CHAPTER THREE- Gilda's Anger

6K 206 17
                                    

NARATING na nina Andrea ang kubong tinutukoy ng matandang babae na nagtitinda ng buko juice sa gilid ng kalsada. Nagpakilala na ito sa kanila kanina at ang pangalan nito ay Aling Thelma. Hindi iyon ganoon kalaki ang kubo ngunit sa tingin naman niya ay kasya sila doon ng mga kasama niya. Maganda rin ang kinaroroonan niyon dahil sa walking distance lang sa Old Zigzag Road.

Naabutan din nila sa kubo ang tinutukoy na apo ni Aling Thelma. Isang batang lalaki at babae na sa tingin niya ay kaedad lang din nila. Napansin niya na parang hindi maganda ang salubong sa kanila ng babae dahil nakasimangot ito. Para bang hindi nito gusto na naroon sila.

Pinapasok sila ni Aling Thelma sa kubo para matingnan nila ang loob.

“Pwede bang mag-hotel na lang tayo sa Lucena City? This is not a good idea! Paano tayo mag-e-enjoy here kung ganito ang tutuluyan natin?” reklamo ni Mandy. Panay ang tampal nito sa braso kahit wala namang lamok na kumakagat dito.

“Hoy, Mandy. FYI lang, ha. Oo nga at nandito tayo for a vacation pero baka nakakalimutan mo na ang priority natin ay ang paghahanap sa kapatid ni Andrea!” sita dito ni Clarrise.

“Okay na sa akin ito,” sabi ni Andrea. Hindi na lang niya pinansin si Mandy. “Pero hindi ko kayo pinipilit, ha. Kung hindi kayo kumportable dito, pwede naman kayong maghanap ng hotel. Basta ako, dito na ako.”

Lahat ay pumayag na sa kubo ni Aling Thelma na lang sila manatili pansamantala maliban kay Mandy. Pero wala na rin itong nagawa kaya nakiayon na rin ito sa gusto nila. Ayaw din naman siguro nitong mag-isa tapos silang lahat ay magkakasama.

Lumabas na silang lahat at siya na ang nakipag-usap kay Aling Thelma.

“Magkano po ba ang kailangan naming bayaran?” tanong niya dito.

“Ilang araw ba kayong mananatili diyan?”

“Isang linggo po siguro.”

“Pwede na siguro ang dalawang libo. Tapos may mga gamit na rin diyan, pwede niyo naman iyong gamitin. Ano, ineng? Kukunin niyo na ba? Maiging pandagdag din ng kita.”

Tumango si Andrea. “Kukunin na po namin.” Inilabas niya ang kaniyang wallet at kumuha ng dalawang libong piso. “'Eto po. Magdadagdag na lang po kami kung sakaling magtatagal pa kami. Teka, paano po kayo ng mga apo niyo?”

“Nakikita mo ba ang kubong iyon?” May itinuro itong kubo na medyo malapit na sa bukana ng gubat. “Isa pa naming kubo iyon. Doon ako nakatira dati. Nang mamatay ang mga magulang ng mga apo ko ay dito na ako tumira sa bahay nila para may kasama sila.”

“Ganoon po ba? Napakabait niyo naman po palang lola…”

“Ay, wala iyon. Kung may kailangan man kayo at wala ako, sina Jekjek at Gilda na lamang ang inyong kausapin. Maaasahan niyo ang mga apo ko. Mababait ang mga iyon. Huwag kayong mag-alala.”

“Maraming salamat po, Aling Thelma!”

“Ay, siya. Sige, maghahakot muna kami ng ilang gamit namin doon sa kubo. Kayo naman ay maaari niyo nang ipasok ang gamit niyo sa kubo.”

“Sige po…” aniya sa matandang babae.

Matapos iyon ay hinarap naman ni Andrea ang mga kasama na nasa likuran niya. Tanging si Mandy lang ang nakasimangot. Alam naman niya ang dahilan. Ayaw nitong tumira sa ganoong uri ng bahay.

-----ooo-----

“LOLA, ano naman ang naisipan niyo at ipinagamit niyo ang kubo natin sa mga dayo?” tanong ni Gilda sa kaniyang Lola Thelma nang mahakot na nila ang ilang gamit nila sa kabilang kubo. Kasalukuyan silang nasa labas ng kubo habang si Jekjek ay nasa loob at natutulog.

ZIGZAGTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon