Tayo sa Malamig na Gabi

216 15 4
                                    

Napatingin ako sa relos sa aking kamay. Nanatiling pipi ang gabi para bigyan kaming dalawa ng isa pang pagkakataon na para bang sa amin ang gabi na ito. Patuloy pa rin ang paggalaw ng mga sasakyan sa ibaba.

Hindi ko namalayan na nakatitig na lang pala ako sa kaniya. Parang siya na lang ang nakikita ko. Hinahangin ang takas na buhok sa kaniyang noo, isinuklay niya ito gamit ang mga daliri.

Pakiramdam ko ay nakauwi muli ako. Sa limang taon, ngayon ko lang naramdaman ito. Parang nahanap ko ang daan pabalik sa aking tahanan. Siya ang aking tahanan.

"B-bakit tayo humantong sa ganito?" sa kauna-unahang pagkakataon ay sa wakas, naitanong ko rin sa kaniya. Pakiramdam ko ay natanggal ang tinik sa aking lalamunan sa matagal na pagkakabara dito.

Nakita kong inalog  niya ang paubos na coke float saka siya sumimsim. Tila isang tanawin ang malaking bilog sa kaniyang lalamunan habang gumagalaw sa bawat paglagok dito.

Umiwas siya ng tingin. "Hindi ko rin alam." Baritono ang kaniyang boses.

"Sa tingin mo? Mali ba ang desisyon ko?" Dagdag pa niya.

Natahimik ako.

Kung tatanungin ako, hindi ko talaga alam kung paano kami nagsimula noon o matatawag nga bang simula iyon. Basta natagpuan ko na lang ang sarili na madalas na nagpupuyat para lang makausap siya sa chat, mga umaga na messages niya ang bubungad sa akin at gabing siya ang huli kong makakausap.

Sana pala, hindi namin sinamantala ang panahon na iisa pa ang nararamdaman namin. O sana kahit ako na lang, hindi ko hinayaang lumalim ang pagkakahukay ng mga halaman sa loob ko. Para hindi nanatili ang mga paruparong nilikha ng bawat pagkadarang ko sa kaniya.

Ubos na ang coke float niya. Ipinatong niya ito sa pasimano ng foot bridge. Tumingala, mariin na pumikit.

Noong panahon na ayos pa ang lahat, madalas kong tinatanong ang sarili kung tama nga ba itong pinapasok ko. Siguro defense mechanism ko na yung biglang maging cold. Didistansya sa kaniya at iignorahin ang bawat messages niya. Baka kasi nalilito lang ako, baka nalilito lang din siya. Baka kasi bigla na lang siyang mawala.

Kaya hindi ko rin masisi siya kung bakit bigla na lang nag-iba ang lahat. Kung paanong bumalik kami sa pagiging estranghero.

Kaya heto, sa akin bumalik ang lahat. Ako ang naiwanan sa ere. Ako ang sumalo ng lahat sa tratuhang walang label, walang eksaktong tawag sa kung anong nararamdaman namin, o baka nga ako lang itong nagbigay ng malisya sa bawat kilos niya.

Kaso heto na naman ako, unti-unting sumisibol ang mga bulaklak sa mundo ko. Mga halaman na pinatay ko na limang taon ang nakakaraan.

Walang mali sa desisyon niya. Karapatan niya iyon. Ang umalis- ang umiwas- ang lumayo. Siguro ang tanging mali lang ay ang sitwasyon namin. Biktima kaming dalawa ng pinagbabawal na sitwasyon dahil nilikha ang lalaki para sa babae lamang. Hindi namin pwedeng suwayin iyon.

Nagsimula na siyang maglakad, napangisi na lang ako nang makita ang daan na tinatahak namin. Nasa harap kami ng gusali kung saan ako nagta-trabaho bilang technician.

Baka makita pa ako ng mga boss ko dito.

"Saan ba tayo pupunta, Rhyss?" tanong ko sa kaniya.

Nagkibit balikat siya. "Hindi ko alam."

Tumigil siya sa paghakbang. Tumigil din ako. Hinihintay ang susunod niyang kilos.

Saan nga ba tayo dadalhin ng mga paa natin? Sana hindi na sa lugar kung saan masasaktan lang ako. Pero kung kasama ka, siguro hahayaan kong masaktan ako. Kahit paulit-ulit pa.

Sa Dulo  (BxB)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon