MAAGANG nagising si Andrea ng umagang iyon. Sa totoo lang ay hindi naman talaga siya masyadong nakatulog kagabi. Bukod sa namamahay siya ay ayaw huminto ng isip niya sa pag-iisip kung paano niya hahanapin ang kaniyang kapatid.
Hawak niya ang camera ni Abby habang nakaupo siya sa may upuan sa labas. Nang oras na iyon ay sumisilip na ang haring araw upang magbigay ng liwanag at init sa kapaligiran.
Parang ang sarap din palang tumira sa ganitong environment. Wala kang makikita kundi mga puno. Walang sasakyan at malalaking kabahayan. Mga huni ng ibon ang maririnig kapag nagising ka sa umaga at hindi mga ugong ng sasakyan. Simple lang at tahimik. Ngunit hindi pa rin niya maitatanggi na sa lugar na ito nawala ang kaniyang Ate Abby. Gaano man kaganda ang lugar na ito ay may misteryo pa rin itong taglay.
Napatingin si Andrea sa hawak na camera. Binuhay niya iyon upang panoorin ang videos ng ate niya na na-record nito doon.
“Good morning, Andrea!”
Muntik na niyang mabitawan ang camera sa sobrang gulat. Bigla na lang kasing sumulpot si Mandy sa harapan niya. Nakasuot ito ng sando na kita ang pusod, shorts at running shoes. Pawis na pawis ito at may hawak na bottled water. Sa tingin niya ay nag-jogging ito. May isa pa siyang napansin dito. Parang namumugto ang mata ni Mandy. Umiyak ba ito?
Tiningnan niya ito nang masama. “Nakakagulat ka naman, Mandy! Pwede bang bumusina ka muna bago ka sumulpot?” naiirita niyang turan.
Ikinibit lang ni Mandy ang balikat. “Hindi ako sasakyan para bumusina, 'no. And besides, magugulatin ka lang talaga. Anyways, may breakfast na ba? Gutom na ako.” Kung makapagsalita ito ay para bang ang gusto nito ay siya ang maghahanda ng almusal para dito.
“Hintayin muna nating magising ang lahat at saka tayo magluluto. Teka, nakita mo ba si Carter? Wala siya sa loob.”
Napansin ni Andrea na naging malikot ang mata ni Mandy.
“Kasama ko siyang nag-jogging. Nagpaiwan siya malapit sa may gubat. Ayaw pang sumabay sa akin. Sige na, magpapalit lang ako ng damit. Saka magluto ka na, please. Ako na ang gigising kina Adam!” Maarte itong kumaway sa kaniya bago pumasok sa loob ng kubo.
-----ooo-----
MORNING person si Mandy kaya naman alas kuwatro pa lang ng umaga ay gising na siya. Ganoon talaga ang oras ng gising niya. Kumbaga, iyon ang body clock niya. Nasanay na kasi siyang mag-jogging tuwing umaga para mapanatili ang kaniyang magandang figure. Ayaw niya kasing tumaba. Sinusundan pa niya iyon ng tatlong oras sa gym. Pero dahil wala namang gym dito ay hahabaan na lang niya ang oras ng pagjo-jogging. Doon na lang niya babawiin ang exercise na kinasanayan ng katawan niya.
Nagpalit ng damit si Mandy para maging kumportable ang kaniyang pagjo-jogging. Sando, shorts at running shoes ang isinuot niya. Itinali niya ang straight niyang buhok para hindi iyon maging sagabal sa kaniyang mukha.
Tulog pa ang lahat ng kaibigan niya nang lumabas siya ng kubo. Isinaksak niya ang bluetooth earphone sa tenga at nag-play ng music sa kaniyang cellphone. Isinuksok niya ang cellphone sa gilid ng kaniyang shorts at inumpisahan na niya ang pagjo-jogging.
Pumunta siya sa kalsada at huminto sa paakyat na daan papasok sa Old Zigzag Road.
“Hmm… This is challenging!” Nakangiting turan ni Mandy at sinimulan na niya ang pagtakbo papasok sa daang iyon.
Sa umpisa ay medyo nahirapan siya dahil paakyat ang daan ngunit nang magtagal ay patag na ang daan. Sa gilid lang siya tumatakbo dahil may mangilan-ngilan na sasakyan na dumadaan. May mga tao din na nasa gilid ng daan na nagtataas ng kulay pula at berdeng bandila. Ang mga ito ang nagbibigay ng signal sa mga nagda-drive kung dapat bang huminto ang mga ito o magpatuloy lang. May mga paliko kasi na hindi mo makikita kung may paparating na sasakyan kaya kailangan talaga ng mga taong magbibigay ng signal upang maiwasan ang aksidente.
BINABASA MO ANG
ZIGZAG
HorrorSikat na travel vlogger ang kapatid ni Andrea. Nawala ang kapatid niya sa Old Zigzag Road sa probinsiya ng Quezon. Upang mabigyan ng kasagutan ang misteryosong pagkawala ng kaniyang kapatid ay nagtungo siya sa Quezon Province kasama ang ilang mga ka...