Walang Himalaaa!

13.8K 160 1
                                    


MAY PROPESIYA ang komadrona slash manghuhula na nagpaanak sa nanay ni Beauty.

Dahil raw isinilang siya sa gabing nagniningning ang planetang Venus sa kalawakan, magiging maganda raw siya paglaki. Magkakaroon siya ng perpektong mukha, mahubog na katawan at kaakit-akit na ngiti. Kai-inggitan siya ng mga babae. Siya raw ang magiging role-model ng mga bading. Lahat raw ng lalaking mata-type-an niya, mapapasakanya. At lahat raw ng gusto niya, makukuha niya agad dahil maganda siya.

Malaki raw ang posibilidad na maging isa siyang sikat na artista.

Tuwang-tuwa ang nanay niya, pinangalanan tuloy siyang 'Beauty.' Panay ang bida sa mga kalaro sa sakla na susunod raw siya sa yapak ni Ate Vi.

Vilmanian kasi ang nanay niya.

Hindi raw kay Ate Vi, kontra ng tatay niya. Siya raw ang magiging susunod na superstar.

Noranian naman kasi ang tatay niya.

Muntik nang maghiwalay ang mga magulang niya dahil sa pagtatalo kung matutulad ba siya kay Nora o kay Vilma.

Hindi siya pinadadapuan ng mga ito sa lamok. Ibinili siya ng mga mamahaling lotion na pampakinis ng kutis. Imported pa ang sabon na gamit niya. Taas-noong naglalakad ang mga magulang niya kapag lumalabas sa barangay nila, proud na proud na maganda ang anak nila.

Pero hindi nagkatotoo ang propesiya.

Hindi siya naging maganda. Napaka-plain ng mukha niya, madaling makalimutan. Walang saysay ang mga sabon at lotion, hindi gaanong kuminis ang kutis niya. Hindi rin maka-agaw pansin sa mga lalaki ang katawan niya. Hindi siya gaanong tinubuan ng dibdib. Hindi pa proportioned ang balakang niya sa baywang niya. Feeling nga niya mukha siyang beyblade.

Kahit lumaki siyang ginagaya si Aaaah ng Sidhi, ang piping karakter na ginampanan ni Nora, hindi naman siya naging superstar. Hindi rin siya naging star for all seasons kahit ilang ulit niyang pinanood ang Relasyon at Bata, Bata, Paano ka Ginawa?

Waley na waley ang naging career niya. Stand-up comedienne siya sa isang chipipay na comedy bar sa Malate. Ilang ulit na siyang napa-away dahil ilang beses na rin siyang napagkamalang bakla ng mga costumer dahil sa kapal ng make-up niya.

Pero at least, exciting ang trabaho niya. Hindi boring tulad ng sa mga tipikal na empleyado na pumapasok otso-oras isang araw na nakaharap lang sa computer at nakikipag-flirt sa mga ka-opisina kahit may karelasyon na. Ang tawag nga sa sahod niya, talent fee. Hindi labor fee. O, okay na, de vah?

Hindi okay sa mga magulang niya. Siguro dahil na-frustrate ang mga ito na hindi siya naging isang maningning na bituin. Isa pa, hindi rin kalakihan ang kinikita niya dahil nalulugi naman ang bar. Dumadating 'yong mga linggong madalang silang mag-show. Paluwal pa siya minsan dahil bumibili rin siya ng make-up niya.

Pero katwiran naman niya kaya ayaw niyang iwan ang trabaho ay dahil stepping stone niya 'yon para sumikat. Dahil nga sa trabaho niya, nakikita na rin naman siya sa ibang pelikula. Kaso, it was either ka-double siya ng artista o extra. Madalas ang ganap niya, iyong babaeng bumibili ng fishball sa likod ng bida. Minsan nakatalikod pa siya. Pero at least, may exposure na kahit man lang ang buhok niya, 'di ba?

"Sisikat din ako," sabi niya sa repleksyon niya sa salamin, ilang minuto bago magsimula ang skit niya sa comedy bar. "Bukas, luluhod ang mga tala. With matching gapang pa."

"Hoy, Beauty!" tawag-pansin sa kanya ni Valyena, ang kasamahan niyang bakla sa comedy bar na mas malaki pa sa drawer. Stage name lang nito ang Valyena. Andres ang totoong pangaan nito. "Portugal mong mag-make-up. Kanina ka pa inaabangan ng mga utaw sa labas."

"Sandali lang."

"Ay, 'te, bilisan mo at baka pagalitan ka pa ni Ate Kim," wika nito na tinutukoy ang silahis na may-ari ng bar na kamukha ni Kuya Kim.

"Sige na, sige na, susunod na 'ko," pagtataboy niya rito. Muli siyang tumitig sa salamin.

"Darating din ang moment na sobra kang liliwanag na kahit araw at buwan, maiinggit na sa 'yo. Kailangan mo lang maging patient," pagkausap niya sa sarili, habang inaayos ang yellow green na wig. Inayos din niya ang suot na gown, tumayo at lumabas na sa stage.

Musika sa pandinig niya ang palakpakan ng mga tao.

Not Like In The Movies (COMPLETE)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon