Part 36

34K 638 16
                                    

PATAPOS na silang kumain ng hapunan nang magdesisyon ang daddy ni Janine na sabihin ang anunsyo na isa raw sa mga dahilan kung bakit kailangan ay kompleto silang apat sa gabing iyon. At base sa malawak na ngiti ng mag-asawa ay mukhang magandang balita para sa mga ito ang sasabihin ng daddy niya.

"In six months time ay anniversary na uli ng Visperas Hotel. Natural magkakaroon uli ng malaking party at mag-iimbita ng press para i-feature ang event natin. At gusto ko na ikaw, Janine ang mamuno sa preparasyon ng anniversary party. Sinasabi ko na sa iyo hangga't maaga para mapag-isipan mong mabuti ang gagawin."

Ngumiti si Janine. "I'll do my best to make it an unforgettable anniversary, daddy."

Gumanti ng ngiti ang kaniyang ama. "Alam ko hija. May tiwala ako sa kakayahan mo. At sa anniversary party ay pormal ko nang iaanunsyo sa lahat ang aking retirement."

Napalis ang ngiti ni Janine at napaderetso ng upo. "Pero daddy, bakit? Malakas ka pa naman. Puwede ka namang huwag mag-retire at paminsan-minsan ay magpunta sa hotel katulad ngayon."

Nakangiting umiling ang kaniyang ama. "Alam ko. Pero Janine, kapag hindi pa ako nag-retiro ay iisipin ng mga business aquaintances at rivals natin na wala akong tiwalang kaya mong pamahalaan ang Visperas Hotel na mag-isa. Alam natin pareho na darating ang araw na kailangan mong umalis mula sa ilalim ng aking anino at pamahalaan sa sarili mo ang negosyo natin. Kaya sa anniversary party, I am going to appoint you as the CEO of Visperas Hotel."

Umawang ang mga labi ni Janine at hindi agad nakapagsalita. Nabibigla siya sa mga sinasabi ng kaniyang ama. Retirement. CEO appointment. Nakaka-overwhelm.

Lumawak ang ngiti ng kaniyang ama habang nakatingin sa mukha niya na para bang naaliw sa pagkabigla niya. Pagkatapos ay bumaling naman ito kay Draco na katapat ni Janine sa lamesa. "At Draco, alam ko na isa kang artist. Alam ko rin na ang isang artist ay kailangan ng kalayaang gawin ang gusto at magpunta sa kung saan-saan. That once an artist will always be an artist. Gusto kong malaman mo na noon pa ay avid fan mo na kami ng mommy mo. Kaya nga kahit na masakit sa amin na palagi kang wala at hindi namin nakikita ay hinahayaan ka namin. Lalo na kapag nakikita namin ang paintings mo. Pero katulad namin ng mommy mo, hindi ka na bumabata, Draco. Sana dalasan mo ang pananatili sa pilipinas na katulad ngayon. Puwede ba iyon?"

Bahagyang lumambot ang ekspresyon sa mukha ni Draco at tumango. "Iyan ho talaga ang plano ko. Hindi na ako aalis ng bansa maliban na lang kung talagang kailangan. At kung aalis man ako ay sisiguruhin ko na alam ninyo kung nasaan ako. Patawad kung pinag-alala ko kayo sa nakaraang mga taon."

"Oh, Draco. Masaya akong marinig iyan," namamasa ang mga matang bulalas ni mommy Diana. Maging si Janine ay uminit ang mga mata sa sinabi ng binata. Hindi na ito masyadong aalis. Mas madalas na silang magkikita.

Satisfied na tumango ang kaniyang ama habang nakatingin kay Draco. "That's good to hear. Tamang tama dahil may sasabihin pa ako sa inyo. At ito talaga ang dahilan kung bakit gusto kong kompleto tayo ngayong gabi." Sumereyoso ang mukha ng may-edad na lalaki. "Sa anniversary party, pormal kong iaanunsyo na anak kita Draco. Gusto ko sa mata ng mga kamag-anak ko, ng mga tauhan ko at ng lahat ng tao, na isa kang Visperas. That you are also part of our family's legacy which is the Visperas Hotel. At kung papayag ka nga lang ay gusto rin kitang maging tunay na anak sa mata ng batas. But I know it's too much to push you to change your surname. Napag-usapan na namin ng mommy mo ang balak kong gawin sa anniversary party. I want everyone to know that we are family."

Nawala ang ngiti sa mga labi ni Janine at pakiramdam niya ay may sumipa sa sikmura niya at kinapos siya ng paghinga. Bigla rin siyang nanlamig at malakas ang pakiramdam niya na nawalan ng kulay ang kaniyang mukha. Mabuti na lamang ay hindi niya hawak ang mga kubyertos kung hindi ay malamang nabitawan niya ang mga iyon. Tila bomba na sumabog sa mismong mukha niya ang anunsyo na iyon ng kaniyang ama. At nang mapatingin si Janine kay Draco ay mukhang pareho sila ng naramdaman. Bakas ang pagkabigla sa mukha ng binata at tila hindi makakilos habang nakatingin sa kaniyang ama.

"At kung talagang mas madalas ka na mananatili sa Pilipinas ay gusto kong magkaroon ka rin ng posisyon sa Visperas Hotel. Kahit iyong posisyon na hindi kakailanganin ang lahat ng oras mo para may time ka pa rin na gawin ang art mo. Hopefully ay tapos mo na ang mural sa lobby ng hotel bago ang anniversary party para maipakita natin sa mga dadalo," masaya namang sabi ni mommy Diana.

Oh no. No, paulit-ulit na usal ni Janine sa isip niya, pilit tinatalo ang mga salitang sinabi ng daddy niya na nag-e-echo pa rin sa utak niya hanggang sa mga sandaling iyon. Gusto ng kaniyang ama na malaman ng lahat ng tao na anak nito si Draco. Na "magkapatid" sila. At mukhang ganoon din ang gusto ni mommy Diana dahil halata ang saya sa mukha ng mag-asawa. Pero kung iaanunsyo ng kanilang mga magulang na isa silang pamilya, ay paano na lamang ang pagkakaunawaan nila ni Draco? At ano ang magiging reaksiyon ng mga empleyado ng Visperas Hotel na nakasaksi sa pagiging malapit nila ng binata sa isa't isa kapag nalaman ng mga ito na "magkapatid" sila? Higit sa lahat ay ano ang mararamdaman ng mga magulang nila kapag nalaman ng mga ito ngayon ang tungkol sa kanila ni Draco? Paano matatanggap ng mga magulang nila na gusto nila ng binata ang isa't isa?

Nakaramdam ng frustration si Janine at may bumikig sa lalamunan niya. Kinailangan niyang yumuko at magkunwaring sa pagkain ang atensiyon para hindi makita ng kaniyang mga magulang ang reaksiyon niya.

"I appreciate what you want to do for me. Pero sa tingin ko ay hindi iyon magandang ideya," biglang sabi ni Draco.

Kumabog ang dibdib ni Janine at biglang napatingin sa binata. Pero hindi ito sa kaniya nakatingin kung hindi sa kanilang mga magulang na nang sulyapan niya ay halatang mga nagulat. Bukod doon ay may bumakas ding sakit at rejection sa mga mata ng dalawa. Lalo na ang daddy niya. May kurot na naramdaman si Janine sa puso niya dahil ayaw niyang nakikitang ganoon ang hitsura ng mga magulang niya.

"Bakit?" tanong ni mommy Diana kay Draco.

Nalaglag naman ang balikat ng kaniyang ama. "Hindi mo pa rin ba ako itinuturing na ama, hijo? After all these years?" malungkot na tanong nito.

Bumuntong hininga si Draco at umiling. "It's not like that. Sinabi ko na sa inyo noon na masaya akong nagpakasal kayong dalawa. Na masaya akong nakikitang masaya kayo. Pero sana pakinggan niyo ako. May gusto akong sabihin sa inyo," seryosong sabi ng binata at tumingin sa kaniya. Nang sandaling magtama ang kanilang mga mata ay napagtanto ni Janine kung ano ang balak nitong sabihin. Aaminin ni Draco sa kanilang mga magulang ang tungkol sa unawaan nila!

Dapat ay matuwa si Janine sa nakikita niyang determinasyon sa mukha nito. Pero mas nanaig ang tila asidong humiwa sa sikmura niya nang makinita kung ano ang magiging reaksiyon ng mga magulang nila kapag nalaman ang totoo. Mas matindi pa sa ekspresyon na nakikita niya sa mukha ng mga ito ngayon. Dahil doon ay nakaramdam siya ng takot. Hindi pa siya handang ipaalam sa mga magulang nila ang tungkol sa relasyon nila ni Draco.

"Ang totoo –"

"Ang totoo ay hindi lang komportable si Draco na humarap sa maraming tao. It's not his style, daddy, mommy," mabilis na putol ni Janine sa sasabihin ng binata. Nahiling niya lang na sana ay hindi masyadong kapansin-pansin ang panic sa boses niya.

Napatingin sa kaniya ang lahat. Pero mas natuon ang pansin ni Janine kay Draco. Nakagat niya ang ibabang labi at kahit na parang may pumipiga sa puso niya nang makita ang pagkabigla sa mukha nito ay pilit niyang sinalubong ang tingin nito. Nahiling niya na sana ay mabasa ni Draco ang pakiusap sa kaniyang mga mata na huwag munang sabihin ang tungkol sa kanila. Tumiim ang mga bagang ng binata at may nakita siyang dumaang sakit sa mga mata nito bago binawi ang tingin at bumaling sa kanilang mga magulang.

"Tama siya. I don't like attention. Kaya ayoko nang isama niyo pa ako sa mga iaanunsyo ninyo sa anniversary party. Pero pangako na dadalo ako ngayong taon. Hindi ako nakakapunta dati dahil palagi akong wala sa bansa kapag anniversary ng Visperas Hotel. I will show my support," sabi ni Draco. Hindi nakaligtas kay Janine ang mapait na pag-angat ng gilid ng mga labi nito. Para iyong punyal na sumaksak sa puso niya. Dahil alam niya nasaktan niya ang binata.

"Well, ilang buwan pa naman. Sana ay magbago pa ang isip mo Draco. Sa tingin ko ay kailangan nilang malaman ang tungkol sa iyo. Kalahati ng Visperas Hotel ay sa iyo ko ipapamana kaya dapat lang alam ng mga empleyado na hindi lang si Janine ang boss nila," sabi pa rin ng may-edad na lalaki.

"Pag-iisipan ko ho," tipid na sagot ni Draco.

Pagkatapos niyon ay iniba na ni mommy Diana ang usapan na para bang nakaramdam ito na may kakaibang tensiyon sa paligid. Hanggang matapos ang hapunan ay hindi na nagtama pa ang mga paningin nila Janine at Draco.

Bachelor's Pad series book 6: Forbidden Lover (Draco Faustino)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon