A/N: Ang tagal na neto. Nilipat ko lang sa compilation na 'to. Purely fiction/hindi totoo.
Ito ay isang kwento ng pagbabalik-tanaw SLASH kadramahan ng isang babaeng hindi nakayang ipagtapat ang nararamdaman niya sa taong matagal na niyang gusto.
Naiiyak ako, Louie. Bakit ganun? Bakit kahit na ilang taon na ‘yung lumipas, ikaw at ikaw pa rin ‘yung gusto ko? Bakit ganun? Kahit na alam ko namang may gusto kang iba, bakit parang sa kaloob-looban ko, umaasa ako na may pag-asa ako sa’yo? Na kahit minsan, nagustuhan mo rin naman ako? Hay...
Miss na miss na miss na kita... Sobra.
Bakit ba kasi... kailangan, ibang school pa ‘yung pasukan mo, ibang university? Bakit? Alam mo ba, simula nung grumaduate tayo, parang hindi na ulit ako ngumiti na tulad nung dati... kapag nakikita kita. Alam mo ba, parang hindi na ‘ko naging kasing saya tulad nung dati... kapag naririnig ko ‘yung pagtugtog mo ng piano... ‘yung Canon, ‘yung Out of my League, ‘yung River flows...
Nami-miss ko na ‘yung mga simpleng pag-uusap natin, kahit na ‘di naman tayo naging ‘ganun’ ka-close. ‘Yung kapag nasa music dept tayo tapos pareho na tayong tapos turuan, at sila Anne at Sandra na lang ‘yung hinihintay natin... tapos tutugtog ka nun sa harapan ko, at ako, makikinig.
Those were the best days of my high school life.
Ang simple lang ng ginagawa mo, pero ewan ko ba, bakit ba sa simpleng mga tanong mo sa’kin, napapangiti ako? Nami-miss ko na ‘yung kapag tatanungin mo ‘ko ng “Alam mo bang tugtugin ‘yung Canon?” At sasagot naman ako, “Hindi eh.” Hihirit ka ulit. Magtatanong ka ulit. “Eh ‘yung River flows?” At sasagot nanaman ako ng tipid. “Hindi rin.” Hay...
Sobrang miss ko na ‘yun. Sobrang miss ko nang marinig ‘yung boses mo... lalo na ‘yung tuwing ako ang kausap mo... at ‘yung kapag magkasama tayo.
Naiiyak nanaman ako, Louie. Sana... sana marinig ko ulit ‘yung boses mong ‘yun na tinatanong ako, “Alam mo na bang tugtugin ‘yung Canon? Eh ‘yung River Flows...?” Kasi... iibahin ko na ‘yung sagot ko. “Oo, Louie... alam ko na ‘yun eh. Inaral ko. Sumakit nga kamay ko eh, lumabas mga ugat ko sa kamay... pero okay lang,” sabay bibigyan kita ng ngiti. Hay...
Kung pwede lang sanang ibalik ‘yung oras ‘no? Kung pwede lang sana... Kaso, hindi naman pwede ‘yun. H-i-n-d-i. Tuwing tutugtog ako ng piano, ikaw at ikaw lang ‘yung naaalala ko. Tuwing mag-aaral ako ng bagong piyesa, ikaw at ikaw lang ginagawa kong inspirasyon. Pakiramdam ko nga, tumutugtog lang ako... para sa’yo. Pero, hay...
Naiiyak nanaman ako, Louie. Maririnig mo pa kaya ‘yun? Lalo na ngayon... na hindi na tayo nagkikita?
Hay... para akong tanga eh, ‘no? Bakit nga ba ako umaasa kahit na alam kong huli na naman talaga ang lahat. Tss, nagsisisi ako. Sobrang nagsisisi...
Hindi ko man lang nagawang maging close sa’yo kahit na three years kitang naging kaklase. Hindi ko man lang naipagtapat sa’yo na ikaw ang dahilan kung bakit nagsusumikap akong makapunta sa top... kung bakit kahit mapuyat ako, okay lang... kung bakit pumapasok ako sa school... kahit na alam kong wala naman akong mga kaibigang makakasama tuwing break, lalo na nung nawala na sa’kin ‘yung nag-iisang best friend ko sa school.
Ikaw ‘yung naging lakas ko, Louie... Ikaw.
Siguro kung wala ka? Baka hindi lang ako two weeks na nag-absent nun sa school dahil sa depression. Baka mga months... o baka nga hindi ko na tinuloy ‘yung pagpasok hanggang graduation.
Shoot. Naluha na ako. Miss na miss na miss na miss na kita. Kung pwede lang sanang i-type ang word na “miss” ng million times, o ng infinite times eh... pero ano nga bang mababago nun? Wala naman eh, ‘di ba? Hindi mo naman ako maririnig. Hindi mo naman ‘to mababasa. Hindi naman kita makikita. Hindi naman mababalik ang oras.
Hay... Siguro mas marami nang mga babae diyan ‘yung nagkakagusto sa’yo ngayon ‘no? Normal lang naman ‘yun eh. Lahat naman kasi, nasa sa’yo na. Siguro may nagugustuhan ka na ngayon diyan ‘no? Tapos... siyempre, gusto ka rin nung girl na ‘yun. Hay... ang swerte. Kung alam lang nung babaeng ‘yun kung ga’no siya ka-swerte... Pa’no, nasa kanya na ang lahat ng kailangan ko... para lumigaya. Nasa kanya na ‘yung happiness ko. Nasa kanya na ‘yung taong matagal ko nang gusto... Siyempre, nasa kanya na... ikaw.
Hay... sorry ha, puro “hay” na lang yata ang alam kong sabihin. Baka kailangan ko nang putulin ‘yung sasabihin ko. Hindi na kasi kaya ng sarili ko eh, lalo na ‘tong mata ko na bumigay na...
Ayun lang. Miss na miss na kita. Sana magkita ulit tayo... Sana masabi ko ang lahat sa’yo... Sana... mabalik natin ‘yung dati... ‘Yun lang.