Chapter 4

3.7K 49 0
                                    

NAGISING si Yumi kinabukasan sa nakatutulig na ingay ng bulldozer at drill na nagmumula sa labas ng tinutulugan niyang silid. Kagyat siyang bumangon mula sa pagkakahiga. 


Ala-siyete na ng umaga. Dala marahil ng pagod ay napasarap siya ng tulog. Dapat kasi ay kanina pa siya gising. Tumayo siya at sinilip mula sa maliit na bintana ng attic ang nangyayari sa labas. Natanaw niya ang malalaking bulldozers sa di-kalayuan. May mga karpintero ring abalang minamaso ang istrukturang nakatayo sa tabi ng inn nila. Iyong iba naman ay abala sa pag-drill ng konkretong sahig na tinatayuan ng istruktura.


Umakyat agad ang dugo sa ulo niya. Talagang hinahamon siya ng buwisit na Don Antonio na iyon. Dahil ayaw niyang pumayag na ipagbili rito ang lupa, bubulabugin naman nito ang negosyo niya.


Hinagilap ni Yumi ang kanyang tsinelas at tuluy-tuloy na lumabas ng silid. Susugurin niya ang mga nambubulahaw kesehodang naka-pajama pa siya!






"ANG aga-aga nambubulahaw kayo!" malakas na sigaw ni Yumi sa mga karpintero. Nasa tapat na siya ng mababang bakod ng inn. Para siyang isang bulkang nagbabantang sumabog anumang oras.


"Yumi, tama na! Nakakahiya sa mga bisita natin!" awat naman sa kanya ni Kara. Nag-aalala ito sa ginagawa niyang eskandalo.


"Talagang nakakahiya sa mga bisita natin! Dahil ang aga-aga, binubulahaw niyo!" galit pa ring singhal niya.


Lumapit kay Yumi ang isang lalaking may suot ng hard hat. Nagpakilala ito bilang foreman ng mga karpintero.


"Ma'am, pasensiya na po kayo. Pero napag-utusan lang po kaming simulan na ang konstruksyon dito. Si Don Antonio Buenavista po ang kumontrata sa ahensiya namin. Kaya wala ho kaming magagawa kundi sundin ang nais nila. Kasama po kasi iyon sa kontrata," banayad na paliwanag sa kanya ng lalaki.


"Hindi ba't under negotiation pa ang pagpapatayo ng golf course dito? Hindi ba dapat ay kunin muna ni Mr. Buenavista ang permiso ng mga maaapektuhang tao bago niya simulan ang pagpapagawa?" mataray pa ring usig niya.


"Ma'am, hindi po namin alam ang proseso ng negosasyon. Pinasimulan po sa amin ang paggawa kaya inisip naming napasabihan na kayo," giit naman ng foreman sa kanya.


Hindi pa rin matanggap ni Yumi ang desisyong iyon. Lalaban siya. Maghahabla siya kahit saang husgado. Hindi tama ang gipitin sila ng basta-basta!






"IPAPATIGIL ko ang konstruksyon!" pahayag ni Yumi kay Kara. 


Nasa dining area na sila ng inn. Pilit na siyang kinumbinsi ni Kara na pumasok na sa loob. Nais nitong kumalma siya. Kaya naman hinainan na siya ni Nanay Koring ng mainit na tsokolate sa halip na kape.

Beautiful Soul (Published under Precious Heart Romances, c. 2006)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon