Distansya

121 0 0
                                    

                Hindi lahat ng nagmamahalan, nagkakatuluyan. Alam ko, kita ko, ramdam ko, dahil naging ganun na rin ako.  Alalang-alala ko pa ang unang araw na nagkita tayo. Hindi ko lubusang akalain na maiiba pala ang araw na akala ko eh normal lang. Kinailangan kong mag-summer class ng NSTP dahil sa requirement ito. Unang araw ng klase at orientation pa lang naman. Nakayuko akong pumasok sa likod na pinutan, sa loob ng isang classroom nang wala man lang kakilala. May mga iilang estudyante na sa loob, at halos lahat maingay. Ni isang tao, wala akong nakitang tahimik—maliban sa akin.

Sa loob ng classroom, dun ulit ako sa pinakadulong upuan umupo gaya ng kinagawian. Lagi na lang. Lagi naman. Walang tumatabi sa’kin, walang pumapansin. Buhay, na parang patay. Non-existent sa iba. Normal na wallflower, ika nga.

Sinimulan ko nang ipusod ang buhok ko at suotin ang makapal kong salamin. Pinagmasdan ko ang paligid. Sa mga tao sa paligid ko nagmumula ang ingay. Tawanan, tsismisan, tanungan, kwentuhan, landian, at kung anu-ano pa. Sa gawing kaliwa ko nakakita ako ng dalawang estudyanteng naglalampungan, naghahawakan, naghahalikan. Hindi naman ako galit, naiinis o naiinggit. Iba lang siguro ako sa kanila.

Maliit lang ang kwarto. Dalawampung estudyante lang siguro’y mapupuno na ito. Sa gitna ng ingay, isang kabalintunaan man ngunit naramdaman ko rin ang katahimikan: Ang katahimikan ng mga upuang gawa sa kahoy na maayos na nakahanay, ang malaking pisara sa harap, ang hangin ng electric fan na nakatutok sa iba, at ang init sa loob ng saradong silid na iyon.

Sa paglipas ng ilang minuto ay napuno na rin ang classroom hanggang sa wala nang choice ang iba kundi umupo malapit sa’kin, na alam kong hindi nila nagustuhan. Ramdam na ramdam ko ang pag-alok nila ng pagkain sa isa’t isa, sa mga taong malapit sa’kin, ngunit hindi sa akin. Sa totoo ay okay lang naman na ganito. ‘Yung hindi pinapansin. Nasanay na rin kasi ako. Hanggang sa, biglang bumukas ang pintuan sa may harapan at dumating ka nga. Ikaw ang unang pumansin sa’kin noong araw na ‘yon. Pinatayo mo ako at sinabing magpakilala ako sa klase.

“Hi. Ako si Jean. Incoming third year. BS Statistics.”

Ngumiti ka sabay pinaupo mo ako. Akala ko eh normal lang iyon dahil ganun naman talaga halos kapag unang araw ng klase, gusto ng guro na magpakilala ang kanyang mga estudyante. Ngunit, hindi pala. Pagkatapos ng apat na oras na orientation sa loob ng classroom na iyon, uwian na, pero sinabi mo na magpaiwan lang ako.

Aaminin ko. Noong unang araw na iyon na nagkita tayo, takot ako sa’yo. Sige, para mas eksakto, takot ako sa tao. Ayaw kong lumapit sa mga taong hindi ko naman ganoon kakilala dahil ayokong ma-judge nila ako. Lagi at laging may masasabi silang negatibo. Nahihirapan akong magustuhan ako ng mga tao, kaya hindi na lang din ako nagpaparamdam lalo na’t ‘di rin naman nila ako nararamdaman.

Umupo ka sa tabi ko. Pareho tayong nasa dulo ng classroom. Ngumiti ka ulit. Aaminin ko rin. Takot rin ako sa itsura mo, hindi dahil sa maganda ako kundi parang muka ka lang talagang hindi mapagkakatiwalaan. Mayroong tattoo ang iyong balat na kayumanggi na kinaiinisan ko naman dahil hindi tulad mo eh hindi ako biniyayaan ng makinis na balat. Kahit na hindi ko na ‘dumihan’ ang balat ko eh madumi na talaga akong tignan. Siguro din, natakot ako sa bigote mo at sa tangkad mo bilang maliit lang naman ako.

“Jean, tama?” Iyon ang una mong tanong at tumango naman ako sabay sabi ng ‘opo’. Kinabahan ako kahit papaano dahil nagtataka ako, ‘bakit mo nga ba ako pinaiwan dito?’

“Jep nga pala.” Inabot mo ang kamay mo sa’kin. Mga ilang segundo bago ko nagets at saka naman nakipagkamay sa’yo.

“Sir Jep?”

“Jep lang. Friends sana tayo.”

Sa isip ko ay gulong-gulo pa rin ako, pero pinabayaan ko na lang. Siguro sadyang palakaibigan ka lang. Ngumiti na lang ako at tumango.

Koleksiyon ng mga Maiikling KwentoTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon