Kung Ikaw Ay Isang Panaginip (Wenn Deramas)

5.8K 104 0
                                    


KATATAPOS lang nang show sa Laptrip comedy bar at tulad nang nakasanayan, ipapamigay na ng boss na si Ate Kim ang mga talent fee—hindi labor fee, ng mga empleyado.

Unang ibinigay ang mga pera para sa mga stand-up comedian. Tahimik lang na nakapila si Beauty, habang hindi naman magkamayaw ang mga kasamahan niya.

"Maibibili ko na rin ng rubber shoes ang boylet ko," pagbibida ni Valyena.

"Ay ate, 'yong akin naman pinasasagot 'yong tuition fee ng girlfriend niya," iiling-iling na sabi ni Queen Laki-faah, impersonator ni Queen Latifah, na unusual naman talaga ang laki ng paa. Romeo ang totoong pangalan nito. "Pinagbigyan ko na kasi baka hiwalayan ako."

Kanya-kanya nang hinga ng sama ng loob ang mga katrabaho niyang beki tungkol sa request ng boyfriend ng mga ito. May naramdaman tuloy siyang awa sa mga ito. Mahal naman ng mga ito ang boyfriend ng mga ito. Sinasabi ng mga ito iyon sa kanya kapag seryoso na ang mga ito, sawa nang magpatawa, binura na ang makakapal na make-up at hinubad na ang mabibigat na wig. Inggit na inggit ang mga ito sa kanya dahil babae siya. Hindi raw niya kailangang bumili ng pagmamahal.

"O, 'eto na ang sahod mo," sabi sa kanya ni Ate Kim nang nasa unahan na siya ng pila. Inabot nito sa kanya ang sobre na may pera. Naninigarilyo ito, pinakatitigan siya. "'Di ba gusto mong mag-artista?"

Mabait sa kanila si Ate Kim at aware ito sa mga gusto nila sa buhay.

"Opo."

"May nabalitaan akong audition para sa magiging leading lady ni Gavin Acosta sa susunod niyang pelikula. Gusto kasi ng movie producer na mag-discover ng bagong talent para ipares kay Gavin. Gusto mong sumubok?"

"Gavin Acosta?" hindi makapaniwalang sabi niya. Malakas ang tama niya sa lalaki. Sampu ang poster nito sa kuwarto niya. Bukod sa pag-aartista, ang mapansin ni Gavin Acosta ang isa sa pinaka-malaking pangarap niya. Alam siguro ni Ate Kim iyon kaya binanggit nito sa kanya ang tungkol sa audition. "Puwede ba talaga akong mag-audition?"

"Bakit naman hindi?" tanong ni Ate Kim. "May talent ka naman."

"Pero 'di ba ang mga ipinapares kay Gavin, yong mga exceptional ang ganda?" pagpapapansin ni Valyena. "Baka ma-dissapoint ka lang, Beauty."

"Mas lalong nakaka-dissapoint kung hindi niya susubukan, 'di ba?" sabi ni Ate Kim. "'Wag ka munang pumasok the rest of the week. Kaya namang magfill-in ng mga kasamahan mo rito. Paghandaan mo muna ang audition mo." Nagbuga ito ng usok. "Wait, gusto mong mag-audition, right?"

Tumango siya nang paulit-ulit, pagkatapos ay niyakap si Ate Kim. Gumanti naman ito ng yakap sa kanya. Napakabait nito. Nagsilbi na itong magulang sa mga stand-up comedian doon.

"Salamat po talaga," sabi niya.

Tumango lang ito. Nagkanya-kanya na ring sabi ng "good luck" ang mga katrabaho niya. Kung pagbubutihin niya ang audition, baka ito na ang hinihintay niya na ultimate break niya. Hindi naman masamang mangarap, 'di ba? Libre naman 'yon.

NAGNININGNING ang mata ni Beauty habang nakatingin sa poster ni Gavin Acosta. Nakangiti ito sa litrato, nakaupo sa damuhan at kumikislap ang mga mata.

Hinawakan niya ang pisngi ni Gavin sa poster. "See you soon, my Prince Charming. See you soon."

Bumagsak siya sa kama niya at kinikilig na nagpagulong-gulong doon. Patuloy ang paghiling niya na sana ay siya ang mapili na makakalove-team ni Gavin. Umaasa siya na this time, pagbibigyan naman siya ng Diyos at tutuparin Nito ang hiling niya.

Not Like In The Movies (COMPLETE)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon