Madalas nagtataka ako kung bakit mas maraming tao dito sa Cubao kapag gabi kaysa sa tuwing umaga.
Mga taong bakas ang ibat-ibang emosyon ng pagod, lungkot, yamot at iba pa. Ibat-ibang kwento sa bawat ekspresyon na nakaguhit sa kanilang mga mukha. Ibat-ibang dahilan kung bakit hanggang sa ngayon ay narito pa rin sila sa mataong Cubao.
Pero ako, gusto ko na lang umuwi at yakapin ang higaan. Nakakapagod ang araw-araw na biyahe. Ilang beses na rin akong sinabihan ng mga ka-workmates ko na humanap ng dorm malapit sa office. Nagulat pa nga sila nang malaman na uwian pa ako sa Bulacan.
Kaso naiisip ko si mama. Siya na lang kasing mag-isa dahil may kaniya-kaniyang pamilya na ang mga kapatid ko. Kapag nag-apartment pa ako, sino na lang ang makakasama niya?
Gwyn:
Nakauwi ka na ba? Hindi bayad OT natin, uy!Pauwi na zer! Tomguts na ko.
Daan ka dito sa bahay.
Why? Papakain ka.
Bakit ang bastos pakinggan?
*magpapakain ka ba ng foods
Dumi talaga utak mo.Watever! Osiya ingat.
Natawa ako sa kaberdehan ng kaibigan. Dinudumihan niya talaga ang utak ko, mapa-messenger o personal.
Napatingin ako sa langit. Hindi ko maiwasan na huwag mamangha sa ganda ng bilog at dilaw na buwan. Para bang sinasabi na hindi ito bagay sa magulong lungsod na ito- pero nananatili ang hiwagang taglay nito.
Misteryoso at nakakabighani.
Patuloy pa rin ako sa paglalakad sa pagitan ng mga malalaking malls dito sa Cubao. Kanina pa ako natatakam sa mga coffee shop at food store. Hanggang sa makarating ako sa ilalim ng MRT- Araneta Station.
Napahawak ako sa tiyan nang muling kumalam ang sikmura. Napasulyap ako sa fastfood chain na nasa likuran ko. Saka ibinalik ang tingin sa kalsada. Nagdadalawang-isip kung magiging estatwa na lang sa kinatatayuan para makaabot sa last trip ng bus o pipiliin ang tawag ng laman-tiyan.
Gumuhit ang liwanag sa kalangitan. Alam ko na ang kasunod nito. Wala akong pagpipiliin bago tuluyang umiyak ang langit. Ayoko namang maging basang sisiw kahit na makahanap man ako ng bus papauwi. Dahil nang huling beses na sinubukan ko, halos hiyang-hiya ako sa katabi dahil pati siya ay nababasa.
Sinalubong ako ng pamilyar na amoy ng pinipritong patatas pagkatapak ko sa loob ng fast food. Naramdaman ko tuloy ang pagtutubig ng aking lalamunan dahil sa pagkatakam. Hindi na ako nag-abala na maghanap ng puwesto dahil hindi naman ako mag-stay dito. Kailangan kong makahabol sa huling bus.
Naglakbay ang mga mata ko sa loob. Gumuhit ang kakatwang sakit sa dibdib ko nang mapadako sa partikular na parte ng fast food chain. Ang paborito naming puwesto.
Matamis at mapait ang parte na iyon para sa akin. Pero pinili kong iwala ang iniisip. Hindi ngayon ang tamang oras para magsenti. Pero mapaglaro ang pagkakataon. Nananadya ang tadhana.
Pumailanlang ang pambansang awitin ng mga sawi sa speaker ng fast-food chain. 'Tuloy pa rin' sambit ko sa isip. Gago talaga tumayming. Kamot ulo na lang.
"Goodmorning, Sir. Welcome to our branch. Kunin ko na po ang order ninyo?" Ngumiti ang kaherang babae kaya lalong nadepina ang pantay niyang ngipin.
Napatingin ako sa menu sa itaas. Wala talaga akong maisip. Hindi ko alam kung bakit sa tuwing oorder ako sa kahit anong fast-food chain ay kinakabahan ako. Pakiramdam ko ay humihilab ang aking tiyan at nanlalambot naman ang mga tuhod.
BINABASA MO ANG
Sa Dulo (BxB)
Krótkie OpowiadaniaHiram na isang gabing paglalakad sa ilalim ng mga kalawakan. Kung paanong ang mga bituin sa itaas ang nagsilbing gabay para pagsugpungin ang dalawang taong matagal nang ipinaglayo ng tadhana. Gusto pa sana nilang bagalan ang paglalakad, gusto pa san...