Kabanata 8: Happy Lang, Walang Ending(Finale)

2.5K 102 62
                                    

Nagkamalay na si Inay nang dumating ako. Ngunit iniinda parin niya ang sakit sa kanyang balakang. Sabi niya nilagyan niya raw ng floorwax ang hagdan no'ng nagdaang araw kaya naging madulas ito. Mabuti na lamang at pasa lang ang kanyang natamo at hindi nabagok ang kanyang ulo at wala rin siyang bali sa katawan.

"Kumusta ang lakad mo? Kinilala ka ba ni Dennis, anak?" Ang tanong ni Inay habang hinihilot ko ang kanyang balakang.

"Hindi pa po e. Kasi no'ng tatanggalin na sana ni Dennis iyong maskara ko ay siya namang pagtawag ni Betty, na hayan, nahulog ka nga sa hagdan!"

"A-anong plano mo?"

"Sasabihin ko na sa kanya bukas Inay. At bahala na kung anuman ang mangyari. Nasa akin naman iyong pendant—" Natigilan ako nang wala na sa bulsa ng suot kong slacks ang pendant nang aking kapain. "—Naku, Nay naiwala ko po iyong pendant?"

"Ano, saan mo ba iyon nailagay?"

"Sa natatandaan ko po, habang tumatakbo ako palayo kay Dennis, inilagay ko iyon sa bulsa ko"

"Baka naman dumulas at nahulog iyon sa lupa"

"Baka nga. Hahanapin ko na lang bukas kung saan ako nagtatakbo. Kung nahulog man iyon, naroon lang iyon sa bakuran ng mansiyon"

At iyon nga ang ang aking ginawa kinabukasan subalit hindi ko na nakita ang pendant kahit pa sinuyod ko na ang buong hardin pati na ang pathway. Laglag ang balikat ko ng pumasok ako sa servants' quarter at laking gulat ko naman nang nakabukas na ang aking drawer at wala na doon ang aking diary. Si Donato kaagad ang pumasok sa aking isip dahil siya lang naman iyong may hawak ng duplicate ng mga susi.

Lumabas ako ng quarter. Kakausapin ko si Dennis at ipagtatapat na ako iyong hinahanap niya. Wala na akong pakialam kung nawala ko iyong pendant at may kumuha sa diary ko. Kung talagang mahal ako ni Dennis, kahit pa hindi niya ako nakikita noon, mararamdaman iyon ng kanyang puso.

"Si Dennis nasaan?" Tanong ko kay Sinon nang makasalubong ko sa pathway.

"Nasa kusina!" Tugon naman niya.

Dumiretso kaagad ako doon. Halo-halong emosyon ang aking nararamdaman. Humigop ako ng sandamakmak na self confidence at tapang para maipagtapat sa kanya ang totoo. At naroon din ang saya dahil sa wakas maipapakilala ko na ang tunay na sarili sa kanya. Sa higpit ng yakap niya sa akin kagabi, ramdam kong mahal nga niya ako. Subalit pakiramdam ko'y parang binuhosan ako ng nagyeyelong tubig nang makitang sinusubuan ni Donato si Dennis ng isang hiwa ng inihaw na pusit na alam kong paborito niya noong sa amin pa siya nakatira. Ang sweet nilang tingnan.

"Kumustang pakiramdam mo, Don? Magdu-duty ka na ba? Siya nga pala si Donato, ang matagal ko ng hinahanap na nagligtas sa akin noon. Kung saan-saan ko pa siya hinanap, e, matagal ko na pala siyang nakakasalamuha"

Para akong nabuwal sa kinatatayuan ng marinig iyon. Kitang-kita ko ang yabang sa mga titig ni Donato sa akin. Feeling nakatama sa lotto. Isang napakalaking kasinungalingan ang lahat. Subalit ang tapang ko at kumpiyansa sa sarili ay bigla na lamang naglaho. Parang binusalan ang aking bibig.

"Alam niya ang lahat ng detalye sa buhay ko gayung mag-dadalawang buwan pa lang naman siyang nanilbihan sa amin. Alam niya ang eksaktong lugar at petsa kung saan kami unang nagtagpo. Alam din niya ang dahilan ng pagkamatay ni Mommy noon at ang dahilan ng aking pagkabulag. Iyong nagmatch na pendant niya sa akin ay tunay din, may maliliit na letra na nakaukit doon na D&D na hindi mo makikita kung hindi mo titigang mabuti. Palihim ko iyong ipinaukit sa platero bago ko iyon ibinigay sa kanya para iyon ang magiging sign ko kung peke o tunay iyong pendant at iyong may hawak nito" Dagdag na pahayag ni Dennis na naging dahilan ng tuluyang paglaho ng pag-asang ako'y kilalanin niya. Kung pabulaanan ko ang mga sinabi ni Donato at igigiit kong ako ang tunay, alam kong hindi na ako paniniwalaan ni Dennis. Mas lamang si Donato sa itsura kaya natitiyak kong siya ang mananaig.

BekirellaTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon