“ATE ABBY!” sigaw ni Andrea sabay balikwas ng bangon mula sa pagkakatulog. Mabilis ang tibok ng puso niya at hinihingal siya na para bang tumakbo siya ng pagkatagal-tagal. Napahawak siya sa dibdib. Wala siyang natatandaan sa kaniyang panaginip ngunit nagtataka siya kung bakit sa paggising niyang iyon ay napasigaw siya at ang pangalan pa ng kapatid niya ang nasabi niya.
Hinanap ng kamay niya ang cellphone niya sa side table. Nang makuha niya iyon ay chineck niya agad ang Instagram ng kapatid niya. May pinost itong selfie nito thirty minutes ago. Kahit papaano ay nakahinga siya nang maluwag. Ibig sabihin ay okay naman pala ito dahil nakapag-post pa. Gusto sana niya itong tawagan ngunit naisip niya na baka nagda-drive pa ito. Bukas ng umaga na lang niya tatawagan si Abby.
Pinusuan niya ang picture ng ate niya at bumalik na ulit siya sa pagtulog.
-----ooo-----
“GOOD morning, mommy! Good morning, daddy!” Masiglang bati ni Andrea nang maabutan niyang nagbe-breakfast ang mga magulang sa dining area. Kadalasan ay palaging nauunang mag-almusal ang mga ito dahil sa trabaho. Ginawaran niya ng halik sa pisngi ang dalawa saka siya umupo para kumain na rin.
Bakasyon na siya ngayon kaya wala pa siyang pasok sa school. Napaaga lang talaga ang gising niya na hindi pangkaraniwan sa kaniya.
“Ang aga mo yata ngayon, Andrea. Lunch ka na nabangon madalas sabi ng ate mo,” puna sa kaniya ng mommy niya.
“Hindi ko nga rin alam, mommy. Siguro may magandang mangyayari today kaya maaga akong magising. Ay, wait. Tawagan ko lang po si ate.”
Kinuha niya ang cellphone na nasa bulsa ng kaniyang shorts. Excited siyang makausap ang kapatid niya. For sure naman ay nasa Bicol na ito ng oras na ito. Isa pa, nami-miss na rin niya ito kahit kahapon lang naman ito umalis ng bahay.
Napakunot ng noo si Andrea nang hindi niya matawagan ang kaniyang Ate Abby.
“Bakit?” usisa ng daddy niya.
“Patay yata ang phone ni ate, e”
“Try ko ngang tawagan,” turan ng mommy niya.
Akmang tatawagan na ng mommy niya ang ate niya nang bigla namang tumunog ang cellphone ng daddy niya. Agad iyong sinagot nito.
“Hello. Sino 'to? Opo, ako nga. Oo. Tatay ako ni Abby Sandoval. A-ano?! Saan?!” Sa mga sinasabi ng daddy niya ay naramdaman ni Andrea na may hindi magandang nangyari sa ate niya.
“Daddy, anong nangyari kay ate?!” tanong niya kahit may kausap pa ito sa cellphone.
“Okay. Sige. Pupunta ako ngayon.”
Tumutulo ang luha ng daddy niya nang humarap ito sa kanila ng mommy niya.
“Greg, anong nangyari kay Abby?” Kahit ang mommy niya ay naiiyak na rin.
“S-si Abby. Natagpuan sa Quezon Province ang kotse ni Abby. N-nawawala siya.”
-----ooo-----
AGAD na bumyahe sina Andrea at ang mga magulang niya patungo sa Quezon Province. Ayon sa mga pulis na nakausap ng daddy niya kanina ay natagpuang ang kotse ng kapatid niya sa Old Zigzag Road. Wala daw sa loob niyon ang kapatid niya. May nagreport daw sa mga pulis na may naka-park na kotse sa gilid ng kalsada at kanina pa ito naroon. Nang tingnan daw ng mga pulis ay wala namang tao. May nakita din daw ang mga ito na nahawing damuhan kaya sinundan ng mga ito iyon hanggang sa makita nila ang cellphone at camera ng kapatid niya at ang isang pares ng sapatos nito.
Walang imikan sina Andrea habang nagda-drive ang daddy niya. Alam niyang lahat sila ay tensyonado. Panay ang dasal niya na sana ay walang masamang nangyari sa kapatid niya.
BINABASA MO ANG
ZIGZAG
HorrorSikat na travel vlogger ang kapatid ni Andrea. Nawala ang kapatid niya sa Old Zigzag Road sa probinsiya ng Quezon. Upang mabigyan ng kasagutan ang misteryosong pagkawala ng kaniyang kapatid ay nagtungo siya sa Quezon Province kasama ang ilang mga ka...