Part 18

43K 812 19
                                    

BATA pa si Janine ay mahilig na siya sa art. Mahilig siya sa paintings at kumuha pa siya ng art lesson bilang suporta ng kaniyang ama sa hilig niya. Kaya lamang ay ayaw ng art sa kaniya. Kahit anong gawin niya ay hindi siya nag-improve. Palaging may mas magaling sa kaniya. Kaya noong high school siya ay tinanggap na lamang niya sa sarili na hanggang art appreciation lang siya. Lalo na nang una niyang makita ang mga doodles at sketches ni Draco. At habang lumilipas ang mga taon ay lalong nag-e-evolve ang art ng binata. Lalong mahirap alisin ang tingin kapag nakita na. Lalong nagkaroon ng kakaibang karisma.

Iyon ang napagtanto ni Janine nang makita niya ang laman ng sketch pad na iniwan nito sa kaniya. Nawala ang kahit anong alinlangan at kaba na akala niya ay mararamdaman niya kapag kinailangan nilang magharap muli ng binata. Iyon ay kahit na wala pang kulay at draft pa lamang ang nakita niya. Paano pa kaya kung nakapinta na talaga ang mga iyon. Pagkapananghali ay tinawagan niya agad si Draco.

"Ang bilis mong tumawag ah," sagot nito. Nahuli ni Janine ang himig ng amusement sa boses nito. Na para bang alam ng binata na oras na buklatin niya ang sketch pad ay hindi siya makakatiis na hindi ito tawagan. Hindi pa rin yata nito nakakalimutan na mahilig siya sa art.

Napabuntong hininga na lang si Janine. "May mga gusto na akong sketch. Gusto kong malaman mo agad para masimulan mo na kahit iyong mural. Kung may iba kang plano ngayon okay lang din na bukas na tayo mag-usap."

"Kumain ka na ba?" biglang tanong ni Draco.

Napakurap si Janine kahit na hindi naman sila magkaharap. "Hindi pa."

"Good. Let's have lunch together. Dalhin mo ang sketch pad. Sa restaurant na tayo mag-usap."

Napangiwi si Janine. "Draco. Hindi talaga ako kumportable na nagpupunta at kumakain sa restaurant."

"Pero nakakain ka noong nagkita tayo nila Nathan at Krey."

"Well, yes. I can eat and stay there. Pero hindi ako kumportable. Hangga't maaari ay iniiwasan ko ang magpunta at kumain sa mga restaurant," amin niya.

"Then it's decided. Magkita tayo sa restaurant sa ground floor ng Visperas Hotel. Para masanay ka. Don't bring tissues with you," sabi ni Draco. "Kung hindi may gagawin ako sa iyo na hindi dapat ginagawa sa harap ng maraming tao," dugtong nito sa mas mababang tinig na nagdulot ng tila kuryenteng kilabot sa buong katawan niya.

Napahugot si Janine ng malalim na paghinga upang hamigin ang sarili. "Dito na lang sa office ko tayo mag-usap."

"No. Sinabi ko na sa iyo, hindi ba? I'm going to help you get better. Pero dapat ikaw mismo ay maging determinadong alisin ang phobia mo. Kaya magkita tayo sa restaurant. Hihintayin kita." Iyon lang at tinapos na ni Draco ang tawag. Hindi na siya binigyan ng pagkakataong tumanggi.

Napahugot ng malalim na paghinga si Janine. May punto naman si Draco. Gusto rin naman niyang mawala ang phobia niya at dapat siya mismo ay mag-effort para mawala iyon. Mas maganda kung gagaling siya na hindi nauungkat ang pinagmulan ng trauma niya. Dahil wala siyang balak ipaalam iyon kay Draco. Nang makapagdesisyon ay dumeretso siya ng tayo. She applied sanitizer to her hands. Pagkatapos ay kahit hirap sa kalooban niya nagdesisyon siyang huwag na lamang dalhin ang kaniyang bag kung nasaan ang tissue at sanitizer niya. Bitbit ang sketchpad at wallet na lumabas siya ng kaniyang opisina at nagtungo sa restaurant kung saan sila magkikita ni Draco.

NAGULAT si Janine nang pagdating niya sa restaurant ay nakita niyang nakaupo na sa isang lamesa si Draco. Katunayan ay base sa tasa ng kape na nasa harap nito at sa relaxed na pagkakaupo nito sa silya ay tila ba kanina pa naroon ang binata. Bahagya tuloy umangat ang kilay niya. Hindi kaya dito dumeretso ang lalaking ito pagkagaling niya sa opisina ko kanina?

Bachelor's Pad series book 6: Forbidden Lover (Draco Faustino)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon