CHAPTER IX

1K 84 2
                                    

Lumipas ang mga araw, linggo at buwan. Naging napakasaya ng bawat oras ko kasama si Alexis. Sa bawat araw rin na lilipas ay mas natututunan kong maging matatag dahil iyon ang itinuturo niya sa akin. Siya ang nagiging inspirasyon ko para magpatuloy at 'wag sumuko.


Alam na rin ng kanyang pamilya ang tungkol sa aking kalagayan at nasorpresa akong tulad ni Alexis, hindi ko naramdaman na may pagbabago sa kanilang pakikitungo. Sila pa ang nagpapalakas ng loob sa akin at inererekomenda ako sa mga grupo o asosasyon na maaaring makausap kung sakaling kailanganin ko. Mabuting paraan din daw iyon para may makilala akong mga bagong kaibigang malalapitan ko.


Inalagaan namin ni Alexis ang isa't isa sa kabila ng kanya-kanya naming karamdaman. Nagagawa naming harapin ang takot dahil magkasama kami at magkahawak ang kamay.


Sa mga nagdaan din ay magkatabi kaming natutulog sa duyang ikinabit ko. Saksi ang bagay na ito sa masasaya at masasakit na sandali ng buhay naming dalawa. Mas nakilala namin ang isa't isa dahil dito namin inihayag ang naging pamumuhay namin noong hindi pa kami magkakilala. Dito rin namin binuo ang aming mga pangarap sa kabila ng katotohanang ano mang oras ay may magpapaalam.


Ngunit tulad nga ng inaasahan, dahil sa aming kondisyon ay hindi nawawala ang masasakit na sandali tulad na lang ngayon.


Magkayakap at nakasakay pa rin kami sa duyan. Ngunit, ito na yata ang pinakamapait na sandali dahil sabay rin kaming inatake ng aming mga sakit.


"R-rex... D-dito ka lang, ha..?" pakiusap niya sa aking hirap na hirap.


Hindi ko ininda ang pagbaon ng kanyang mga kuko sa aking likod dahil sa matinding pagkapit nito. Alam kong gusto na niyang sumigaw dahil sa paghihirap, ngunit sinisikap niyang maging matatag sa aking harap.


"Ssshhh... Calm down, baby... Eepekto rin mamaya ang gamot mo..." pagpapakalma ko naman sa kanyang nanghihina at hinalikan ang noo nito.


Sa kabila ng mataas kong lagnat at matinding ubo dahil sa pagbaba ng aking resistensiya ay pinipilit kong maging normal. Kailangan niya ng mahuhugutan ng lakas kaya dapat din akong magpakatatag.


"Rex... Lumaban ka, ha..? Laban lang... Hhhnngghhh..." pagpapalakas pa nito ng loob sa akin sa kabila ng tinitiis niyang sakit ng katawan.


Nagbabadya nang pumatak ang aking mga luha dahil sa labis na pagkaawa, ngunit sinikap kong hindi iyon maganap.


Naririto siya at hinang-hina. Ang buong katawan ay halos puno na ng pasa, pero heto siya, ako pa rin ang iniisip niya.


"Laban lang, Alexis... Laban lang..." sagot ko lang sa kanya at hinalikan muli ang noo niya.


Ganito lang ang aking magagawa para mapakalma siya. Paulit-ulit ko ring hinahaplos ang kanyang likod sa pagbabaka sakaling mabawasan ang panginginig ng katawan niya. Sinasabayan ko rin ito ng taimtim kong dasal na sana ay makatulog na siya para hindi ko na makita ang paghihirap niya.


Tulad pa rin ng mga nakaraan, minuto at oras ang aking binibilang hanggang sa makatulog siya epekto ng gamot at sanhi ng labis niyang panghihina. Kulong pa rin siya ng aking bisig ay muli kaming nakatulog sa duyan na amin nang naging tahanan.

.

.

.

.

.

Hindi ko alam kung ilang oras ang lumipas na kami ay magkayakap upang makaipon ng lakas. Ang sigurado lang ako ay inabot na kami ng kinabukasan dahil sa matinding pag-atake ng sakit namin nang sabay.


Napangiti ako dahil nang mapagmasdan ko si Alexis ay nahihimbing pa rin ito. Ayaw ko man siyang abalahin sa kanyang pagpapahinga ay kailangan niya ring kumain para makainom ng gamot.


"Alexis, gising na..." malambing kong pagtawag sa kanya.


Hindi siya tumugon o nagpakita ng palatandaang magigising na siya. Kaya naman, hinalikan ko nang paulit-ulit ang kanyang pisngi sa pagitan ng aking bawat pagngiti.


"Alexis?"


"Baby, gising na..."


"A-alexis..?"


Ilang beses ko pa siyang tinawag at hinalikan ang kanyang pisngi, ngunit...


"Alexis?!! Alexis!!"


Parang tumigil sa pag-ikot ang aking mundo, dahil sa kabila ng sunod-sunod kong pagsigaw ay nanatiling walang kagalaw-galaw ito.


"Alexis!!!"

DUYANTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon