Nagpatuloy ang pag-alpas ng patak ng ulan. Mas lalong lumamig ang panahon, nananayo ang mga balahibo sa aking braso. Nakaupo pa rin kami sa baitang ng hagdan, tahimik. Muling sumeryoso ang aming paligid, marahil nararamdaman namin na bilang na lang ang oras para sa aming dalawa.
Muli akong tumingin sa kalawakan. Tuluyan na ngang naiwala nito ang mga bituin.
Tinapunan ko siya ng tingin. Unti-unting nagwala ang mga kumakawalang emosyon sa loob ko. Siguro dahil ito na marahil ang huling oras ng araw na ito para makasama siya o baka ito pa nga ang huling beses.
Mahirap makipaghabulan kay tadhana, mahirap humiling ng isang beses pa para pagbanggain muli kami sa ilalim ng Araneta Station, o sa kung saang sulok ng Cubao.
Mahirap maghintay, na sana sa tatlong daan at animnaput-limang araw na isa doon ay makita ko ulit siya.
Talo ako, dahil hanggang ngayon, sa kabila ng mga bagay na ginawa niya noon ay siya pa rin ang dahilan kung bakit nagiging abnormal ang pagsayaw ng mga dugo sa aking katawan gawa ng mabilis na pagproseso ng aking puso.
Sa mga oras na 'to, sa kakaonting oras na nalalabi para sa aming dalawa ay gusto kong pasalamatan ang tadhana. Muli, hinayaan niyang maghinang ang minsang kinalimutan naming mga mundo.
Nabasag ang katahimikan nang bigla siyang magsalita, "Bakit ako?" Seryoso ang kaniyang mukha, ipininta ng makapal niyang kilay at nakakunot na noo.
"Bakit ako? Bakit hindi na lang iba?" Pag-uulit niya sa tanong.
Sa kauna-unahang pagkakataon, nakita ko ang dalawang emosyon na naghalo sa kaniyang mga mata; pagkalungkot at pagkalito.
Pinilit kong iguhit ang kurba sa aking labi, ngunit bigo ako. Hindi ko mahagilap ang mga salita na bubuo ng mga sugnay para maisagot ko sa kaniya ang dahilan.
'Pagkat walang konkretong dahilan para maipaintindi ko na hindi ko ginustong mahulog mula sa pagkakaibigan namin na nauwi sa tuluyang paglubog nito-- hanggang tangayin ng mga alon at makalimutan na lang.
Ipinilig ko ang aking ulo, pakanan-pakaliwa habang magkahinang ang mga mata namin. Kung kaya niya lamang basahin ang mga nakatagong emosyon sa aking mga mata.
Nag-umpisa siyang tumayo saka pinagpagan ang dumikit na alikabok. Tumigil na ang pagpatak ng ulan, unti-unti natatapos ang dilim. Nagsisimulang muling umikot ang buhay sa Cubao.
Ilang minuto bago namin marating ang dulo.
Namumuo ang pangungulila sa gilid ng aking mga mata hanggang sa tuluyang maghilam ang aking mata at bumagsak ang mga ito.
Iniwas ko ang mukha para hindi niya makita ang paghulas ng mga nakatagong emosyon pero hindi pa rin ako nakatakas sa paningin niya.
Sinubukan niyang humakbang palapit sa akin pero naduwag ako, na baka kapag tuluyang magdikit ang aming mga balat ay muli akong madarang at hindi ko na magawang bitiwan siya muli.
Napahinto siya nang umurong ako palayo sa kaniya. Nakita ko ang pagkabigla sa kaniya, saka pinalitan ng blangko nitong emosyon.
"Ihahatid na kita sa sakayan." Nauna siyang maglakad. Pinahid ko ang mga luha gamit ang aking mga palad saka marahan na sumunod sa kaniya.
Gusto kong bagalan muli ang paglakad. Gusto kong patigilin siya, o kahit ang mundo na lang.
Gusto kong magalit sa langit kung bakit unti-unting nawawala ang dilim. Gusto kong manatili sa ngayon, ayoko munang uminog ang mundo.
Gusto ko pang masaktan kapalit ng panakaw na sandali na ako at siya ay nasa iisang atmospera pa, nasa iisang mundo pa o nasa iisang kalawakan pa.
Gusto ko pa siyang makasama.
Ika-labindalawa ng hunyo, heto kami binabagtas ang kahabaan ng Cubao para marating ang dulo.
Wala na ang mga bituin para matsyagan pa ang mga kilos namin.
Patay na ang mga lampost para magsilbing liwanag para balaan ako na huwag munang tumuloy sa dulo.
Habang papalapit kami sa tunog ng mga sasakyan, nakatingin lang ako sa bulto niya sa aking harapan.
Hindi ko na ito muling mapagmamasdan.
Ito na ang panahon para palayain ang nakabilanggong damdamin para sa kaniya, mga damdamin na iginapos buhat nang huling beses namin na magkita; mga pag-asa(m) na baka iisa rin ang ritmo ng aming puso.
Pero hindi lahat ng nagbibigay ay nakakatanggap, may mga bagay na kapag hinayaan mong kumawala ay hindi na makakauwi pa sa'yo.
Huminto siya.
Huminto rin ako.
Huminto ang mundo ko.
Pero patuloy pa rin ang pag-ikot ng sa kanya.
Tapos na ang kwento na ginawa ko para sana sa aming dalawa.
Mabigat ang aking mga paa habang papalayo sa kaniya. Hindi ko na nagawang lumingon pa dahil alam kong kapag ginawa ko iyon ay maaaring hindi na ako makaalis at baka mabalani ako pabalik sa kaniya.
Patuloy ang paghulog ng mga luhang kagabi ko pang pinipigilan sa pagbagsak. Sa muling pagkakataon ay nagawa niyang pahinain ang itinayo kong bakod para buksan muli ang pilat na natamo ko limang taon na ang nakalipas.
Wala na ang buwan, wala na ang mga tala at wala na rin siya. Tanging ako na lang at ang inhibisyon na maaaring ipilit pa, pero agad ko itong iniwala.
Ayokong tuluyan akong maipit sa pagbabaka-sakaling nasa iisa pang alapaap ang pintig ng aming mga mundo dahil kung tutuusin ay matagal ko nang naiwala ang ritmo nito.
Kailangan kong iwanan sa maingay na siyudad ng Cubao ang lahat nang nararamdaman ko para matigil na ang pag-aalipin nito sa naghihingalo kong puso.
Hindi lahat ng kwentong piniling wakasan ay nagkaroon ng magandang simula dahil ang kwento naming ito ay hindi naman nagkaroon ng simula. Patuloy lang na naipit sa pagpapantasya at inhibisyon na sana ay nagkaroon kami ng magandang kwento.
Pero hindi, ito na ang oras para paliparin ang lahat... para tuluyang matahimik ang mga damdamin na hindi na mabibigyan pa ng hustisya.
Hindi lahat ng hiling ay natutupad.
Hindi lahat ng bituin ay may kalakip na kahilingan.
Hindi lahat ng hiniling natin ay mananatili.
At lalong hindi lahat ng narating na ang wakas ay masaya.
Narating ko na ang dulo.
Pero ako lang ang nakarating.
Mag-isa.
***
Sa Dulo 2018
END.
BINABASA MO ANG
Sa Dulo (BxB)
Short StoryHiram na isang gabing paglalakad sa ilalim ng mga kalawakan. Kung paanong ang mga bituin sa itaas ang nagsilbing gabay para pagsugpungin ang dalawang taong matagal nang ipinaglayo ng tadhana. Gusto pa sana nilang bagalan ang paglalakad, gusto pa san...