Mahal Kita, Hindi Mo Lang Alam
Written By: Cristina_deLeon
"PAGLAKI ko, pakakasalan kita. Pangako 'yan!" Inilagay ng walong taong gulang na batang babae sa anim na taong gulang na batang babae ang bulaklak sa gilid ng tenga nito.
"Talaga? Magpapakasal tayo? Ibig sabihin, araw-araw, magkakasama na tayo?" inosenteng tanong ng batang babaeng si Kate sa kalaro niya. Si Clarisse.
"Oo, pangako 'yon. Kahit ano'ng mangyari ay ikaw lang ang pakakasalan ko at wala ng iba pa.
Dahil sa sinabing iyon ng kalaro ay isang malaking ngiti ang gumuhit sa labi ng anim na taong na gulang na batang babae.
-------------------
NAPANGITI na lang ng mapait si Kate nang maalala ang nakaraan nilang iyon ni Clarisse habang nakatingin siya rito mula sa malayo na nakikipaglambingan sa girlfriend nito.
Ah, hindi na nga pala Clarisse ang pangalan nito ngayon kundi 'Clarrence' na.
Napakainosente pa niyang bata noon para isipin na posibleng magpakasal ang dalawang babae sa isang simbahan. Akala niya noon, basta mahal mo ay walang imposible pero nagkamali pala siya.
Si Clarrence na dating babae kung manamit at kumilos noong bata pa sila ay nagbago nang tumuntong na sila ng high school. Pinagupitan nito ng maikli ang mahabang buhok nito, nagsuot ng mga panlalaking damit at kumilos na para na talagang isang tunay na lalaki. Bigla na lang itong naging isang tomboy at nag-umpisa na rin itong manligaw ng mga kapwa nila babae.
Pero kahit na naging tomboy si Clarrence ay hindi pa rin nawala iyong pagiging matalik nilang magkaibigan. Palagi pa rin siyang welcome sa bahay nito para makitulog doon. Kapag may problema siya, ito pa rin palagi ang napagsasabihan niya. Hindi nga yata niya makakayang mabuhay kung wala ito. Para sa kanya, ito ang pinakamalapit na tao sa buhay niya.
"Oh, Kate, nandiyan ka na pala. Kanina pa kitang hinihintay, e." Napatayo bigla si Clarrence nang makita siya. Para ngang nahihiya pa ito dahil huling-huli niya na muntikan pang makipaghalikan ito sa girlfriend nito. Lumapit na kasi siya sa dalawang magkasintahan na naglalambingan sa parke.
"Nagde-date pala kayo ni Kei. Pasensya ka na, niyaya pa kitang samahan akong bumili ng damit ko. Ang akala ko naman kasi, wala kang ginagagawa," nahihiyang sabi niya.
Ramdam niya na masama na ang tingin sa kanya ni Kei. Hindi naman lingid sa kaalaman niya na palagi siya nitong pinagseselosan.
"No, it's alright. Tapos na rin naman ang date namin ni Kei, e. Pauwi na rin talaga kami. 'Di ba, Kei?" tanong nito sa kasintahan.
"Oo, tapos na," parang napipilitan lang na sabi nito.
Iyon lamang at umalis na sila ni Clarrence. Inakbayan pa siya ng kaibigan nang wala na sa eksena si Kei.
Ewan niya pero nang inakbayan siya ni Clarrence ay lumakas na lang bigla ang tibok ng puso niya.
Dati pa ay alam na niya na may lihim na pagtingin na siya kay Clarrence. Noong una ay iniisip lang niya na baka dahil magkababata sila. Normal lang naman na mahalin ang isang tao na sobrang malapit sa 'yo, hindi ba? Pero napatunayan niya na niloloko lang pala niya noon ang sarili niya sa pag-iisip ng ganoon dahil parang kinukurot ang puso niya sa tuwing nakikita si Clarrence na kasama ang girlfriend nito.
Natapos ang araw na iyon na ang saya-saya niya. Kung saan-saan lang naman sila nagpunta ni Clarrence. Pagkatapos niyang mamili ng damit para sa birthday party ng kaopisina niya ay nagpunta naman sila sa Quantum at naglaro lang ng kung ano-ano roon. Pagkatapos niyon ay nauwi sila sa isang bar.
BINABASA MO ANG
27. RIPE: An Anthology Of Short Stories For Mature Readers
AléatoireIba't-ibang maiikling kwento na para sa mature readers. GXG, BXB, Jousei, Seinen atbp.