Ang istorya ng ating masaklap na kahapon,
Ay 'di isang pelikula na maaari pang paulit-ulit na ipalabas sa sinehan.
Ang eksena sa panaghoy ng tawanan at iyakan,
ay 'di isang kanta na pe-pwede mong muling pakikinggan.
Ang mga kamalian at ang pagsuyong nagkulang,
ay 'di basta lamat ng lapis sa papel, na gagamitan mo ng pambura.'Di natin maikakaila ang katotohanan,
tulad ng hindi mapigilang pagdapo ng mga paru-paro sa paborito mong bulaklak.
Sabay na pag-tangis ng luha sa'king mata, at ang daloy ng dugong sa wasak na puso'y ibinulwak.
Pag-ibig nating nagdaan, ay wala sa mga palabas ng sinehan,
sa kanta mong pinakikinggan,o maging sa papel na pilit mong binurahan.
'Syang tanging makakasalaysay ng ating sawing kasaysayan, ay ang libong salitang nakapaloob sa pirasong larawan.
Larawang pinaka-iniingatan, katabi sa pagtulog, hinahalikan kasabay ng pagsambit ng 'yong pangalan.
At waring ibinubulong ko sa buong kalawakan., "Mahal, bakit mo ko iniwan?"
Pinilit kong itago at sinikap na wag nalang titigan.
Ilang beses kong itinapon at tinangkang 'wag nalang babalikan.
Subalit ang alaala sa ating tawanan, ang lambing sa matatamis nating usapan.
Nang kuwento sa pagmamahalan nating nakulong sa kuwadradong papel na pininturahan.
Ay pilit akong pinalilingon, ang puso't isipan, pagkatao maging kaluluwa man.
Kahit walang buhay ang papel na segundong nagpresirba sa isang pagkakataon.
Larawan nating 'di mahigitan, ni mapapantayan ng mga istorya sa nagdaang henerasyon.
Mga ritmo at tugtog sa pintig ng ating mga pusong minsa'y nagmahalan, ay nais kong ilapat sa kantang paborito mong pakinggan.
Ang mga kulay na siyang nagpinta sa kakarampot na bagay na minsang pumigil sa panahon.
Ay 'di mabubura, masisira o matititigan ng iba, pagkat ang naging larawan ay andito sa kaloob-looban.
Patulo'y itong iingatan, itatago't pangangalagaan.
Dito sa lilim ng puso kong minsan mu din naging kanlungan.