Siya ang nagbigay sa akin ng payapa.
Iniaadya niya ako mula sa daing ng lupa,
Tinubos ako mula sa libu-libong
nanlilisik na mga mata't
namumuksang mga bibig.
Nanahan ako sa kaniya nang walang nauulinigan
ni ungol ng hangin
o mga nag-iingay na kuwento.
Ngunit
siya rin
ang nagbigay sa akin ng hirap.
Apat na blankong sulok na kung saan
ako'y narito.
Walang pagkakataong matanaw
ang pananabik ng aking mga anak,
Ang pagkakataong mayakap muli ang aking asawa,
At ang pagkakataong sipatin ang kulay ng mundo.
Hindi, hindi ang Diyos na nananahan sa akin,
kundi isang elementong nagtatago lamang
sa walang palatandaang bilangguan.
Malinis at payapang-payapa,
Ngunit siya lang ang nakinabang.
Nang dahil sa kaniya,
Naghalo ang tuwa at hinagpis
na hindi maintindihan.
Iniwan akong nilagutan ng bait,
hungkag ang katinuan,
at wala sa sarili.
BINABASA MO ANG
Kung Saan Ang Liwanag
PoesíaKoleksiyon ng mga tulang espiritwal ng bagitong manunulat... makikita ang mga ito sa teddyliterati.blogspot.com