Kabanata 1: Ang First Love ni Dondon

4K 95 13
                                    

Mangingisda si Itay, mangingisdang walang sariling kagamitang pandagat. Iyong bangka na ginagamit niya at iba pang kagamitan ay pag-aari ng isang konsehal sa aming barangay. Hati sila sa kabuuang huli ni Itay at iyong natitira naman ang siyang binebenta namin sa palengke at minsan ding pinagtutulongan naming ilako ni Inay sa kabilang barangay. Sino ba naman kasi ang bebentahan namin sa aming lugar e, lahat kami ay nauumay na sa isda. Pati mga hininga namin ay nangangamoy galunggong na. Minsan din ay dumadayo pa kami sa terminal ng bus at jeep sa bayan para lang magbenta. At iyong kikitain namin ang siyang ipinambili namin sa aming mga pangangailangan sa araw-araw. Gaya ng bigas, asukal, kape at iba pang pangangailangan sa kusina. Samakatuwid, sa pangingisda namin iniasa ang aming ikinabubuhay sa araw-araw. Wala naman kasing ibang pwedeng mapagkakitaan ang aking mga magulang gawa ng hindi naman sila nakapagtapos ng pag-aaral dahil sa atat na silang pareho na ako ay isilang. Gayunpaman, sa kabila ng aming pagdarahop, hindi naman nila ako pinababayaan. Napalaki nila ako ng maayos. Binihisan at pinag-aral. Salat man kami sa buhay pero kuntento na kami sa kung ano lang ang aming nakakayanan. Namuhay naman kami ng masaya at puno ng pagmamahalan sa isa't isa. Sa tulad naming mahihirap, iyon na ang itinuturing naming kayamanan.

Ngunit may lihim akong pinakaiingatan. Iyon ay ang pagiging serena ko. Mabait si Itay, pero alam ko kung paano siya magalit lalo na kapag malaman niya na ang kaisa-isang anak niyang lalaki na umaastang tigasin ay binabae pala. Galit na galit siya sa mga bakla. Hindi ko lang alam kung bakit. Napatunayan ko iyon nang minsang nagkaroon ng Miss Gay sa aming barangay. Nasa kasagsagan noon ng swimsuit round nang biglang sumugod si Itay sampu ng kasamahan niyang mangingisda. May dala silang itak at mga sibat. Bawang na lang ang kulang para na silang tumutugis ng mga aswang.

"Ititigil nyo ba iyan o pagpuputulin namin iyang mga burat ninyo, mga hinayupak kayo!" Ang dumadagundong na sigaw ni Itay na sinegundahan naman ng kanyang mga kasamahan. At talagang itinaas nila ang mga hawak na sibat at itak na mistulang mga katipunero noong unang panahon na nakahanda na sa himagsikan.

At siyempre sobrang nawindang noon ang byuti ng mga contestants. Ang patalbogan nila sa rampahan ay nauwi sa takbohan at sigawan. Halos magiba na iyong stage sa sobrang taranta nila. Kanya-kanya silang bitbit ng kanilang mga heels at iba pang mga gamit. Ilan sa kanila ay basta na lamang tumalon sa stage at nakaligtaan ng dumaan sa hagdan sa sobrang takot. May iba pa nga na sa sobrang takot basta na lamang nagtatakbo habang nakaswimsuit pa at iniwan na lamang nito sa backstage ang mga gamit.

Ang mga manonood nama'y walang tigil sa katatawa. Naudlot man ang show ngunit mukha namang ikinatuwa pa nila ang nangyari. Talagang ang baba ng tingin nila sa mga bakla. Sobrang naapektuhan din ako sa nangyari. Kahit naman kasi hindi ako halata ay kaisa nila ako. Ang layunin lang naman sana nila ay makapagbigay aliw sa mga tao ngunit sila pa tuloy iyong napasama.

"Kapag sumama ang panahon at wala kaming mahuli, makakatikim kayong mga bakla kayo!" Sigaw ulit ni Itay na ikinatawa ulit ng marami. At doon na ako nakaramdam ng inis kay Itay. Parang hindi na kasi makatarungan ang pagmamalupit niya sa mga bakla. Talagang abot-langit ang galit niya sa mga ito. Naalala ko ang kwento sa akin ni Inay. Na noong kabataan niya numero uno siyang bully sa mga bakla. Kapag daw may nakikita siyang babakla-bakla sa paligid, bubogbogin daw niya ito kasama ng mga barkada niya at hindi titigilan hanggang't hindi nangangakong magbabago. Naisip ko tuloy na baka ako ang naging karma niya sa mga pinagagawa niya noon. Ayaw niya sa bakla e, ako na kaisa-isang anak niya, bakla pala.

"Dondon, anong ginagawa mo rito? Huwag mong sabihing nanonood ka ng palabas ng mga demonyetang iyan?" Bulyaw ni Itay nang masipat niya akong nakakubli sa puno ng talisay na nasa gilid lang ng stage.

"N-naku hindi po, Tay. Papunta dapat ako kina Marie para umakyat ng ligaw nang magkagulo rito. Sumaglit lang ako sandali para makiusyoso" Ang pagsisinungaling ko sa pinatigas na boses. At dinamay ko pa talaga si Marie, ang kaibigan kong nagmamaganda na hindi naman kagandahan. Kaya kahit naging straight man ako never akong manligaw sa kanya.

BekirellaTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon