Part 41

34.7K 663 27
                                    

Natensiyon si Janine at naramdaman niyang ganoon din ang nangyari kay Draco. Sa pagkakataong iyon ay nagpadala na siya sa udyok at tinangkang bawiin ang kamay. Subalit humigpit pang lalo ang hawak ni Draco sa kaniya kaya hindi siya nagtagumpay. "We are not blood-related."

Tumango si Camille at bumaling sa mga lalaki. "Nagpakasal ang mga magulang nila noong fifteen years old sila. Kaya kilala ko si Janine."

"Ah. Okay," halos sabay-sabay na sagot ng mga lalaki. Subalit naramdaman ni Janine na nag-iba na ang paraan ng pagtingin ng mga ito sa kanila ngayon. Wala na ang panunudyo at ngiti. Pagtataka na ang nakikita niya sa mukha ng mga lalaki lalo na kapag pasimpleng sinusulyapan ang magkahawak nilang mga kamay ni Draco.

Tumikhim si Mao. "Maupo na tayo para maka-order na ng pagkain. Gutom na ako."

Tumalima ang lahat. Si Janine ay parang gusto nang tumakbo. Pakiramdam niya kapag tinangka niyang kumain ay babaligtad ang sikmura niya. Subalit nang mapansin niyang mataman pa ring nakatingin sa kaniya si Camille na umupo na sa kabisera ng lamesa ay nagpakatatag siya. Hindi siya tatakbo.

"Gusto mo bang magpaalam na lang tayo sa kanila?" bulong ni Draco sa kaniya. Tiningala niya ito at nakita niya ang pag-aalala sa mga mata nito.

Tumiim ang mga labi ni Janine at itinaas ang noo. "No. Don't do that to your friends." Muli ay binawi niya ang kamay at sa pagkakataong iyon ay pinakawalan na siya ni Draco. Pumuwesto sila sa natirang bakanteng mga silya na nasa kabilang dulo ng lamesa. Malayo kay Camille. Hindi niya alam kung aksidente lang iyon o sinadya ng mga college buddy ni Draco.

Habang umoorder ng pagkain ay nasalubong niya ang tingin ni Mao. Bakas ang pag-unawa sa mga mata ng may-edad na lalaki. May bumikig sa lalamunan ni Janine dahil nang mga sandaling iyon ay nasiguro niyang alam na nito ang dahilan kung bakit pinigilan nila ni Draco ang nararamdaman nila sa nakaraang mga taon. Alam na nito kung bakit tinangka nang binata na itapon ang damdamin nito kasabay ng pagbenta sa mga painting. Humapdi ang gilid ng kaniyang mga mata kaya nagbaba siya ng tingin.

Puno ng masiglang usapan ang lamesa nang kumakain na sila. Tahimik lamang si Janine at paminsan-minsan ay pilit na ngumingiti kapag may nagbibiro at sumasagot kapag may kumakausap sa kaniya. Pero si Draco ay napansin niyang tahimik lamang sa kaniyang tabi.

"So, ano nang ginagawa mo sa New York, Camille?" tanong ng isang lalaki.

Ngumiti si Camille at sumulyap kay Draco. Bagay na madalas nitong gawin kanina pa. "I'm working for an art gallery. Akalain niyo iyon? Naimpluwensiyahan yata ako ni Draco dahil siya ang palagi kong kasama bago ako magpunta ng Amerika," natatawa pang sabi ng babae.

Humigpit ang hawak ni Janine sa mga kubyertos at pasimpleng huminga ng malalim.

"By the way, kay Mao ako unang nagpunta kanina dahil may hahawakan akong exhibit sa gallery namin. Bigla kong naalala ang mga painting mo noon na binili ni Mao, Draco. Pero ang sabi niya ay nabenta na daw ang mga iyon! Sayang. Balak ko pa naman dalhin sa amerika. Marami kang avid fan doon. I want to contact the person who bought the paintings pero ayaw ibigay sa akin ni Mao ang contact information ng taong iyon," reklamo ni Camille.

"Well, napunta na kasi sa tamang may-ari ang mga painting. Sa tingin ko hindi bagay i-display sa malaking gallery ang mga painting na iyon. Those are personal," sabi ni Mao.

Umangat ang kilay ni Camille at mukhang makikipag-argumento pa pero bigla nang nagsalita si Draco. "Hindi ko rin papayagan ang may-ari ngayon ng mga painting na ibenta iyon sa iyo o kahit kanino Camille. Pininta ko ang mga iyon para sa isang tao lang. Nasa mabuting kamay na ang mga iyon ngayon."

Bachelor's Pad series book 6: Forbidden Lover (Draco Faustino)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon