🎶"Purihin si Padre Jesu, umawit ng kagalakan! At kantahan ng panghele, nang pintaka niya ay mabuksan na-"
"Crisanta!!!" bulyaw ng isang pari kay Macy na nagpatigil sa kanya sa pag-practice ng piyesang pang-simbahan.
"Pafa!" Gulat na ngumisi siya nang pagkaganda-ganda sa isang matandang pari na nagpalaki sa kanya.
Simula nang magkaisip siya ay laman na siya ng simbahan. Natutulog siya na katabi ay mga pari at bitbit siya ng kanyang ama-amahan kung saan iyon madestino. Kaya lang, simula noong makarating sa Obispo ang tungkol sa pag-aaruga sa kanya ng kanyang Papa Jesu ay ipinag-permanente na ito sa isang simbahan, ang Church of Holy Trinity sa Forbes Makati. Siya ang nakiusap sa Obispo na ngayon ay 89 anyos na.
Sa pagkakatanda niya ay lilimang taon siya nang makiusap sa matandang pari na kung pwede ay magdasal din iyon na huwag na silang bigyan ng maraming tirahan para huwag na silang lumipat pa.
Ang akala niya noong bata siya ay binibigyan sila ng Diyos ng maraming bahay dahil sa dami ng lugar na napuntahan na nila. Minsan ay taon-taon silang lumilipat at nawawala ang kanyang mga nakilalang kaibigan. Napunta sa Daet, Camarines Norte ang ama-amahan niya sa Cathedral doon at nagtagal sila ng nasa dalawang taon, tapos ay napunta naman sa Cebu.
Dose anyos na siya nang maaprubahan ang pamamalagi nila sa iisang simbahan na lang at ngayon ay kinse anyos na siya. Masaya na siya dahil sa Forbes na siya nagkaroon ng mga alaala na hindi na mabubura dahil dalagita na siya-dalagitang pasaway.
"Ano na namang ipinalit mo na lyrics sa kanta na Purihin ang Panginoon? Bakit may pitaka na at pati pangalan ko ay nadamay pa, ha?" marahan na naglalakad si Jesu papalapit sa kanya kaya humahagikhik na sinalubong na niya ang may katabaan na pari.
Niyakap niya iyon sa tiyan at ginigilan. "Wala Pa, kukupit lang sana."
"Patawarin ka ng Diyos. Bakit ba ganyan kang bata ka? Nabuhay ka naman sa pangaral. Kaya ba nawawalan ng bente ang koleksyon sa misa ay kinupit mo pa?" Galit-galitan nito sa kanya kaya napatikal siya sa pagkakayakap sa may edad na pari at pinanulisan ito ng nguso.
"Anong kupit, Pafa? Hindi ah! Nagpaalam ako sa Diyos." Nag-antanda siya ng krus pero halos maitirik nito ang mga mata sa pagkadismaya.
"Diyos ko, Crisanta. Hindi ko na alam kung anong gagawin ko sa iyo. At kailan ka pa pinayagan ng Diyos na mangupit?" Naupo ito sa isang silya sa harap ng altar at hinimas-himas ang dibdib.
Aatakihin pa yata ito sa kunsumisyon.
Napakamot na lang si Macy sa ulo at umingos. "Pa, hindi nga kupit kasi nagpaalam ako kay Papa Jesus."
"Hindi naman siya sumagot na oo kaya kupit pa rin iyon." Giit nito sa kanya habang nakatingin sa kanyang mukha.
"O bakit, hindi rin naman sumasagot si Papa Jesus kapag nagdarasal ako at humihingi ng tawad. Ibig sabihin ba no'n ay hindi niya ako pinatawad?" may angas na tanong niya pero nasa himig pa rin ang paglalambing kaya napatda ang pari at nailing na lang kasabay ng pagngiti.
"Halika nga." Muwestra nito sa kanya kaya lumuhod siya sa pagitan ng mga hita nito at niyakap ito sa tiyan.
Hinimas-himas ni Jesu ang ulo niya kaya napangiti siya.
"Humingi ka na lang kasi bibigyan naman kita kapag may pera ako. Pagnanakaw pa rin iyon kapag hindi ka nagpaalam sa tunay na katiwala ng pera." Malambing na pangaral nito sa kanya pero lumabi pa rin siya.
"Pero-"
"Hep, wala ng pero. Makinig ka sa akin at ayoko na absent ka nang absent sa eskwela. Mamaya hindi ka maka-graduate, paano ka magiging isang flight attendant? Hindi ka gagaling sa English. Let me remind you, Crisanta. You must study harder in order to attain your dreams. That's the least that I can give you. As long as you have sponsors, just keep on attending school. There are so many children who wanted to hold pens and read books but few were given the chance and one of those few-is you." Inilapat nito ang palad sa tuktok ng ulo niya at saka ginulo ang kanyang ulo.
"Eh, I very know that Pafa. Look me, I'm good to speak...I'm very good in English. Ask me and I'll gonna answer you right, yow. You trust me not." Napangiwi siya sa sarili niyang Ingles at pati na ang ama-amahan niya ay natawa sa kanya.
Ewan ba niya kung bakit sablay na sablay siya sa pagsasalita ng ibang lengwahe. Kaya nga hindi siya pumasok dahil may recitation sa English. Nakakaintindi naman siya pero hindi siya makapagsalita talaga kahit na yata ibabad niya sa peanut butter ang utak niya ay hindi siya matututo.
"Puro ka kalokohan talaga. Halika na at ipaghahanda na kita ng pagkain. Akala mo hindi ko malalaman ang dahilan ng hindi mo pagpasok. Mamaya ay pupunta iyon dito si Ma'am Queenzy mo at mangumpisal dahil Biyernes ngayon." Hinawakan siya nito sa siko at saka marahan na itinayo habang nagbabanta.
Hindi siya takot.
Lumabi lang naman siya at sinarili ang paghahikhik. Akala yata ng Pafa niya ay hindi niya alam na pagkatapos ng kumpisal iyon magkukwento ng dahilan kung bakit hindi siya pumasok. Mauuna na siyang pumasok sa confessional para siya na ang mapagkamalang pari. Aabangan niya ang titser niya. Magsusuot siya ng sutana-sutana ng ama-amahan niya at papagdadasalin niya iyon ng isandaang Ama Namin hanggang sa mapuspos ang dila para hindi na makatabil pa.
. . . . . . . . . . .
To be continued next millennium. Haha. Next month I mean.
BINABASA MO ANG
Withholding Love ✔️(inc)
RomanceMacy is a happy go lucky 19 year-old young lady. Laki siya sa simbahan at ang ama niya ay mga pari na kung tawagin niya ay PAFA o Papa Father. Iniwan man siya ng kanyang ina sa harap ng simbahan ay hindi niya nagawang talikuran ang Diyos, kabaligtar...