CHAPTER III

1.4K 95 15
                                    

Sakay ng aking motor ay nagdidikit ang mga ngipin kong bumiyahe patungo sa isang university. Gusto kong sumigaw at magmura nang paulit-ulit dahil sa galit ngunit alam kong hindi rin naman iyon makakatulong.


Habang papalapit sa lugar na aking sasadyain ay lalo pang nadadagdagan ang inis na aking nararamdaman.


Gusto ko nang makita ang Alexis na 'yon! Ayaw kong magsalita ng tapos, pero sa oras na makita ko siya, baka masapak ko na talaga siya?!


Hindi ko inaasahan na sa isang pagliko ay mabilis kong matatagpuan ang aking pakay. Ang akala ko ay mahihirapan ako dahil malaki ang university na ito, pero mukhang sinuwerte ako dahil siya agad ang nakita ko.


Naroon siya at nakasandal sa isang pader na nasa labas ng university. Sa ilalim ng puno ay nakatingala siya habang nakapikit ang mga mata. Nakangiti pa siya kahit walang kasama. Sa madaling salita, para siyang tanga.


Napadilat siya nang iparada ko sa mismong tapat niya ang aking motor. Gumuhit sa kanya ang pagtataka, ngunit nang hubarin ko ang aking helmet ay bumalik ang pag-aliwalas ng kanyang mukha.


"Rex!! Sabi ko na nga ba, pupunta ka, eh!" nakangiti niyang bungad sa akin.


Naikuyom ko ang aking mga kamao. Kasunod nito ay kinuha ko ang kanyang school ID mula sa jacket ko.


"Ayan na!!" bulyaw ko at ibinato iyon sa kanya.


Nasalo naman niya iyon, ngunit sa halip na gantihan ako sa aking pambabastos ay tila natuwa pa ito. Mabilis din siyang kumilos at nilapitan ako.


"Salamat, ha?! Bayad ka na sa isa mong utang dahil hinatid mo pabalik sa akin 'to! Hindi ako pinapasok ng guard, eh!" tila natutuwa niya pang pagbabalita sa akin.


Gusto ko sana siyang sigawan para sabihing wala akong pakialam. Gusto ko siyang tanungin kung sinadya niya bang iwan kagabi ang kanyang ID sa aking inuupahan kasama ang mga gamit na isinauli niya. Gusto ko rin alamin kung ginawa niya ba iyon para magkaroon pa kami ng pagkakataong magkita. Pero kung itatanong ko pa ang mga iyon, baka humaba pa ang usapan namin nito kaya nanahimik na lang ako.


Salubong pa rin ang aking mga kilay ay ibinalik ko ang pagkakasuot ng aking helmet. Naghahanda na akong umalis dahil sa tingin ko ay tapos na ang misyon ko rito. Pero nang simulan kong paandarin ang motor ay nasorpresa ako sa sumunod na tagpo.


"H-hoy, teka?! Anong ginagawa mo?! Bumaba ka nga rito!!" utos kong pasigaw dahil sa biglaan niyang pag-angkas sa motor ko.


"Ihatid mo ako sa bahay namin, bilis! May utang ka pa, 'di ba?! Hindi mo ako pinainom ng tubig kahapon! Muntik na akong ma-dehydrate sa biyahe!" utos naman nito sa akin at mahigpit na kinapitan ang bewang ko.


"Akala ko ba may exam ka pa?! Kaya nga hinatid ko 'yang ID mo rito dahil 'yon ang sinabi mo sa akin kagabi, 'di ba?!" bulyaw ko na naman sa kanya.


"Hayaan mo na 'yon! Kukuha na lang ako ng special exam! Saka Ninong ko ang president ng school kaya madali na lang 'yon!" mabilis naman niyang pagkontra sa akin.

DUYANTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon