07022018

16 2 0
                                    

Magsasaka ang aking ama.
At bilang isang magsasaka
Sanay na siyang gumising nang maaga
Na wala pang alas kwatro ng umaga
Ay nagkakape na
At inaayos na ang bota sa kanyang mga paa.

Magsasaka ang aking ama.
Tanda ko pa noong kami'y bata pa,
Bago siya umalis papunta sa bukid niya,
Kahit na Sabado naman at di namin kailangang magising ng maaga,
Tatawagin niya ang aming mga pangalan
Hindi pagalit kundi malumanay lang naman,
Magbibilin ng mga gagawin
Kahit di pa kami masyadong gising
At tila mga muta ay nakapiring
Sa mga mata naming ayaw pang magising.
At kapag di nagawa ang mga bilin,
Magkukuwento siya sa pamumuhay nila
Nung sila ay bata pa,
Ang kwento niya'y pagkahaba-haba
Na parang naglilitanya
Pero doon kami natutong
Tumayo sa sarili naming na paa.

Magsasaka ang aking ama.
Hindi niya iniinda ang sikat at lupit ng araw,
At ang lagkit ng pawis sa kanyang balat,
Kahit pa nga siya na'y namumula
Hanggang mangitim ay wala siyang
Reklamong bibigkasin.
Naalala ko tuloy nung ako'y nangitim
Noong kami'y lumangoy sa dagat.
Halos iyakan ko ang nangigitim kong balat
At budburan ang pulbo
Ang buong katawan
Huwag lang akong pagtawanan sa eskwelahan.

Magsasaka ang aking ama.
Sanay siya sa mabibigat na trabaho,
Panahong pabago-bago,
Putikan at maalinsangang lugar.

Magsasaka ang aking ama.
Magsasaka rin ang mga magulang niya.
Nabuhay sila sa pagbabanat ng buto.
Nabuhay sila sa pagtitiis at sakripisyo.
Nabuhay sila sa doble kayod na estilo.
Nabuhay sila sa pamumuhay na malayo
Sa kung anong buhay ang meron kami ngayon.

Pero nagsasaka pa rin ang aking ama.
Dahil para sa kanya,
Ito ang nagturo sa kanila
Kung paano mabuhay ng masaya.

Oo, magsasaka ang aking ama
At hindi ko iyon ikinakahiya.
Lagi mang putikan ang kanyang mga paa,
Maging karamihan sa mga damit niya,
Nangingitim man siya
Pagkat sa araw nakabilad ang balat niya
Mula umaga hanggang dapit-hapon,
Madali man siyang magalit o mairita
Dulot ng pagod dahil sa pagtatrabaho niya
Buong maghapon,
Hindi ko kailanman itatago at ikakahiya
Na ang tatay ko ay isang huwarang magsasaka.

Madalas mang mababa ang tingin ng tao
Sa mga katulad niya,
Kaya mababa na rin ang tingin nila
Sa sarili nila (lalo na siya),
Madalas man siyang natatahimik
Kapag nakaharap sa mga taong
Matataas nga ang pinag-aralan
Ay hindi naman marunong
Mabuhay na walang katulong,
Nais kong malaman niya
Na napakataas ng tingin namin sa kanya.

Iniidolo ko➖namin➖ siya,
Inspirasyon namin siya...
Dahil hindi siya nagkulang
Sa pagbibigay ng buhay
Na hindi man marangya
Ay punong-puno naman ng pagmamahal
At pag-aaruga.
Hinayaan niya kaming matutunan
At maramdaman
Ang pamumuhay ng isang magsasaka.

Magsasaka ang aking ama
At ang bota sa kanyang paa,
Aalisin ko na.

Language of the HeartWhere stories live. Discover now