Part 32

35.1K 734 9
                                    

Sandali pa silang nanatili doon bago bumalik sa reception area ng gallery upang kausapin si Mao. Nang makarating sila roon ay may kausap na itong matangkad na lalaki na mukhang may lahing banyaga. Napahinto sa pag-uusap ang dalawa nang maramdaman ang pagdating nila ni Draco.

"Hey! Draco. Long time no see. Our appointment for my new tattoo is today right?" masiglang bati ng foreigner. Pero bigla ring natigilan nang mapatingin sa kaniya. "Or is this not a good time? You look busy, man," pakindat pang sabi nito.

Uminit tuloy ang mukha ni Janine at napasulyap kay Draco na ngumiti naman. Para bang balewala rito ang panunudyo ng foreigner. "It's fine. I want to show here how I work too. That's one of the reasons why I brought her with me." Niyuko siya ni Draco at nginitian siya. "Hindi mo pa ako nakikita habang nagta-tattoo hindi ba?"

"Hindi pa nga. Puwede talaga akong manood?" sabik na tanong ni Janine.

"Of course."

Ngumisi siya. "Ah. Pero kakausapin ko muna si Mao tungkol sa pagbili ko sa mga painting."

"Iyong mga painting ba ni Draco na ikaw ang subject? Sa wakas ay mapupunta na rin ang mga iyon sa tamang mga kamay," mapanudyong bulalas ni Mao.

Gulat na napatingin si Janine sa may edad na lalaki. Bigla ay naging malinaw sa kaniya ang naging reaksiyon nito kanina habang nakatingin sa kaniya. Namukhaan siya nito dahil sa painting. Mukhang magaling talaga kumilatis ng paintings si Mao kung nalaman nito agad na siya ang babaeng ipininta ni Draco.

Naging mabait ang ngiti ni Mao sa kaniya. "Mabuti na lang at hindi ko ibinenta sa iba, hindi ba?"

Matamis na napangiti si Janine at tumango. "Oo. Maraming salamat." Nang muli niyang tinangalain si Draco ay nahuli niyang nakatingin ito sa kaniya na may masuyong emosyon sa mga mata. Dahil doon ay nginitian din niya ang binata at magaan na tinapik ang braso nito. "Sige na. Kung kailangan mo mag handa o kung ano pa man sa gagawin mo, go on."

Tumango si Draco. "Doon lang kami." Itinuro nito ang pinto kung saan lumabas kanina si Mao. Pagkatapos ay magaan nitong hinaplos ang pisngi niya at bahagya pang yumuko para magkalapit ang kanilang mga mukha. "Bilisan mo." Tumango si Janine. Sandaling nagtama ang kanilang mga mata at nakita niyang tila ba gusto siya nitong halikan. Subalit napigilan nito ang sarili at lumayo na sa kaniya.

Napasunod na lang ng tingin si Janine kay Draco at sa lalaking kasama nito hanggang pumasok ang dalawa sa silid. Napahinga siya ng malalim nang puminid ang pinto niyon.

"Matagal na kayong magkakilala ni Draco, ano?" basag ni Mao sa katahimikan.

Napasulyap siya sa may-edad na lalaki at tumango. "Mula noong labing limang taong gulang kami."

Namilog ang singkit na mga mata ni Mao. "At ngayon lang kayo nagkaroon ng unawaan? Ngayon lang ba nahulog ang loob mo kay Draco? Bakit?" manghang bulalas nito.

Sandaling natigilan si Janine. Bigla niyang naalala ang sitwasyon nila ni Draco at malungkot na ngumiti. "It's complicated."

Marahang tumango si Mao at mataman siyang pinagmasdan. "Alam ko. Nararamdaman ko sa mga painting ni Draco na komplikado ang sitwasyon ninyo. Nakita ko sa pagkakapinta niya ang pigil na mga emosyon niya para sa babaeng subject ng paintings niya. Makikita iyon sa bawat stroke at kulay na ginamit ni Draco.

"At kung tititigan mong mabuti ay mapapansin mo na para bang ano mang oras ay mawawala ang babae sa frame ng mga painting. Palaging sa malayo nakatingin. And her outline was always painted in a way that seems like she's going to fade away. Walang malinaw na outline ng black ang brush strokes. Na para bang ano mang oras ay mawawala siya sa paningin ng nagpinta.

"Para sa isang lalaki na hindi mahilig magpakita ng emosyon, ibinuhos ni Draco ang lahat ng nararamdaman sa mga painting na iyon. Kahit pa ang intensiyon niya ay itapon ang mga painting kasama ang mga emosyong nakapaloob sa mga iyon. Those paintings are the most heartbreaking creation of the artist Draco Faustino. Ibang-iba sa iba niyang gawa," malumanay na paliwanag ni Mao.

Nakagat ni Janine ang ibabang labi dahil parang may lumamutak sa puso niya. Dahil alam niya ang ibig sabihin ni Mao. Naramdaman din niya iyon kanina habang nakatitig sa mga painting. Isa nga iyon sa mga dahilan kung bakit natagpuan niya ang sarili na umiiyak. Higit pa sa salita ay tumagos sa kaniya ang mensahe ng mga painting ni Draco.

Bahagyang ngumiti si Mao habang nakatingin sa kaniya. "Kaya kahit gaano pa ka-komplikado ang sitwasyon ninyong dalawa, sana ay tibayan ninyo ang loob ninyo. Huwag mo siyang bibitawan. Dahil sinubukan niyang itapon ang nararamdaman niya sa loob ng mahabang panahon pero hindi niya nagawa. Parang anak ko na rin si Draco. Nakita ko siyang tumanda. I want him to be happy."

Tumango si Janine at pilit gumanti ng ngiti. "Gusto ko rin siyang maging masaya. Salamat sa malasakit mo sa kaniya, Mao," taos sa pusong sabi niya.

"Walang problema," ngiti ng may-edad na lalaki. "Teka at ayusin na natin ang pagbili mo sa paintings."

"Okay."

Sandali pa ay abala na sila sa paperworks. Hindi pa man ay nakikinita na niya kung saan niya ilalagay ang mga painting. Ilalagay niya ang mga iyon sa inner office niya kung saan walang ibang makakakita kung hindi siya at ang mga taong malapit lamang sa kaniya. Dahil masyadong mahalaga para kay Janine ang mga emosyon ni Draco na nakapaloob sa mga painting. Gusto niyang sarilinin ang mga iyon. Dahil para sa kaniya ang katumbas ng mga painting na iyon ay isang mahabang love letter.

Bachelor's Pad series book 6: Forbidden Lover (Draco Faustino)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon