Napangiti ako matapos ikabit ang duyang yari sa abacá sa aking kwarto. Malaki ito at maaaring sumakay kahit ang dalawang tao.
Mahigit isang linggo rin ang ginugol ko sa paghahanap at pagbuo nito. At sa bawat araw na nagdaan ay hindi nawawala sa akin ang pag-asang may kakatok sa aking bahay para tanungin kung kailan ko matatapos ang pagkakabit nito.
Hindi ko rin minsan maiwasan ang matawa dahil nagamit ko ang lubid na ikinabit ko noong sinubukan kong tapusin ang buhay ko. Iniisip kong ito talaga ang dahilan ng pagsabit ko nito at hindi ang pagbibigti.
"Tao po?! Rex Jie Andrada?! Nasa loob ka ba?! Papasok na ako, ha?!"
Napapitlag ako sa mga pagtawag na iyon na sinasabayan pa ng malakas na pagkatok. Parang lalabas ang puso ko sa dibdib nang muli kong marinig ang kanyang tinig. Isang linggo ko rin hinintay ang kanyang pagbabalik. At ngayong nandito na siya, hindi ko maiwasang makaramdam ng saya.
"Ikaw na naman?! Anong ginagawa mo rito?!" bungad ko nang mapagbuksan ko siya ng pintuan. Sinikap ko ring maging seryoso ang aking ekspresyon. Sinusubukan kong maging magaling na aktor sa pagpapanggap na ang presensiya nito ay hindi ko gusto. Tulad ng kahilingan ng kanyang ama, gagawin kong normal tulad dati ang pakikitungo sa kanya.
Nagkamot siya ng ulo habang may alanganing ngiti ito. Hindi ko maintindihan, pero habang nakikita kong maayos na ang kanyang kalagayan at masigla na siya ay parang gusto kong yakapin nang mahigpit ang kanyang katawan.
"Papasok ako!!" bigla niya lang sambit at agad na isiniksik ang kanyang sarili para makapasok ng bahay ko.
"Teka, teka, teka?!!" mabilis kong pag-awat sa kanya dahil binalot ako ng pagtataka. "Ano 'yan?! Bakit may mga dala kang bag?!" sunod ko pang tanong habang tinuturo ang kanyang hawak.
Binitiwan naman niya iyon, ngunit sa halip na sagutin ang aking tanong ay kinuha niya muna mula sa kanyang bulsa ang kanyang cellphone.
"Hello, Daddy?! Nandito na po ako!"
"Opo! Dadalaw na lang po kami sa inyo!"
"Ano po?! Kakausapin n'yo siya?! Sige po!"
Iyan lang ang mga narinig ko mula sa kanya. Kasunod nito ay halos isubsob na niya sa akin ang cellphone dahil sa pag-abot nito nang sapilitan.
"H-hello po, Dok?" alanganin kong pagsagot sa tawag.
Narinig ko ang pagtawa ng ginoo mula sa kabilang linya sa hindi ko malamang dahilan.
"I'm sorry, Rex," bungad nito sa aking natatawa. "Pero mukhang pinipikot ka na ng anak ko? Alagaan mo siya, ha? Pwede mo na rin akong tawaging Daddy kung gusto mo?" dugtong pa nito.
Rumehistro ang hindi makapaniwalang ekspresyon mula sa akin. Hindi ko magawang makapagsalita, kaya ang panonood na lang kay Alexis habang papasok ito sa aking kwarto dala ang kanyang mga bag ang aking nagawa.
"Rex," muling pagtawag sa akin ng ginoo makalipas ang ilang segundo sa seryoso na nitong tono.
"P-po..?" nauutal ko lang na sagot dito.
"Ilang buwan lang... Nakikiusap ako sa 'yo, ilang buwan lang ang hihingiin ko para sa anak ko..." emosyonal nang pagpapatuloy nito.
Hanggang ngayon ay nasosorpresa pa rin ako sa bilis ng mga pangyayari. Pinag-iisipan ang magiging sagot ko sa sinabi ng ama ni Alexis.
Dahan-dahan ay naglakad ako sa aking kwarto habang nakadikit pa rin sa aking tainga ang telepono. Bumungad sa akin ang taong malawak ang pagkakangiti dahil tuwang-tuwa itong nakasakay sa duyan na ikinabit ko.
"Duyan?! Duyan!!" pabulong ngunit tila sumisigaw siya habang itinuturo sa akin ang kanyang sinasakyan.
Habang pinagmamasdan ko ang kasiyahan ni Alexis sa mga oras na ito ay kusang gumuhit ang malapad na ngiti sa labi ko.
"Rex?" muli kong narinig na pagtawag sa akin ng ginoo mula sa kabilang linya.
Nakatitig pa rin ako kay Alexis nang sagutin ko siya.
"Makakaasa po kayo. Aalagaan ko siya......
.... Daddy." nakangiti at determinado kong sagot sa ama ni Alexis.
BINABASA MO ANG
DUYAN
Short Story[ Note: Ang kuwentong ito ay una kong inanunsiyo na may titulong 'POSITIVE'. ] Synopsis: Sa buhay ng tao, ang mga pagkakamali ay normal lamang. Ito rin ang mabisang daan upang tayo ay makakuha ng aral. Pero paano kung ang resulta ng mga pagkakamali...