Hindi naman ako nakalimot. Hindi naman lingid sa aking kaalaman na aabot kami sa ganitong punto. Pero ngayong dumating ito, parang gusto kong baguhin ang tadhana namin nito.
Kung kaya ko lang. Kung may kapangyarihan lang sana akong baguhin ang lahat.
Habang nasa tapat ng hospital bed na hinihigaan ni Alexis ay nagaganap ang isang dasal na pinangungunahan ng isang pari. Ako at ang pamilya ni Alexis ay nakatayo lamang sa tabi nito at taimtim na nananalangin. Pilit kaming nagpapakatatag sa kabila ng katotohanang oras na lamang ang aming bibilangin.
"R-rex... P-pagod na ako... Gusto ko nang magpahinga... Pakiusap... T-tawagin mo na sila..."
Hanggang ngayon ay naririnig ko pa rin ang pakiusap na iyan ni Alexis noong magising siya mula sa mahaba niyang pagpapahinga. Ito na rin ang hudyat ng aming kinatatakutan --- ang tuluyan na niyang pamamaalam.
Sa nakalipas na ilang linggo ay mas lumala ang kanyang kondisyon. Hindi na tinatanggap ng kanyang katawan ang mga gamot. Malaki na rin ang kanyang ipinagbago. Mabilis na bumagsak ang kanyang timbang kaya halos buto't balat na lamang ito. Kumupas na rin ang kanyang ngiti dahil nahihirapan na rin siyang gawin kahit ang bagay na iyon.
Nasa kalagitnaan pa lamang kami ng misa, ngunit habang nakikita ko ang kalagayan ni Alexis na tulala at nakaratay sa kama ay hindi ko na kinaya. Agad akong kumilos para lumabas nitong kwarto at iniwan silang lahat.
Nang maisara ko ang pintuan ay napasandal na lamang ako sa pader at padausdos na napaupo sa sahig nitong ospital. Kasabay nito ay inilabas ko ang mga luhang ilang linggo ko na ring pinipigilan. Naitakip ko rin ang aking mga palad sa aking bibig para pigilan ang boses ko mula sa paghagulgol.
Ang dami kong 'bakit'? Bakit naging napakabilis? Bakit ipinakilala pa siya sa akin kung agad din itong babawiin? Bakit saglit lang ang panahon na nagkasama kami at naging masaya? Bakit kung kailan nabigyan niya ako ng pag-asa ay kailangan niya pang umalis?
Gulong-gulo na ako. Gusto kong masagot ang mga katanungan ko.
Nagtagal pa ako sa ganoong posisyon. Walang tigil sa pag-iyak dahil ngayon ko lang nailalabas ito. Nangako ako kay Alexis na hinding-hindi ako magpapakitang pinanghihinaan at hindi iiyak sa harap nito kaya sinamantala ko na rin dito.
Bahagya na lamang akong napatigil nang bumukas ang pintuan ng kwarto at iniluwa ang mga taong iniwan ko kanina sa loob.
"Rex, pinapatawag ka ng anak ko... M-may gusto raw siyang sabihin sa 'yo..." umiiyak na bungad sa akin ng Mommy nito.
Mabilis akong tumayo mula sa pagkakaupo at pinunasan ang aking mga luha. Kasunod nito ay niyakap ko nang mahigpit ang kanyang ina.
"Ikaw na ang bahala sa anak ko..." nasabi lang ng ginang habang humihikbi ito.
Marahang pagtango lang ang aking naisagot hanggang sa bumitiw na rin kami.
Ilang malalalim na buntong-hininga muna ang aking pinakawalan bago ko pasukin ang kwarto. Inihanda ko ang aking sarili para magpanggap na namang normal sa harap ng taong naghihintay sa akin sa loob.
Mabigat ang aking mga paa habang nilalapitan si Alexis. Nakita ko kung paano niya sinubukang ngumiti habang nakatingin sa akin. Pinilit kong gantihan iyon sa kabila ng aking paghihinagpis.
"May gusto ka raw sabihin, baby..?" malambing kong tanong sa kanya habang magkalapit ang aming mukha. Hinahaplos ko rin ang kanyang buhok na alam kong gusto niyang ginagawa sa kanya.
"Mmmm..." nanghihina niyang sagot habang tumatango. "D-dalhin mo ako sa dagat, Rex... G-gusto kong balikan ang espesyal na lugar kung saan tayo nagsimula... D-doon sa lugar kung saan tayo unang naging masaya..." halos pabulong na niyang dugtong.
BINABASA MO ANG
DUYAN
Cerita Pendek[ Note: Ang kuwentong ito ay una kong inanunsiyo na may titulong 'POSITIVE'. ] Synopsis: Sa buhay ng tao, ang mga pagkakamali ay normal lamang. Ito rin ang mabisang daan upang tayo ay makakuha ng aral. Pero paano kung ang resulta ng mga pagkakamali...