Chapter 4: His Intention

4 0 0
                                    

Naglalakad sina Lancel at Franco sa may pasilyo ng fourth year building. Ihahatid daw kasi siya nito. Hindi naman niya alam na totohanin pala nito.

Habang naglalakad, napansin niya ang ilan sa mga schoolmates niya ang tingin nang tingin sa kanila ni Franco.
Palihim na sinulyapan niya ang katabi. Nakangiti lang ito. "Huwag mo nalang silang pansinin."

Tumango siya bilang sagot. Nang marating nila ang classroom niya, hiyawan at sigawan ang naririnig nila mula sa mga kaklase niya.

"Oh. My. G. Lancel!!!!" hiyaw ni Angelica. Kahit kailan, ang ingay-ingay talaga ng bestfriend niya.

Napangiti na lang siya. Iyong ibang kaklase nila ay nagsilabasan na rin para makiusyoso.

"Kayo na ba?" halatang kilig na kilig na tanong ng bestfriend niya.

"Hindi. Hinatid lang ako ni Franco," paliwanag niya.

"Uyyy, bakit may hatid-hatid portion?"

"Wala namang masama kung ihatid ko si Lancel," saad ni Franco.

"Teka, best friend, ipakilala mo naman ako diyan," hirit ni Angelica.

"Ay, sorry. Franco, si Angelica nga pala, best friend ko. Angelica, si Franco, SSG member ng school natin."

Tumikhim si Franco. "SSG member lang ba ako sa iyo?" nakangusong tanong nito. Bakit ba ang cute mo!

"Si Franco, ang bago kong kaibigan," pag-iiba niya.

Napansin niya ang naniningkit na mga mata ni Angelica. "Are you sure na wala kayong relasyon?"

"Wala nga."

"Pero wala namang masama kung maging kami ni Lancel, 'di ba?" dagdag ni Franco na ikinalaki ng mata niya.

Nagsigawan naman ang mga kaklase niya at nangingisay sa kilig naman si Angelica. Bigla siyang nahiya.

At itong si Franco naman, nakangiti lang!

"Anong pinagsasabi mo diyan?" patay-malisya niyang tanong.

Ngumiti lang ito saka kumindat dahilan para lalong maghiyawan ang mga kaklase niya.

Natigil lang ang hiyawan nang dumaan ang adviser nilang si Miss Agatha, ang pinakabatang guro na nasa school nila.

"Anyare?" sabi nito na nakangiti. At nang tumingin ito sa kanila ni Franco, napatango-tango lang ito saka ngumiti. "Bagay kayo."

"Oh, galing na mismo iyan kay Ma'am ha," natutuwang sabi ni Franco na tila naaaliw pa sa sinabi ng guro.

"Tumigil ka nga," pagpipigil niya sa kilig na nararamdaman.

Tumunog na ang bell, hudyat na kailangan na nilang pumasok.

"Salamat sa paghatid," nakangiting saad niya kay Franco.

"Walang anuman. Nakalimutan ko na wala pala kaming pasok ngayon dahil wala si Ma'am kaya uuwi na ako. Okay lang ba sa iyo?" sagot naman nito. "Kita na lang tayo ulit bukas,"  dagdag nito saka tumalikod na.

Pumasok na rin siya para sa afternoon class.

-----

TUMAWAG KAAGAD si Franco sa driver nilang si Mang Kardo na dumating din makalipas ang dalawampung minuto.

"Diretso po sa bahay," tugon niya sa driver.

"Ah, Sir? Pwede po ba tayong dumaan ng pharmacy? Nagpapabili po kasi si Manang Nelia ng gamot,'' tukoy nito sa maid nila na halos nagpalaki sa kanya.

"Bakit po? Ano pong nangyari kay Manang?" nag-aalalang tanong niya.

"Hika po."

Matapos makabili ng gamot ay dumiretso na kaagad sila sa bahay nila. Siya na rin ang nagbigay ng gamot sa yaya niya.

"Kumusta po ang pakiramdam niyo Manang?" tanong niya rito matapos nitong uminom ng gamot.

"Hindi pa maayos kasi kaiinom ko pa lang. Kapag umepekto na ang gamot, magiging maayos din ang pakiramdam ko."

Ngumiti siya rito. "Manang, huwag niyo na po akong ipag-alala. Kapag pagod po kayo, pwede naman po kayong magpahinga."

"Naku. Hindi pwede. Magagalit ang mama mo."

"Pero, Manang," parang batang maktol niya. Ayaw niya kasing napapagod ng husto ang yaya niya.

"Magiging maayos din ang pakiramdam ko, Cocoy," saad nito na ginamit pa ang palayaw niya noong bata pa siya.

"Manang, huwag niyo na pong gamitin ang palayaw ko," reklamo niya na nginitian lang ng yaya niya.

"Eh, ikaw 'yung parang bata kung makapagmaktol," sagot nito.

"Bihis na po muna ako, Manang," paalam niya saka dumiretso sa kwarto niya para magbihis.

Matapos magbihis ay kaagad niyang tiningnan ang phone niya kung may text galing sa current SSG President pero dismayado siya nang makita na pangalan lang ni Lancel ang rumihestro sa screen dahil ang totoo niyan ay ayaw na ayaw talaga niya rito.

Hanggang ngayon, nandidiri pa rin siya tuwing kasama ito lalo pa kung magkakalapit sila. Ayaw na ayaw niya kasi sa bakla.

Natawa nga siya nang makita ito sa unang pagkakataon. Ang laswa talaga kasi. Sino ba naman kasi ang magkakagusto rito na kulot na nga ang buhok, moreno pa ang balat?

Kung hindi lang dahil sa SSG Election ngayong taon ay hindi niya ito pakikisamahan ng maayos. Lalo pa at target niya ang posisyon ng President at kailangang maganda ang imahe niya sa buong school.

Binasa niya ang mensahe nito.

Hi, Franco. Don't forget your dinner. 😊

Matapos basahin ay kaagad niyang binura ang mensahe.

Lumapit siya sa kama at doon ibinagsak ang sarili at umidlip.

Mga katok sa pinto ang gumising sa kanya.

"Sir, bumaba na po kayo. Nandito na ang mommy niyo," tawag ng isa nilang katulong. Hindi na siya sumagot at kaagad na bumaba.

Nadatnan niya ang mommy niya na naglalagay ng pinggan sa hapag. Nilapitan niya ito saka hinalikan sa pisngi.

"Kumusta po, Mommy?" bati niya.

"My good-looking son! Heto, mabuti naman. Busy sa company natin," nakangiting  tugon nito. Halatang pagod ang mukha nito pero nakuha pa nitong ngumiti. "Ikaw naman? Kumusta ang school?"

"Ma, kumain muna tayo at saka ko ikukuwento."

Nang makaupo sila at nagsimulang kumain ay sinimulan na rin niya ang pagkukuwento.

"I will run for SSG President this year."

Ngumiti ito. "Really? That's a good news."

"Yes, Mom. Nakakainis nga kasi kailangan kong pakisamahan ang bakla sa school."

Tumaas ang isang kilay nito. "Uy, 'wag na 'wag kang makikipag close sa kahit na sinong bakla sa school niyo," paalala nito. "Ayokong matulad ka sa tatay mo."

Nagdilim ang ekspresyon ng kanyang mukha nang maalala ang tatay niyang nang-iwan sa kanila sampung taon ba ang nakakaraan.

His First Love (BoyXBoy)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon