tama nga sila, may bagay na pilit ipinagtatagpo pa ng tadhana. Mga bagay na hindi inilaan at itinugma para sa isa't-isa, pero idinisenyo para maging maliit na parte ng isang malaking dahilan. Siguro ganoon kaming dalawa, hindi inilaan, hindi tugma, walang ritmo pero siya pa rin ang itinitibok ng maliit na bagay sa dibdib ko.

"Ang ganda ng mga bituin 'no?" pagsisimula na naman niya ng usapan. Magkadikit ang aming mga braso. Magkasalikop ang mga kamay niya habang nakapatong sa railings ng tulay. Saka lamang babalik sa inumin kapag nauuhaw na siya.

"Kailan ka pa nahilig sa Celestial Bodies?" usisa ko. Lumingon siya sa akin. Isa... dalawa... tatlong segundo. Matagal pa. Muling ibinalik sa itaas ang tingin.

"Simula nang ipakilala mo sa akin si Libulan." Napangiti ako. Naalala niya pa.

"Ang bantay-buwan." aniko.

Muli akong tumingala para mapagmasdan ang mga bituin. Nagpakawala ng buntong-hininga. Nanalangin sa bantay ng buwan na sa libo-libong bituin kaya na mayroon sa itaas, pagbibigyan kaya nila ang mga hiling ko?

Natatakot na maramdaman muli sa pangalawang pagkakataon ang pamilyar na pakiramdaman na iyon.

Pero huli na, hindi ko nagawang makaahon muli sa kumunoy na dala niya.

*****

Edited: 7/13/20

Sa Dulo  (BxB)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon