TUMAYO si Mayor Rodrigo at inilahad ang kamay kay Andrea. Mabilis na tumayo si Andrea upang gagapin ang kamay ng mayor.
“Ipagdadasal ko na sana ay mahanap mo na ang kapatid mo, Andrea.”
“Maraming salamat po, mayor…” Sandali siyang natigilan nang pumasok na naman sa isipan niya iyong sinasabi nitong malaking ahas. “Mayor, iyong sinasabi niyong ahas… gaano siya kalaki?”
“Sa totoo lang, marami ang nagsasabi na tatlumpung talampakan ang haba nito at kasing taba ng dalawang tao ang katawan. Napakalaki para sa isang normal na ahas, hindi ba? Basta, huwag na lamang kayong magpunta sa gubat para sa kaligtasan niyo.”
Iniisip pa lang niya kung gaano kalaki ang ahas ay parang kinikilabutan na siya.
“May picture po ba kayo ng ahas?”
Hindi sumagot si Mayor Rodrigo. Bagkus ay naglakad ito papunta sa mga drawer. Binuksan nito ang isa sa mga iyon at may kinuhang brown envelope. Ibinigay nito iyon sa kaniya.
“Laman ng brown envelope na iyan ang ilang pictures ng ahas.”
“Maraming salamat po, mayor. Aalis na po ako. Pasensiya na po sa abala.”
“Walang anuman, Andrea. Iyong bilin ko… Huwag kayong magtutungo sa gubat.”
Tumango si Andrea. “Tatandaan ko po,” turan niya.
-----ooo-----
HALOS nakalahati na nina Andrea ang poster na pina-print nila kanina. Nakahinto ang van nila sa gilid ng kalsada sa National Highway sa Atimonan, Quezon. Nakaharap sila sa malawak na karagatan habang kumakain ng potato chips. Ala-singko na ng hapon at naisipan nila na tumigil muna sa pamimigay ng poster at pagdidikit.
Medyo malakas ang alon sa dagat dahil malakas ang hangin. Napakaganda ng tanawin na nasa kanilang harapan. May malaking bato sa tabing-dagat at sa ibabaw niyon ay may rebulto ng isang sirena. Medyo kulay orange na ang tubig sa dagat dahil sa papalubog na ang araw.
“Alam niyo ba ang kwento ng sirena na iyan?” Bigla na lang nagsalita si Adam sa gitna ng katahimikan.
Sabay-sabay silang napatingin dito.
“We are not interested, Adam!” Natatawang biro ni Mandy.
“Hayaan mo nga na magbigay ng trivia si Kuya Kim!” dugtong na biro ni Clarrise.
Iyong ganitong moment ang gusto ni Andrea sa kanilang magkakaibigan. Iyong nagbibiruan sila at nagtatawanan. Iyong hindi nag-iinarte si Mandy dahil iyon lang naman ang nakakasira sa moment nila.
Mahilig kasing mag-research si Adam kaya hindi na siya nagtataka kung marami itong alam sa mga lugar at bagay-bagay.
“Ang kwento kasi niyan ay ganito. Noong unang panahon daw ay may sirenang nagbibigay ng mga kailangan ng mga tao dito sa Atimonan. Kapag humiling daw ng masaganang huli ng isda ang mga tao, ibinibigay ng sirena. Ngunit naging mapang-abuso ang tao. Naging tamad sila at palagi na lang silang humihingi sa mabait na sirena. Hanggang sa magsawa na ang sirena sa mga taga-Atimonan. Hindi na siya tumulong sa mga ito at hindi na nagpakita. Doon na daw natauhan ang mga tao dito at nagsisisi sila. Sa pag-asang baka muling magpakita ang mga sirena ay ginawan nila ito ng rebulto sa batong iyan…” Pagkukwento ni Adam.
Napapalakpak si Jackson pagkatapos. “Saang children’s book mo naman 'yan nabasa?” Tawa pa nito.
Kumibit-balikat lang si Adam. “Internet. Research…”
“Teka lang,” ani Andrea. “Kung totoo ang mga sirena, may chance din ba na totoo iyong sinasabi ni Mayor Rodrigo na malaking ahas sa Old Zigzag Road? May ganoon ba talaga kalaking ahas? Thirty-foot long?”
BINABASA MO ANG
ZIGZAG
TerrorSikat na travel vlogger ang kapatid ni Andrea. Nawala ang kapatid niya sa Old Zigzag Road sa probinsiya ng Quezon. Upang mabigyan ng kasagutan ang misteryosong pagkawala ng kaniyang kapatid ay nagtungo siya sa Quezon Province kasama ang ilang mga ka...